Inday TrendingInday Trending
Hindi Iginagalang ng Babae ang Kaniyang Inang Paralisado na; Karma ang Kaniyang Aabutin Dahil Dito

Hindi Iginagalang ng Babae ang Kaniyang Inang Paralisado na; Karma ang Kaniyang Aabutin Dahil Dito

“Sinasabi ko na nga ba’t umihi ka na naman sa salawal!” galit na galit si Aira sa ina nang makapa niyang basang-basa na naman ang salawal nito, maging ang kinauupuan nitong sofa. Halos mag-usok na ang kaniyang ilong at tainga sa galit. Kapapalit lamang kasi ng kaniyang pansapin matapos iyong dumihan ng ina noong isang araw, pagkatapos ay heto na naman ito! “Napakawalang kuwenta mo talagang matanda ka!”

Hindi makasagot si Aling Gina. Tanging mahihinang ungot lamang ang kaya niyang itugon sa anak-anakan. Wala na siyang ibang magawa kundi ang maluha dahil sa masasakit na sinasabi nito tungkol sa kaniya.

Si Aira ay anak ng dating kinakasama ni Gina sa ibang babae, ngunit tinanggap niya ito nang buong-buo at pinalaki na parang ito ay kaniyang tunay na anak. Maganda naman ang samahan nila noon ni Aira ngunit ang lahat ng iyon ay nagbago nang pumanaw ang ama nito at nalaman nitong siya ay hindi pala nito tunay na ina.

Tila nagdamdam si Aira nang labis. Nagrebelde ito nang husto kaya naman makailang ulit na napariwara ang babae. Dahil doon ay nabuntis ito nang maaga at hindi na nakapagtapos pa ng pag-aaral. Ilang taon ding naging istambay si Aira kahit na may anak na ito. Wala itong balak maghanap ng trabaho kaya naman napilitan si Aling Gina na magbanat ng buto kahit siya ay matanda na upang suportahan ang kaniyang apo.

Mahal na mahal ni Aling Gina ang apo kaya naman ginawa niya ang lahat upang punan ang lahat ng kakulangan ni Aira dito. Ngunit dahil doon ay nasobrahan ang kaniyang katawan. Isang araw ay bigla na lamang siyang bumigay at nagising na lamang siya na siya’y nasa ospital. Paralisado na ang kalahati ng kaniyang katawan at ni hindi na makapagsalita. Wala na siyang lakas kahit sa paglakad man lamang nang mag-isa.

Dahil doon ay napilitang kumayod na si Aira. Kung hindi niya kasi gagawin iyon, malamang ay sama-sama silang titirik ang mata sa gutom. Mabuti na nga lamang at may sariling bahay at lupa si Aling Gina kaya naman hindi na nila pinuproblema pa ang pagbabayad ng renta.

“Mama, bakit sinisigawan n’yo na naman po ang lola?” maluha-luhang tanong ng anak ni Aira sa kaniya nang makitang inaapi na naman niya ang kawawang madrasta.

“Wala kang pakialam! Hala, sige! Pumasok ka na sa kwarto at manahimik ka r’on! Bwisit na batang ’to!” bulyaw naman niya sa bata.

Napapailing na lamang si Aling Gina sa kasamaan ng ugali ni Aira. Hindi niya akalaing magiging ganito ang ugali nito sa kabila ng buong pusong pagmamahal na ipinakita niya rito. Kahit hindi ito nagmula sa kaniyang sinapupunan ay inaruga niya ito nang buong puso, ngunit ito ang isinukli nito sa kaniya.

Dinuro-duro pa ni Aira ang noo ng madrasta bago niya ito iwan. Ni hindi man lang niya naisip na palitan ang basa nitong salawal upang maging komportable ito. Lumabas siya ng bahay at hinayaang maiwan ang sampung taong gulang niyang anak kasama ang paralisado niyang ina. Magpapahangin siya’t magre-relax.

Nagpunta si Aira sa kaniyang mga kaibigan upang makipaglaro ng baraha. Dahil binubuwenas ay napasarap siya sa paglalaro lalo’t makailang ulit na siyang nanalo sa pustahan. Gabi na nang sila’y mag-uwian… ngunit ganoon na lang ang gulat ni Aira nang mamataan niyang napakaraming taong nagkukumpulan sa labas ng kaniyang bahay.

“Anong meron? Bakit nagkukumpulan kayo sa labas ng bahay namin?” tanong ni Aira sa kaniyang mga kapitbahay.

“Naku, Aira! Saan ka ba nanggaling?! Nasusunog ang bahay n’yo!” tarantang sagot naman ng mga ito sa kaniya.

Nanlaki ang mga mata ni Aira sa nalaman. Agad siyang nakipagsiksikan sa mga ito upang makita ang kalagayan ng kanilang tirahan. Humupa na ang apoy ngunit halos manlumo siya nang makitang naabo na kabuuan ng bahay. Ngunit napaluhod na lamang siya nang makitang inilalabas ng mga rescuer mula sa loob n’yon ang magkayakap na katawan ng kaniyang madrasta at ng kaniyang anak na noon ay pawang mga nakapikit at wala nang buhay…

Hindi niya alam kung ano ang iisipin. Bigla niyang naalala ang lahat ng kalupitan niya sa mga ito kaya naman noon din mismo ay pinagsisihan niya ang lahat ng iyon… ngunit huli na. Siningil na siya ng matinding karma. Kinuha na nito sa kaniya ang lahat.

Advertisement