Hiniling ng Bata sa Ina na Ipaghanda Siya nang Marami sa Darating na Kaarawan; Magugulat Sila sa Dahilan Nito
Nalalapit na ang kaarawan ng magpipitong taong gulang na anak ni Macy. Napagplanuhan niyang maghanda na lamang ng kaunting salu-salo at imbitahan ang ilang piling mga kaanak nang sa ganoon ay magkaroon sila ng matiwasay at tahimik na selebrasyon. Isa pa, itinuturo kasi niya sa anak na matutong magpasalamat sa kung ano lamang ang kaya niyang ibigay at panahon ito upang umpisahan niyang turuan ng aral na iyon ang kaniyang anak.
Ang totoo ay kaya naman niyang paghandaan nang engrande ang birthday celebration ng anak, ngunit pinili niyang hindi na lamang upang magpakita ng simpatya lalo at nakakaranas ngayon ng krisis at taggutom ang karamihan ng mga tao ngayon sa Pilipinas. Itinuturo din niya ito sa kaniyang anak kaya naman balak niyang magpakita ng halimbawa rito ngayon.
Maganda ang trabaho ni Macy at ng kaniyang asawa kaya hindi nila dama ang paghihirap ngayon ng karamihan. Hindi naman kasi naapektuhan ang kanilang mga trabaho nang ganoon katindi. Ganoon pa man ay malaki ang puso ng mag-asawa at talagang naaawa sila ngayon sa nakararami.
Isang tanghali ay bigla na lamang umuwi ang kanilang anak na si Kyle mula sa paglalaro nito sa labas. Pawis na pawis ito ngunit malawak ang ngiting nakatatak sa mukha nito ngayon. Bigla na lamang itong lumapit kay Macy at biglang nagsalita…
“Mama, pwede po bang maghanda tayo nang maraming pagkain sa birthday ko?” biglang tanong nito sa kaniya.
Nagulat si Macy sa narinig na sinabi ng kaniyang anak. “Bakit? Hindi ba sinabi ko na sa ’yo na maraming naghihirap ngayon at walang makain dahil wala silang money? Tapos ikaw, gusto mong maghanda nang marami?” medyo pagalit na sagot niya sa anak. Hindi maitatangging nakadama siya nang kaunting inis sa kaniyang anak dahil sa sinabi nito. Ilang beses na ba niyang itinuro dito ang mga bagay na iyon?
“E, mommy, sige na po. Pupunta po ang friends ko—”
“Shut up, Kyle!” Pinutol niya ang sasabihin ng anak sa pamamagitan ng isang sigaw. “Kapag sinabi kong hindi, matuto kang makinig! Huwag kang matigas ang ulo, okay?!” galit pang aniya rito na hindi man lamang pinakinggan ang sasabihin ng kaniyang anak.
Ilang araw na naging tahimik lamang si Kyle. Tila nalungkot ito sa nangyari noong nakaraan kung saan nagalit si Macy dahil sa kaniyang paghiling. Isang araw ay naisip ni Macy na sunduin ang kaniyang anak mula sa paglalaro sa labas upang kausapin ulit ito…
Naabutan ni Macy ang anak na kasama ang ilang bata. Marurungis ang mga ito at payat, hindi katulad ng kaniyang anak na malusog at halatang alagang-alaga. Kabilang sa mga kalaro nito nang mga sandaling iyon ay isang batang nakasakay sa isang lumang wheelchair. Nag-uusap-usap ang mga ito at dinig sa kinatatayuan ni Macy ang kanilang mga sinasabi.
“Sorry, Gabby, ha? Hindi ako pinayagan ni mommy na maghanda nang marami, e. Hindi na natin matutupad ang pangarap mong birthday celebration na maraming handa. Hindi na rin natin mapapakain ang mga homeless friends natin.” Malungkot ang mukha ni Kyle habang sinasabi ang mga katagang iyon. Nalaman ni Macy na ang dahilan pala kung bakit gusto nitong maghanda nang marami ay dahil pangarap iyon ng kaibigan nitong ipinanganak na lumpo. Kasabayan pala ni Kyle ang birthday nito! Bukod doon, marami ring kaibigan si Kyle na mga batang kalye na nakatira lamang sa ilalim ng tulay at nais sana niyang imbitahin ang mga ito upang makakain nang masarap kahit sa birthday man lamang nila ni Gabby, kung sakaling pumayag siya sa hiling ni Kyle.
Halos matunaw ang puso ni Macy sa natuklasang taglay na kabaitan ng kaniyang anak! Hindi niya akalaing ganito pala ang pinaplano nito! Naging sobra pala ang kaniyang pangangaral at hindi niya nagawang pakinggan ang paliwanag nito!
Upang makabawi ay pinaghandaan nga ni Macy ang kaarawan ng kaniyang anak. Sinunod niya ang hiniling nito at sinurpresa ang mga bata sa mismong araw na iyon!
Tuwang-tuwa si Kyle nang makita ang malaking poster ng picture nito at ng kaibigan nitong si Gabby kung saan may nakasulat pang “HAPPY BIRTHDAY, KYLE & GABBY!”
Tuwang-tuwa din ang mga batang inimbita ng mga ito sa mga pagkain at laruang kanilang ibinigay. Bukod doon, niregaluhan din nila si Gabby ng isang bagong wheelchair at tuwang-tuwa si Kyle nang siya mismo ang magbukas ng regalong iyon para sa kaniyang matalik na kaibigan.