Inday TrendingInday Trending
Imbes na Magtrabaho ay Asa sa Suwerte ang Mister; Nang ‘Di na Makatiis ang Misis ay Ibang Klaseng Leksyon ang Tinuro Niya sa Asawa

Imbes na Magtrabaho ay Asa sa Suwerte ang Mister; Nang ‘Di na Makatiis ang Misis ay Ibang Klaseng Leksyon ang Tinuro Niya sa Asawa

“Nanaginip ako ng dumi ng tao. Mamaya ay dadaan ako sa bingohan. Siguradong jajackpot na naman ako!” tuwang-tuwang nagkukuwento si Rudy sa asawang si Emy.

Agad namang bumusangot ang mukha ng misis. Sa labis na paghahanapbuhay niya ay nananakit na ang kaniyang balakang at nangangayayat na nang sobra. Dagdag pa ang mga gawaing bahay.

Wala nang ginawa ang mister kundi humilata at magbasa sa internet ng kung ano-anong tungkol sa suwerte sa araw-araw.

Mantakin mo ba namang hindi siya namamahinga sa loob ng isang lingo dahil sa loob ng walong taong pagsasama nila ng mister ay hindi na ito nagtrabaho pa.

Palibhasa’y malaking halaga ang nakuha nilang mag-asawa mula sa mga magulang ni Rudy nang ikasal.

Ngunit dahil sa kakataya nito sa lotto at pagbibingo ay paubos na ang perang iyon.

Mahilig din itong bumili ng mga kung ano-anong pampasuwerte sa isang feng shui expert.

Imbes na magtrabaho at magnegosyo’y kung ano-anong walang kuwentang bagay ang inaasikaso ni Rudy gaya ng pag-aaral ng pagbabasa ng palad at numerong puwedeng tayaan sa lotto o sa kung anumang sugal maski wala namang naniniwala sa kaniya.

“Paano naman may maniniwala sa iyo? Kung totoo iyang hula mo at mga pampasuwerte, ‘di sana’y napakayaman niyo nang mag-asawa. Dahil kung pagaganahin mo ang utak mo, malamang kayo ang uunahin mong pauulanan ng suwerte. Ni magkaroon nga ng anak ay hindi niyo magawa,” wika ng ama ni Rudy na si Daddy Lino.

Masakit man magsalita ang ama ngunit totoo ang lahat ng iyon. Sa laki ng suweldo ni Emy bilang isang accountant sa isang sangay ng gobyerno ay ni hindi man lamang nga sila nakabili ng sariling bahay at sasakyan.

Napag-iiwanan na siya ng husto ng kaniyang mga katrabaho.

Gayunpaman ay isinasantabi ni Rudy ang lahat at patuloy sa kaniyang mga gawain.

Isang araw ay nagpasya na si Emy na kausapin ang kaniyang biyenang lalaki at babae. Gusto niyang turuan ng leksyon ang mister. Sumangayon naman ang mga magulang ni Rudy. Anang Mommy Carmela nito’y kundi nila iyon gagawin ay habangbuhay na silang walang pag-usad.

“Pasensiya ka na Emy, anak. Hindi rin namin mawari kung bakit nagkaganyan ang batang iyan. Hindi naman sa pagkukumpara ngunit lahat ng mga kapatid niyo’y may mga sinabi na sa buhay,”

Wala namang naging problema si Emy sa kaniyang mga byenan. Sa katunaya’y pilit nagbibigay ang mga ito ng ekstrang pera buwan buwan ngunit tinatanggihan iyon ni Emy.

Kasya at malaki naman ang sahod niya. Sadyang wala lang silang maipon sapagkat mamahalin ang mga binibiling pampasuwerte ng asawa.

“May malala akong sakit at malapit na akong mawala, Rudy. Hanggang kailan ka maniniwala sa suwerte? Suwerte ba ang pangyayaring ito?” lumuluhang saad ni Emy.

