
Nawalan ng Ganang Kumain ang Dalaga nang may Nakitang Kakaibang Nilalang sa Kaniyang Pagkain; Paano Niya Kaya Irereklamo sa May-ari ang Nakita?
Gutom na gutom na si Gie, kaya napagdesisyunan niyang maghanap ng pinakamalapit na kainan. Kanina pa kasi siyang naglalakad upang mabili ang lahat ng panindang kulang sa kaniyang tindahan. Kaninang alas sais pa ang huling beses na kumain siya, kaya hindi kataka-takang nagrereklamo na ang kaniyang sikmura.
Tiningnan niya ang kaniyang relong pambisig, nakita niyang mag-aalas-dos na ng hapon. May nakita siyang isang kainan kaya agad siyang pumasok roon at pumila upang maka-order ng makakain.
Matapos mag-order ay naghintay siya ng ilang minuto bago ibinigay sa kaniya ang kaniyang biniling pagkain. Sa amoy pa lang nito’y lalo nang kumalam ang kaniyang sikmura’t nasasabik na siyang kumain.
Nang makahanap ng mauupuan ay agad niyang inilapag ang dalang tray at inayos ang pagkalagay ng pagkain, saka umupo at inihanda ang sarili sa pagkain.
Nakakaisang higop pa lang si Gie, sa in-order niyang sabaw nang makita ang isang uod na tila karneng lumutang-lutang sa sabaw. Maliit lang naman iyon pero ang isiping may uod ang kaniyang kinakain ay nakakawalang gana na sa pakiramdam.
Biglang umatras ang gutom na naramdaman niya kanina. Nag-iisip kung ibabalik ang in-order o ipagpapatuloy na lang ang gutom. Muli niyang tinignan ang uod na kaniyang kinuha galing sa mangkok at inilagay sa tisyu.
Maya-maya ay tumayo siya’t hinanap ang manager ng naturang kainan, upang kausapin ito. Hindi siya manggugulo, nais lamang niyang kausapin ito upang maging mas maingat sa susunod.
“Yes ma’am?” maya-maya ay kausap sa kaniya ng babaeng naka-uniporme at may name tag sa gilid ng dibdib na ang nakalagay na pangalan ay Elise.
“Ahm, gusto ko lang na maging aware kayo na may nakita akong kakaiba sa sabaw niyo. Uod yata itong nanggaling sa gulay na nakahalo rito sa sabaw,” aniya sabay turo sa uod na nasa tisyu.
Mahinahong kinausap ni Gie, si Elise. Agad namang humingi ng paumanhin ang babae at nangakong papalitan ang ibinigay sa kaniyang order.
“Ahh, pwede bang hindi na ganiyan ang ibalik niyo sa’kin? Magdadagdag na lang ako kung kinakailangan,” agad niyang tanggi.
Naisip niya kasing baka doon nanggaling ang uod na nahalo sa pagkain niya.
“Sige po ma’am,” anang manager, saka umalis sa kaniyang harapan.
Mabuti na lang at wala na masyadong tao sa loob. Naiisip niya kasing baka mapahiya ang naturang kainan kapag nagkataong maraming tao ang naroroon.
Ilang minuto lang ay naroon na si Elise, gaya ng sinabi niya’y iba na nga ang dinala nito.
“Huwag niyo na pong dagdagan ma’am,” tanggi nito nang iabot niya ang bayad sa dalaga. “Humihingi po ulit ako ng pasensiya sa nangyari at salamat po dahil hindi niyo kami ipinahiya. Kinausap mo ako sa mahinahon at nakakaunawang paraan,” wika ni Elise, nahihimigan niya ang kaba nito.
“Hindi ko naman kailangang mambastos ng kapwa dahil lang sa maliit na bagay. Gusto ko lang na maging aware kayo sa susunod at bantayan kung paano niyo hugasan ang gulay na ipangsasahog sa pagkain.
Kasi pagkain ang negosyo ninyo. Kahit sino naman mas gustong kumain na nakakasiguro silang malinis ang kinakain nila, mahirap na kasing magkasakit sa panahon ngayon.
Pero hindi pa rin sapat na dahilan upang mamahiya at mambastos tayo ng kapwa natin. Naniniwala akong ang lahat ng bagay ay nadadaan sa maayos na usapan,” nakangiting wika ni Gie.
“Salamat ma’am ah, mabuti nga’t isang kagaya niyo ang nakapansin. Ang inaalala ko’y paano kung iba… baka napahiya na kaming lahat,” malungkot na wika ni Elise.
“Hindi pare-pareho ang tao at hindi malabong mangyari ang bagay na iyan. Kaya payo ko lang ay maging maingat kayo at doblehin ang kalinisan, baka sa susunod hindi na kagaya ko ang magreklamo sa inyo.
Bukod sa ipapahiya kayo rito ng harap-harapan ay pwede rin kayong ipahiya sa kung saan-saan mang social media, sikat pa naman ang kainan ninyo, baka kung ano ang sabihin ng ibang makakarinig,” payo niya. “Pero salamat pa rin rito sa bagong ibinigay mo, Ma’am Elise. Next time po mag-doble ingat na lang kayo sa pagkaing ginagawa ninyo,” ani Gie.
Muling humingi ng pasensiya si Elise, saka nagpaalam. Lahat naman tayo’y nagkakamali, lalo na kapag gulay ang inaasikaso nating pagkain. Minsan ay hindi maiwasang may nakakasamang uod sa niluluto nating ulam. Hindi lahat ng tao’y may kagayang ugali ni Gie, na mapagpasensiya at mas inuuna ang unawa kaysa galit.
Kapag magnenegosyo tayo ng pagkain, palagi nating unahin ang tamang kalinisan ng mga tinitinda natin dahil una sa lahat pagkain iyan. Kinakain at pinapasok sa loob ng katawan. Bilang nagtitinda’y obligasyon natin ang kalusugan ng ating mga mamimili.