Sumakabilang Buhay na ang Matanda; Ngunit Hindi Niya Pababayaan ang Kaniyang Paboritong Apo
Puno ng paghihinagpis ang compound ng pamilya nina Aling Dolores. Paano’y ito na ang huling lamay ng kaniyang asawang si Lolo Apolinar. Kumpleto ang kanilang siyam na anak na pawang mga dala-dala rin ang kani-kaniya nilang pamilya kaya naman halos mapuno ng iyakan ang kanilang compound.
Matagal na hindi nagkita-kita ang karamihan sa kanila dahil halos karamihan ay sa ibang lugar nakatira. Ang tanging kasama lamang ng kanilang mga magulang ay ang bunsong anak ng mga ito na si Glenda. Si Glenda rin ang nag-asikaso sa burol ng kaniyang ama. Siya ang nag-alaga at nagbantay sa mga magulang katuwang ang kaniyang mga anak at asawa kahit pa nga may sarili na siyang pamilya. Pinili niyang huwag iwan ang kaniyang mga magulang upang siya mismo ang mag-alaga sa mga ito. Dahil doon ay naging paborito ni Lolo Apolinar ang anak ni Glenda na si Gwen, ang tatlong taong gulang niyang bunsong babae.
Magiliw si Gwen kay Lolo Apolinar na noon ay madalas niyang kalaro sa halos araw-araw. Simula nang sumakabilang buhay ang Lolo Apolinar nito ay palagi na lamang din iyong hinahanap ng batang si Gwen. Minsan nga ay umiiyak pa ito at tinatawag ang pangalan ng kaniyang lolo dahil na rin siguro sa kawalan nito ng malay sa mga nangyayari.
Nang gabing iyon ay abala si Glenda sa pag-aasikaso sa mga kapatid niyang bumiyahe pa mula sa malayo upang makapunta sa burol ng kanilang ama. Hindi napansin ng babae na ang kaniyang anak pala ay nakakalayo na’t nakalabas na hanggang sa may kalsada. Hinabol nito ang nilalarong bola nang gumulong iyon palabas. Mabuti na lamang at nakita ito ng panganay na anak ni Glenda at agad na hinabol ang kapatid.
Nabulahaw ang lahat nang makarinig ng malalakas na hiyaw mula sa labas. Agad silang napatayo at napatakbo roon lalo na si Glenda na nakilala ang boses na mula sa kaniyang panganay na anak.
Nagimbal sila sa nakitang kalagayan ng nasa kalsada. Isang sasakyan ang kanilang namataan doon na umuusok dahil nayupi nang matindi ang unahang bahagi ng sasakyan nito. Tulala ang drayber, pati na ang panganay na anak ni Glenda, samantalang ang tatlong taong gulang na si Gwen ay pumapalakpak pa habang bumubungisngis at tinatawag ang pangalan ng kaniyang lolo.
“Lolo Apo! Lolo Apo!” ang masisiglang anito na nagtatatalon pa sa tuwa.
Lalo pang nagtaka ang lahat nang biglang magsalita ang panganay ni Glenda… “I-iniligtas po ni Lolo Apolinar si Gwen mula sa muntik na pagkabangga ng sasakyan!” bulalas nito sabauy turo sa naturang kotse.
Walang makapagpaliwanag kung papaanong nayupi ang unahan ng sasakyan gayong hindi naman ito tumama sa kahit saan. Ang totoo ay bigla na lamang itong huminto nang kaunting espasyo na lamang ang layo nito sa batang si Gwen na noon ay walang muwang lamang na dinadampot ang kaniyang laruang bola! Maging ang drayber nang naturang sasakyan ay hindi makapaniwala sa nangyari lalo na nang sabihin ng panganay na anak ni Gwen na nakita niya ang kanilang Lolo Apolinar na siyang nakaburol ngayon na siya raw pumigil sa sasakyan upang hindi nito mahagip ang kaniyang pinakamamahal at paboritong apo.
Napaiyak ang lahat sa isiping hindi pinabayaan ng matanda ang batang siyang nagbigay sa kaniya ng kakaibang sigla at tuwa bago man lamang siya mawala sa mundo. Dahil doon ay lalo nilang minahal ang kanilang ama. Nagdasal sila para sa ikatatahimik ng kaluluwa nito.
“Itay, sana ho ay maging maayos ang paglalakbay n’yo sa inyong pupuntahan. Maraming salamat po sa pagliligtas n’yo sa aking anak na si Gwen. Mahal na mahal ho namin kayo, itay!” ang umiiyak noong paalam ni Glenda sa ama na iniyakan din ng kaniyang mga kapatid.
Nakahinga ang lahat nang matiwasay nang matapos ang libing ng kanilang ama ay natutuwa muling humagikhik si Gwen at tumingala habang kumakaway…
“Ba-bye, Lolo!” ang paulit-ulit pang anito sabay baling sa kaniyang ina… “Mama, sama na daw po si Lolo sa angel,” nakangiting dagdag pa nito at muli ay napaluha na lamang si Glenda habang niyayakap ang kaniyang anak.
Lubos na naging emosyonal ang lahat dahil sa kababalaghan o himalang nangyari at kanilang naranasan sa huling lamay ni Lolo Apolinar. Pinatunayan nito ang pagmamahal nito sa kaniyang pinakamamahal na apo.
Hinding-hindi ito mawawala sa kanilang puso at alaala, kailanman.