Pinagsusuntok ni Rudy ang pader at saka humagulgol.

“Tatawag ako kay daddy. Gagawin nila ang lahat para gumaling ka Emy,” saad ng mister.

“Nakausap ko na sila. Walang-wala na sila ngayon. Hindi lang sila nagsasalita pero lubog sila sa utang at hindi na nila alam kung paano makakaahon,” nakatulalang saad ni Emy.

“Ha?! Bakit?! Hindi naman ako nagkulang sa mga pampasuwerteng ritwal ko mula umaga hanggang gabi!!!”

“‘Di ko alam, Rudy… Bahala ka na muna at magpapahinga na ako,” batid ni Emy saka iniwan mag-isa ang asawang puno ng tanong sa isip.

Mula nang araw na iyon ay sinimulan ni Rudy na ibenta ang kaniyang mga mamahaling gamit na pampasuwerte.

Nakalikom si Rudy ng humigit kumulang kalahating milyong piso. Halos isang milyon ang nagastos niya sa mga iyon ngunit napilitan na lamang siyang ibenta ito ng palugi para agad na mapagamot ang asawa.

Agad niyang binigay ang lahat ng naipong salapi sa misis at pinaalis na rin ito sa trabaho.

Naging masipag din ito sa mga gawaing bahay at kahit paghuhugas ng isang baso ay hindi na nito hinahayaan ang misis.

Tuwing check up ni Emy ay hindi niya sinasama si Rudy.

Hindi naman na nagpumilit pa ang mister dahil kasama naman ng asawa ang sarili niyang mga magulang sa tuwing magpapatingin ito sa espesyalista.

Makalipas ang isang buwan ay gulat na gulat si Emy sa nakitang pagbabago sa mister.

Nakapasok ito sa isang accounting firm at hanggang hatinggabi itong nagtratrabaho. Nag-uuwi ito ng sangkatutak na papeles at sa bahay nagoovertime.

Tuwang-tuwa si Emy sa naging gawi ng asawa.

Hindi niya alam kung paano aaminin sa mister na pagkukunwari lamang ang lahat.

Anuman ang maging tugon ni Rudy sa kaniyang ginawa ay ipinagpapasa-Diyos na lamang niya.

Ang mahalaga’y natauhan na ito at nagbabanat na ng buto.

“Honey, natutuwa ako at mukhang okay ang nagiging takbo ng pagpapagaling mo. Patawarin mo ako sa lahat ng pagkukulang ko. Mali talaga ang pagiging tamad ko at pagiging pala-asa sa suwerte at sa mga magulang ko,” sinserong pahayag ng mister.

“Rudy, may ipagtatapat ako sa iyo. Wala talaga akong malubhang karamdaman at sa katunaya’y okay na okay ako. Pero Rudy, tatlong buwan na akong buntis. Kasama ko si daddy at mommy kanina sa doktor,” kinakabahang pagtatapat ni Emy.

Gulantang na gulantang si Rudy sa narinig ngunit nangibabaw ang tuwa niya sa narinig.

Magiging ama na siya.

Pinagalitan niya lamang ang misis sa pagkukunwari nito dahil daw baka magkatotoo iyon.

Sa kabilang banda, sinabi rin ng doktor na dahil nakapagpahinga si Emy sa trabaho at nawala ang stress nito sa buhay ay nakayanan nitong magdalang tao.

Sa halip na magalit si Rudy ay nagpasalamat at humingi pa ito ng tawad sa misis at sa kaniyang mga magulang.

Lalo itong nagsipag sa trabaho at agad namang napromote matapos manganak ng asawa.

Mula noon ay naging masipag na si Rudy at siya na ang bumubuhay sa kaniyang mag-ina.

Ni hindi na nito binabanggit ang katagang suwerte at natutunan niyang kailangang magsikap sa buhay upang tunay na makamit ang jackpot mula sa ating Panginoon.

Advertisement