Dahil Ilang Beses na Siyang Naloko ng Kaibigan ay Nawalan na Siya ng Tiwala sa Iba; Magbabago Iyon sa Pagdating ng mga Bagong Kaibigan Niya
“Ano, hindi na ba talaga kumontak sa ’yo ulit?”
Malungkot na napailing na lamang si Jea bilang tugon sa tanong ng kaniyang pinsan. Nananatili siyang nakayukod at nakatingin sa kaniyang cellphone habang nakatitig sa kulay pulang salitang nakasulat sa screen n’on nagsasabing siya ay “BLOCKED” na sa account ng kaniyang kausap.
“’Yan na nga ba ang sinasabi ko, Jea, e! Una pa lang, wala na akong tiwala sa kaibigan mong ’yan. Mukhang oportunista!” nagagalit na sermon pa sa kaniya ng pinsang si Jessie.
Napabuntong hininga na lang si Jea bago sumagot. “Hayaan mo na. Anong gagawin ko? E b-in-lock na ako, e,” may panlalata pang aniya sa kausap.
“Anong hayaan? Jea naman! Ilang beses na bang ginawa sa ’yo ’yan ng mga itinuturing mong kaibigan? Kung hindi ka uutangan at tatakasan, pa-plastic-in ka naman at pag-uusapan kapag nakatalikod ka, lalo na kapag may nagawa kang hindi lang nila nagustuhan! Hindi ka ba nagsasawa? Piliin mo naman ang mga kakaibiganin mo!” Sapo na ng pinsan niyang si Jessie ang ulo nito dahil sa galit na nararamdaman nito para sa kaibigan niya. Siguradong nanghihinayang ito sa sampunglibong piso na itinakas lang ng taong itinuring niyang kaibigan. Kahit naman siya ay nanghihinayang din, pero ano pa ang magagawa niya gayong nabalitaan niyang umuwi na ito sa probinsya na hindi niya rin naman niya alam kung saang lupalop ng Pilipinas makikita?!
“Hayaan mo. Ito na ang huling beses na magpapaloko ako sa kaibigan. Ayoko nang makipagkaibigan, ever!” inis na nasabi na lang ni Jea habang naluluha sa kaniyang sinapit… na naman.
Nagtatrabaho si Jea bilang isang part-time tutor habang siya ay nag-aaral ng kursong education upang suportahan ang kaniyang sarili. Bukod pa roon ay rumaraket din siya nang paunti-unti sa pamamagitan ng pagbebenta ng kung anu-anong gamit, online, katulad ng gamit sa bahay, school supplies, pampaganda at kung anu-ano pa upang maipandagdag sa kaniyang kita.
Simula ng huling panloloko sa kaniya ng kaibigan ay malaki ang naging pagbabago ni Jea. Naging tahimik siya at hindi palakaibigan, ngunit nagbago ang lahat nang magsimula na ang susunod na semester.
Nagkaroon ng isang proyekto sa eskuwelahan sina Jea at kinailangan niyang makipag-team up sa kaniyang iba pang mga kaeskuwela upang maisagawa ang naturang proyekto. Doon ay nakilala niya sina Harold, Kenny, Lyra at Tristan na pawang ibang-iba ang mga personalidad sa kaniya.
Noong una, iniisip ni Jea na hanggang sa pagiging magkaka-team na lamang ang magiging ugnayan niya sa mga ito dahil malabo niya silang makasundo. Masayahin kasi ang mga ito habang siya naman ay tahimik lang. Ngunit tila nagkamali si Jea sa kaniyang mga inaakala…
Palakaibigan at madali lamang palang makasundo ang mga ito dahil pawang mababait ang apat. Alam ni Jea na ipinangako niya sa kaniyang sarili, pati na rin sa pinsang si Jessie na hindi na siya muling makikipagkaibigan dahil nga ang tingin niya’y malas siya sa mga ito, ngunit hindi napigilan ni Jea na tanggapin ang pagkakaibigang nabuo niya kasama ang mga kagrupo habang tumatagal ang panahong sila ang magkakasama. Bukod pa roon, maraming magagandang bagay ang nagagawa ni Jea kasama ang mga ito na hindi niya inakalang kaya niya palang gawin. Katulad na lamang ang ipakita ang kaniyang talento sa pagkanta. Tinulungan siya ng mga bagong kaibigan sa kaniyang online business. Sa katunayan ay isa ang mga ito sa mga sumusuporta at tumatangkilik ng kaniyang mga produkto, hanggang sa lumago ito at naging maayos ang takbo ng kaniyang munting negosyo.
Labis na ikinagalak ni Jea ang pagkakatagpo nilang magkakaibigan. Hindi niya akalaing sa wakas ay makahahanap din siya ng mga kaibigang tunay na mapagkakatiwalaan at hindi aabusuhin ang kaniyang kabutihan. Naisip ni Jea na mali pala ang kaniyang naging desisyon na tumigil na sa pakikpagkilala sa ibang tao dahil lamang naloko siya ng iba. Darating at darating pa rin pala ang mga totoong magpapatunay sa kaniya ng salitang tunay na pagkakaibigan.
Humaba nang humaba ang samahan ng magkakaibigan kahit pa hanggang sa kanilang pagtatapos. May mga pagkakataon din namang sila ay nagkakatampuhan, ngunit ganoon man ay agad nila iyong nasusolusyonan.
Nagkaroon man ng sari-sariling pamilya ang magkakaibigan ay nananatili silang takbuhan pa rin ng bawat isa, ano man ang mangyari. Tinulungan nilang umangat ang isa’t isa at magkaroon ng maginhawang mga buhay.