Tinulungan Niyang Makatapos ang Kaniyang Bestfriend sa Pag-aakalang Tutulungan din Siya Nito; Madidismaya lang pala Siya sa Huli
“Bes, ito na, oh. Pandagdag sa tuition mo.”
Iniabot ni Ericka sa kaibigang si Letty ang sobreng may lamang pera. Ilang buwan din niyang inipon ang perang iyon mula sa kaniyang mga suweldo sa pinagtatrabahuhang tapsilugan.
“Naku, salamat, bes! Kailangang-kailangan ko talaga nito ngayon, e. Maraming salamat sa pagtulong mo sa akin, ha?” tuwang-tuwang sabi naman ni Letty sa kaniya at mabilis na tinanggap ang ibinibigay niyang pera.
“Walang anuman, bes. Alam mo namang bestfriend kita, e. Basta, kapag nakatapos ka na’t umasenso sa buhay, ako naman ang tulungan mo, ha? Kahit hindi na para sa akin. Para na lang sa kapatid ko,” magiliw pang ani Ericka sa kaibigan na agad naman nitong tinugon.
“Siyempre naman, bes! Basta ikaw!”
Ilang taon na ring tinutulungan ni Ericka sa pag-aaral nito ang kaibigang si Letty. Nang magpasya kasi siyang huminto sa sariling pag-aaral upang suportahan ang nag-iisa niyang kapatid ay balak na rin sanang huminto ni Letty ngunit sinabi niya na susuportahan na lamang niya ito upang kahit isa man lang sa kanilang dalawa ay umasenso sa buhay. Isa pa, umaasa naman si Ericka na pagdating ng panahon ay babawi sa kaniya si Letty at siya naman ang tutulungan nito.
Nagpatuloy ang ganoong set up ng magkaibigan hanggang sa maka-graduate na nga si Letty. Nagpasya itong mag-abroad upang doon gamitin ang kaniyang tinapos na kurso bilang isang nurse. Hindi naman nagtapos ang komunikasyon ng dalawang magkaibigan nang mga panahong iyon ngunit bihira na lang kung sila ay magkausap dahil na rin sa pagiging mahigpit ng schedule ni Letty. Ganoon pa man, naiintindihan naman iyon ni Ericka.
Hindi naghangad o humingi ng kahit ano si Ericka kay Letty nang mga panahong nasa abroad ito. Hinahayaan niyang kusa itong magpaabot ng tulong sa kaniya kagaya ng ginagawa niya noong ito ay nag-aaral pa, ngunit kailan man ay hindi iyon nangyari.
Lumipas pa ang panahon at unti-unti na nga silang nawalan ng komunikasyon sa isa’t isa dahil na rin sa kagagawan ni Letty. Nagpalit siya ng numerong ginagamit niya sa ibang bansa at hindi niya iyon ipinaalam kay Ericka upang matakasan ang kaniyang utang na loob sa kaibigan kahit na hindi naman ito humihingi ng kahit na ano sa kaniya. Unti-unti na kasi siyang umaasenso nang mga panahong iyon at natatakot siyang baka makihati pa roon si Ericka. Kaya naman ginawa niya ang bagay na ’yon nang walang pakundangan.
Labis na nalungkot si Ericka sa ginawa ng matalik na kaibigan na itinuring niya ring kapatid sa loob ng mahabang panahon. Upang maiwasan niyang malungkot ay nagpasya na lang siyang ituon sa ibang bagay ang kaniyang atensyon katulad na lang ng pagsisimula ng negosyo. Mabilis na pumatok ang naisip na negosyo ni Ericka. Bukod pa roon, nakakilala siya ng isang lalaking mahal na mahal siya at naging katuwang niya sa kaniyang negosyo.
Umuwing luhaan mula sa abroad si Letty. Hindi kasi naging maganda ang kinalabasan ng buhay niya roon simula nang makilala niya ang lalaking pinakasalan niya sa pag-aakalang ito ang mag-aahon sa kaniya sa hirap. Lahat ng naipundar ni Letty sa Pilipinas ay nawala lahat sa kaniya. Bahay, lupa, negosyo at mga gamit. Halos mamulubi na siya ngayon lalo pa’t nasangkot siya sa hindi magandang ginagawa ng kaniyang asawa sa bansa kung saan siya namalagi nang ilang taon.
Inisip ni Letty na nakakarma na siya dahil sa pagiging makasarili niya. Kinalimutan niya ang nag-iisang taong tumulong sa kaniya noon dahil lamang sa ayaw niyang hatian ito ng grasyang kaniyang natatamo. Samantalang hindi naman niya maaabot ang narating niya kung hindi dahil sa kaibigan niyang si Ericka.
Nang maisip niya ang bagay na iyon ay hinanap niya ang dating matalik na kaibigan. Sinubukan niya itong puntahan sa dati nitong bahay, ngunit nagulat siya sa kaniyang nadatnan!
Napakalaki na ng ipinagbago ng bahay ni Ericka dahil ang dating maliit na barung-barong kung saan siya mismo nakituloy noon ay isa na ngayong malaki at magandang tahanan! Sa tabi n’yon ay mayroong isang kainan na mukha ring maganda at nakita niya roon si Ericka na nagdadalantao na at nakasuot ng magarang damit. Kasama nito ang isang guwapo’t makisig na lalaki na inaalalayan itong bumaba mula sa isang magarang sasakyan.
Nalaman ni Letty na gumanda na pala nang tuluyan ang buhay ng kaniyang dating matalik na kaibigan na tinalikuran niya noon. Ngayon ay matinding inggit ang kaniyang naramdaman nang makita ito. Napagdesisyunan niyang tuluyan nang huwag magpakita at lumakad papalayo sa bahay ng dating kaibigan.