Inday TrendingInday Trending
Dala ng Matinding Awa sa Batang Pulubi ay Binilhan Niya Ito ng Pagkain; Higit Pa Pala Rito ang Maitutulong Niya sa Bata

Dala ng Matinding Awa sa Batang Pulubi ay Binilhan Niya Ito ng Pagkain; Higit Pa Pala Rito ang Maitutulong Niya sa Bata

Binabagtas noon ni Roland ang kalsadang iyon papunta sa kaniyang pinagtatrabahuhang fastfood chain. Dahil kapos sa pamasahe ay naisipan na lamang niyang maglakad, tutal ay maaga pa naman at siguradong makararating siya sa trabaho nang hindi nale-late.

Sisipol-sipol pa ang binata habang naglalakad. Nakapamulsa siya at inuumpisahan sa ngiti ang kaniyang umaga kahit pa nga bahagya pa lang na sumusikat ang araw nang mga sandaling iyon. Napadaan si Roland sa tapat ng isang kainan at namataan niya roon ang isang bata. Agad na nakuha nito ang kaniyang atensyon nang mapansin niyang sapo-sapo nito ang sariling sikmura at halatang namimilipit ito sa sakit n’on. Nagkakalkal ito ng basura sa tambak ng mga tapunan sa tapat ng naturang kainan at mukhang naghahanap ng makakain.

Agad na nakadama ng awa si Roland sa naturang bata. Nilapitan niya ito at nagpasya siyang kausapin ito.

“Bata, nagugutom ka ba?” aniya at agad naman siyang nilingon ng bata.

Mapapansin ang lungkot sa mga mata nito nang ito ay tumango sa kaniya bilang tugon. Nakahawak pa rin ito sa sariling sikmura, gamit ang halos buto’t balat na nitong mga kamay.

“Gusto mo bang ibili kita ng pagkain? Halika, sumama ka sa akin,” sabi pa ni Roland ngunit tila nagdalawang isip ang bata sa kaniyang alok. Hindi ito kumilos. Ni hindi rin nagsasalita. Nakatingin lang ito sa kaniya nang malamlam ang mga mata.

Yumukod si Roland upang magkapantay ang kanilang mga mukha. “Huwag kang mag-alala. Mabait naman ako. Hindi kita gagawan ng masama. Ako si Kuya Roland, ikaw?” tanong pa niya sa bata ngunit hindi pa rin ito nagsasalita.

“Naku, hijo, hindi ka masasagot ng batang ’yan dahil pipi ’yan. Ampon ’yan ni Mang Doro. Iyong matandang pulubing nakatira sa ilalim ng tulay? Kaso, pumanaw na kamakailan ang matandang ’yon kaya malamang ay wala nang nag-aalaga riyan sa batang ’yan,” anang isang babaeng dumungaw mula sa kainan sa kanilang tapat. Mukhang empleyado ito roon. Napatango na lang si Roland.

“Gan’on po ba? Sige po, salamat po,” aniya.

Dumoble ang awang nadarama ni Roland sa batang pulubi. Dahil doon ay mas lalo pa niyang pinakiusapang sumama sa kaniya ang bata upang mapakain at kahit papaano’y mabihisan nang maayos dahil sobrang dungis na nito. Malapit ang puso ni Roland sa mga batang kagaya nito dahil minsan na rin niyang naranasang mamuhay nang ganoon. Isang kahig, isang tuka. Kaya nga ngayon ay pinagsisikapan niyang magtrabaho kahit pa siya’y nag-aaral pa rin.

Mabuti na lang at kalaunan ay nakumbinsi rin ng binata ang batang pulubi. Nadala niya ito sa trabaho. Noong una ay nagulat ang kaniyang mga kasamahan ngunit kalaunan ay pinayagan din siya ng mga ito na doon na lamang niya paliguan ang bata. Pagkatapos niyang gawin iyon ay ibinihis niya rito ang kaniyang dala-dalang extra t-shirt. Medyo malaki iyon sa bata ngunit nangako siyang ibibili na lamang ito ng ganoon mamaya pag-uwi.

Pinakain din ni Roland ang bata at halata rito na gustong-gusto nito ang kaniyang inihain dahil sunod-sunod ang ginawa nitong pagsubo. Nasa ganoong tagpo sina Roland nang biglang pumasok sa naturang fastfood chain ang kanila mismong boss! Nawala sa isip nila na ngayon pala nito planong bumisita roon upang mag-inspeksyon!

Mabuti na lamang at nang ipaliwanag ni Roland sa kanilang boss ang sitwasyon ng bata ay hindi naman ito nagalit. Lalo na nang sabihin ni Roland na hindi nakakapagsalita ang bata.

“Huwag na kayong mag-alala. Okay lang. I’ll do the same if I were in your shoes. May anak din akong katulad niya. Tatlong taon siya nang mawala siya sa akin habang kasama ko siya sa isang mall…” sabi pa nito sa kanila na talaga namang ikinamangha ng mga empleyado.

“Talaga po? E, sabi po sa akin, ampon lang daw itong batang ito, ma’am. Pareho po pala kayo halos ng sitwasyon,” singit naman ni Roland na nagpakunot sa noo ng kaniyang boss.

Nagmadali nitong nilapitan ang bata at itinaas ang suot nitong damit. Tila may hinahanap. Bigla itong natigilan nang makita ang hugis pusong balat sa tiyan ng bata.

“R-roland… siya ang anak ko!” anas nito sabay yakap sa bata.

Ikinagulat ng lahat ang nangyari nang araw na iyon. Naging mabilis ang mga pangyayari. Upang pagtibayin ang malakas na kutob ng kanilang boss ay sumailalim ang mga ito sa isang DNA test at lumalabas na positive nga ang resulta!

Labis ang naging pasasalamat ng kaniyang boss kay Roland. Dahil doon ay na-promote siya sa trabaho. Bukod doon ay sinagot din nito ang kaniyang pag-aaral hanggang sa magtapos siya ng kolehiyo! Hindi niya akalain na ang bukal sa loob niyang pagtulong pala sa isang batang pulubi ang magbibigay ng kasiyahan sa buhay ng kaniyang boss at ang magiging daan naman ng kaniyang tagumpay!

Advertisement