Inday TrendingInday Trending
Sinuwerte sa Buhay ang Kapitbahay na Noon ay Inaapi ng Isang Mag-anak; Inggit ang Una Nilang Mararamdaman

Sinuwerte sa Buhay ang Kapitbahay na Noon ay Inaapi ng Isang Mag-anak; Inggit ang Una Nilang Mararamdaman

Masayang-masaya ang pamilya nina Kyline habang tinitingnan ang kanilang bagong renovate na bahay na dati ay gawa lamang sa pinagtagpi-tagping gamit na nakuha ng amang si Mang Donny mula sa kaniyang pinagtatrabahuhang construction site noon. Proud na proud ang kanilang buong pamilya sa panganay na anak ni Mang Donny at ng asawa nitong si Aling Belen na si Josh, dahil sa sarili nitong pagsisikap ay nakapag-ipon ito ng sapat na halaga na maaari nitong gamiting kapital para sa kanilang sisimulang negosyo.

Up and down ang ipinagawang bahay ng mag-anak. Bukod doon ay pinalaki nila ang harapan ng kanilang bahay upang gawin iyong mini-grocery store. Maganda kasing puwestuhan ng ganoon ang lugar nilang iyon dahil nasa tabi lang sila ng kalsada.

Samantala, kanina pa rin nagngingitngit sa loob ng kanilang bahay ang pamilya nina Mr. Aguire. Kanina pa nila pinag-uusapan ang kanilang mga kapitbahay. Nilalait nila ang mga ito gaya ng matagal na nilang ginagawa noon pa man. Kesyo pagawa-gawa pa raw ng bahay, samantalang mga wala namang pinag-aaralan. May balak pa raw magtayo ng negosyo, e, malulugi rin naman agad. Halos wala nang magandang salitang lumalabas sa bibig ng pamilya at ang lahat ng iyon ay dahil sa hindi nila maaming damdamin sa kanilang mga kapitbahay… na ang totoo ay naiinggit sila sa mga ito.

Noon, kinaiinggitan nila ang mga ito sa kadahilanang kahit na naghihikahos sa buhay ang pamilya ay nananatili silang masaya at buo. Marami mang problema ang dumarating sa buhay ng mga ito ay nakakaya nilang manatiling positibo at bumabangon sila mula sa pagkakadapa. Bukod pa roon, ang mga anak ng mag-asawang Donny at Belen ay pawang magagalang, masisipag at matatalino na kahit sinong mga magulang ay hihilinging magkaroon.

Nagsimula na ang munting negosyo ni Josh. Sa tulong ng kaniyang mga kapamilya ay agad na nag-boom ang kanilang negosyo at naging patok iyon sa kanilang lugar. Dahil doon ay kinailangan na nilang sakupin ang kalahati pa ng kanilang bahay sa ibaba upang mas mapalaki ang kanilang negosyo kaya naman lalong nagngitngit ang Pamilya Aguirre. Hindi nila akalaing ang dating mga nakatira lamang sa pinagtagpi-tagping bahay, ngayon ay nagmamay-ari na ng isang kumikita at lumalaking negosyo. Samantalang silang mag-anak naman ay halos araw-araw nang pinagkakasya ang tatlong pirasong tuyo sa tanghalian at hapunan upang may maipantawid gutom. Paano’y pawang mga nakabuntis nang maaga ang kanilang dalawang anak na ngayon ay nananatili pa ring walang trabaho at sa mga magulang umaasa ng kanilang kakainin.

Nagpatuloy ang swerte sa buhay ng dati ay inaaping pamilya nina Mang Dony at Aling Belen samantalang tila bumabalik naman ang mga panlalait na sinabi noon ng Pamilya Aguirre sa kanilang mga sarili at talagang halos malugmok na sila ngayon sa hirap.

Tila parang bumaliktad ang mundo sa buhay ng magkapitbahay kaya naman noon din ay nagkaroon ng reyalisasyon ang Pamilya Aguirre tungkol sa kanilang mga nagawa at nasabing hindi maganda sa kanilang kapwa. Ang kanila kasing mga salita ay sa kanila lamang mismo bumabalik at dahil doon ay nakadaranas sila ngayon ng kahirapan. Pinagsisihan ng pamilya ang mga iyon at inihingi ng tawad sa Diyos. Dahil wala silang maiharap na mukha sa mga taong dati ay kanila lamang inaapi, hindi nila alam ngayon kung paapano hihingi ng tawad sa mga ito.

Isang gabi, sinubukan nilang mangutang sa tindahang katapat lang ng kanilang bahay dahil nilalagnat ang isa sa mga apo ni Mr. Aguirre. Ni wala silang maipambili kahit ng mainit lamang na sabaw upang mainitan man lang ang sikmura ng bata. Dahil sa haba ng listahan nila sa naturang tindahan ay hindi na sila pinagbigyan pa ng may-ari na makautang muli… mabuti na lamang, nang gabing iyon ay nakarinig sila ng mahihinang katok mula sa pintuan at nang buksan nila ay si Josh iyon…

“Nabalitaan ko hong may sakit daw ang apo ninyo, Mr. Aguirre. Kung kailangan n’yo ho ng makakain o gamot, heto ho at nagdala ako. Sana ho ay tanggapin ninyo. Minsan na ho namin kasing naranasan ang ganiyan at alam ko po ang pakiramdam,” bungad ni Josh na noon ay may dala-dalang isang plastic bag na malaki at may laman iyong mga pagkain, gamot at inumin.

Halos mapaluha na lamang ang mag-anak sa kabutihang puso ng dati nilang inaapi at dahil doon ay nagkalakas na sila ng loob na humingi ng tawad.

May pinag-aralan man o wala, ang lahat ng tao ay may kakayahang maiangat ang kanilang estado sa buhay sa pamamagitan ng sipag, diskarte, at tiyaga. Kaya’t matutunan sana natin na huwag mangmaliit ng kapwa.

Advertisement