
Tinulungan ng Mag-Inang Nagbebenta ng Ulam ang Matandang Babae na Gustong Umutang; Ikinagulat Nila ang Ibinayad Nito
Ang ihawan ni Aling Greta ang paboritong puntahan ng mga kapitbahay niya kapag nais ng mga ito na kumain ng iba’t ibang klase ng inihaw. Bukod sa masarap na ay mura pa ang mga paninda niya kaya binalik-balikan ngunit sa gabi lang bukas ang ihawan niya dahil sa gabi lang iyon dinadagsa ng mga mamimili.
Sa umaga ay sarado ang ihawan kaya sinasamantala naman iyon ng mag-inang Rosalie at Rose Anne na nagtitinda naman ng mga lutong ulam na nakalagay sa plastik. Mabili rin ang kanilang mga panindang ulam subalit labis na ikinaiinis ni Aling Greta ang pagtitinda ng mag-ina dahil sa harap ng kaniyang ihawan nakapuwesto ang mga ito tuwing umaga.
“Hoy, Rosalie maaari bang humanap na lang kayo ng ibang puwesto na pagtitindahan niyong mag-ina? Huwag naman kayo humarang diyan sa harap ng ihawan ko!” paninita ni Aling Greta.
“Pasensiya na, Aling Greta, pero nakausap ko na si Mang Pilo tungkol diyan at pinayagan naman niya kaming magtinda rito. Mas madali kasing matunton ng mga kapitbahay natin ang puwestong ito kaya gusto ko rin na dito kami magtinda ng anak kong si Rose Anne,” sagot naman ni Rosalie.
Napasimangot ang babae sa sinabi ni Fosalie. Ang asawa kasi niyang si Pilo ang pumayag na sa harap ng kanilang ihawan pumuwesto sa pagtitinda ang mag-ina. Isang mabait na kapitan ng barangay ang mister niya kaya nang malaman niya na ito ang nagbigay pahintulot sa pagtitinda nina Rosalie ay nag-init ang kaniyang bumbunan.
“Buwisit talaga itong asawa ko kahit na kailan!” inis na sabi ni Aling Greta sa sarili.
Isang gabi ay kinompronta niya ang mister.
“Pilo naman, bakit mo pinayagan ang mag-inang Rosalie at Rose Anne na iyon na magtinda sa harap ng ating ihawan?”
“Ano bang ikinagagalit mo riyan, Greta, eh sa tuwing umaga lang naman sila nagtitinda? Sa gabi pa naman bukas ang ihawan natin. Hindi mo naman sila kakumpetensya dahil hindi naman kayo sabay na nagtitinda. Saka, maawa ka naman sa mag-inang iyon. Maagang nabiyuda si Rosalie at naulila naman ang anak niya na si Rose Anne sa namayapa niyang asawa na si Rodrigo. Ang pagtitinda na lang ang ikinabubuhay nila, sana ay huwag mo nang pakialaman pa!” sagot ni Mang Pilo.
Kahit napaliwanagan na siya ng mister ay nanggagalaiti pa rin sa inis si Aling Greta. Wala naman siyang magagawa dahil nakapagdesisyon na ito.
Nang sumapit ang gabi ay binuksan na ni Aling Greta ang kanilang ihawan. Tulad ng inasahan ay dinumog ito ng mga kapitbahay nila na gustung-gustong tikman ang kanilang masarap na inihaw. Maya-maya ay isang matandang babae ang biglang lumapit kay Aling Greta.
“Ineng, maaari mo bang maka-utang kahit isang pirasong istik ng inihaw na baboy? Nagugutom na kasi ang apo ko, eh. Nakalimutan ko pa sa bahay ang pitaka ko. Huwag kang mag-alala at babayaran kita agad sa pagbalik ko,” pagmamakaawa ng matanda.
Nag-init ang ulo ni Aling Greta sa tinuran nito.
“Hoy, Ale, puwede ba, alam na alam ko na ang ganiyang modus. Hindi mo ako maloloko! Sasabihin mo na magbabayad ka pero hindi ka na babalik at tatakbuhan mo na ang utang mo.
Sorry, pero hindi ako nagpapautang, eh. Kung maaari ay umalis ka na sa harap ko ale at baka kung ano pa ang masabi ko sa iyo. At isa pa, hindi ko naman kayo lubos na kilala para pautangin. Kaya tsupi, tsupi, baka malasin pa ang mga paninda ko sa iyo!” pagtataboy ni Aling Greta sa matanda.
Lulugo-lugong umalis ang matandang babae ngunit hindi ito nawalan ng pag-asa nang makita ang mag-inang Rosalie at Rose Anne na nagliligpit na ng kanilang mga paninda.
“Mga ineng, meron pa ba kayong panindang pagkain?” tanong nito.
“Ay opo, meron pa lola. Hindi po kasi naubos ang paninda naming ulam kaya mayroon pang natira rito. Bibili po ba kayo?” tanong ni Rose Anne.
“Maaari bang utangin ko muna ang paninda niyo? Nagugutom na kasi ang apo ko. Naiwan ko sa bahay ang pitaka ko kaya wala akong maipambabayad sa inyo, pero babayaran ko naman kayo kapag nakauwi na kami at kapag nakabalik ako rito,” tugon ng matanda.
Nakaramdam ng awa ang mag-ina sa sinabi nito kaya dali-daling ibinalot ni Rosalie ang mga natira nilang panindang ulam at kanin at ibinigay sa matanda.
“Sa inyo na po iyan, lola. Huwag niyo na pong bayaran. Bigay na namin iyan sa inyo para pati kayo ay makakain na rin,” wika ni Rosalie sabay abot sa matanda.
“Oo nga po. Para makakain na po kayo ng inyong apo,” sabad ni Rose Anne.
“Naku, maraming salamat. Hayaan niyo at babayaran ko ito,” masayang sagot ng matandang babae at nagmamadali nang umalis.
Lumipas ang ilang linggo ngunit hindi na bumalik ang matanda. Hindi naman nakaramdam ng inis o galit ang mag-inang Rosalie at Rose Anne sa hindi na pagbalik ng matanda. Sa isip nila ay baka nakalimutan na nito na magbayad sa kanila. Para sa mag-ina ay tulong na lamang nila iyon sa matandang nangangailangan. Samantala, isang malungkot na pangyayari ang kumalat sa kanilang lugar. Binawian ng buhay ang asawa ni Aling Greta na si Mang Pilo dahil bigla itong inatake sa puso. Dahil sa pagpapagamot at pagpapalibing sa asawa ay naubos ang lahat ng ipon ni Aling Greta. Napabayaan din niya ang negosyo nilang ihawan. Dumating ang araw na nagdesisyon siya na ipagbili na lang ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay at ihawan at uuwi na lang siya sa probinsya kung saan naroon ang mga anak niya. Isang araw ay dumating ang nakabili sa ibinenta niyang ari-arian. Laking gulat ni Aling Greta nang makilala ang kaniyang buyer.
“K-kayo ang n-nakabili nitong bahay at ng aming ihawan?!”
‘Di siya halos makagalaw sa kaniyang kinatatayuan nang makaharap ang matandang babae na hindi niya pinautang at kaniyang itinaboy noon.
“Ako nga. Ako si Luciana Montral, ang may-ari ng La Cocina Luciana,” wika ng matanda.
Biglang napipi si Aling Greta nang marinig ang sinabi nito. Ang La Cocina Luciana ang isa sa pinakasikat na restaurant sa buong bansa. Nakaramdam siya ng panliliit sa mga sandaling iyon.
“A, e, p-pasensiya na po sa inasal ko sa inyo. Hindi ko kasi alam na…”
“Na may pambayad ako? Sana ay hindi mo agad ako hinusgahan. Hindi ko naman kakalimutan ang utang ko eh, kaya nga ako narito dahil magbabayad ako ng utang ko,” sambit ng matanda.
Nanlaki ang mga mata ni Aling Greta.
“U-utang?”
“Oo, may mag-inang nagpautang sa akin. Nang itinaboy mo ako sa iyong ihawan ay may mag-inang nagtitinda ng ulam na nagmagandang-loob na nagbigay sa akin ng pagkain. Dahil sa kanilang ginawa ay nakakain nang maayos ang aking pinakamamahal na apo na kasama ko noon sa pamamasyal. Nang makaramdam siya ng gutom ay labis akong nag-aalala. Hindi kasi siya maaaring magpalipas ng gutom dahil mayroon siyang sakit na ulcer. Nagmakaawa ako na iyo na kung puwede ay makautang kahit isang istik ng inihaw ngunit hindi mo ako pinagbigyan at sa halip ay ipinagtabuyan mo pa ako. Mabuti na lang at tinulungan ako ng mabait na mag-inang iyon. Ipinahanap ko na rin sila sa aking assistant,” hayag ng matanda na ang tinutukoy ay ang mag-inang Rosalie at Rose Anne.
Maya-maya ay dumating na ang mag-ina kasama ang lalaking assistant ni Luciana. Nagulat din ang mga ito nang makita ang matanda.
“L-lola? Nagbalik po kayo! B-bakit niyo kami pinapunta rito sa bahay ni Aling Greta?” nagtatakang tanong ni Rosalie.
“Natutuwa ako dahil nakita ko kayong muli. Pasensiya na kayo kung natagalan bago ako nakabalik. Narito ako para magbayad ng aking pagkakautang,” sagot ng matanda.
“Huwag niyo na pong alalahanin iyon. Wala na po kayong utang na babayaran sa amin,” giit ni Rosalie.
“Hindi ako makakapayag na hindi ko babayaran ang utang ko, kaya ko kayo ipinahanap at ipinasundo sa aking assistant ay dahil mula sa araw na ito’y sa inyo na ang bahay at lupang ito na aking binili. Pati ang ihawan sa labas ay inyong-inyo na,” bunyag ni Luciana.
Labis na ikinagulat ng mag-ina ang sinabi ng matanda. Halos maiyak naman si Aling Greta nang malaman na ang kaniyang ibinentang ari-arian ay pag-aari na ng mag-inang Rosalie at Rose Anne na labis niyang kinainisan noon dahil sa pagtitinda ng mga ito sa harap ng bahay niya.
“Naku, s-sobra-sobra naman po ito, lola. At isa pa ay pag-aari po ito ni Aling Greta baka magalit po siya sa amin,” sabi naman ni Rose Anne na ‘di pa rin makapaniwala na ibinibigay sa kanila ni Luciana ang bahay at lupang iyon.
“Huwag kayong mag-alala. Nabili ko na ito kay Greta. Wala na siyang karapatan dito. Inyong-inyo na ito. Ito ang kabayaran sa pagtulong niyo sa akin. Hindi lamang iyan, dahil sa inyo ko rin ibibigay ang bagong bukas kong restaurant na malapit sa plaza. Bukod sa ihawan ay nais kong palaguin ninyong mag-ina ang negosyong handog ko sa inyo. Bibigyan ko rin kayo ng mga tao na makakatulong sa inyo.”
Nangilid ang luha ng mag-ina na puno ng pasasalamat mula sa kanilang mga puso. Ang simpleng pagtulong nila noon kay Luciana ay mayroon palang kapalit na malaking kabayaran. Laking panghihinayang naman ni Aling Greta dahil kung siya ang tumulong noon sa matanda ay siya sana ang makakatanggap ng magandang pabuya.