Inday TrendingInday Trending
Napakaingay ng Kanilang Kapitbahay Tuwing Gabi; Malalim Pala ang Kuwento sa Likod Nito

Napakaingay ng Kanilang Kapitbahay Tuwing Gabi; Malalim Pala ang Kuwento sa Likod Nito

“Ano ba ’yan, napakaingay naman!” Napahilamos sa sariling mukha si Fei. Nasa kasarapan na naman kasi siya ng kaniyang pagtulog nang bigla siyang mabulahaw ng malalakas na kalabog na nagmumula sa kanilang kapitbahay. Ganitong-ganito rin ang nangyayari nitong mga nagdaang araw. Tuwing gabi na lamang silang binubulabog ng malalakas na ingay.

“Ano bang ginagawa ni Angie at tuwing hating-gabi na lang yata siya nambubulabog? Nakakainis na ang babaeng ’yon, ha?” nagagalit pang ani Fei. Pupungas-pungas na rin kasi ang kaniyang asawa dahil nagising na ito sa mga ingay na nagmumula sa kanilang kapitbahay. Maaga pa naman ang pasok nito kinabukasan.

“Mahal, matulog na tayo. Takpan mo na lang ng unan ang tainga mo. Bukas na bukas ay kakausapin ko ang nanay ni Angie,” pangako naman ng kaniyang mister kay Fei.

“Ano pa nga bang magagawa ko?” Napabuntong-hininga na lamang siya at sinunod ang sinabi ng asawa.

Kinabukasan ay puyat na puyat sila. Hindi na nakapasok ang asawa ni Fei sa trabaho dahil wala itong tulog noong gabi. Kaya naman lalong nanggalaiti ang babae sa kaniyang mga kapitbahay.

Dahil doon, kahit maaga pa ay pinuntahan na ni Fei ang ina ni Angie. Galit niyang sinugod ang mga ito.

“Aling Ason, Angie! May sasabihin lang ho sana ko,” magalang na ani Fei sa dalawang kapitbahay nang mamataan niya ang mga ito na magkatulong na nagwawalis sa kanilang bakuran. Magalang at mahinahon man ang kaniyang pagkakasabi ay bakas pa rin sa kaniyang tono ang galit na kaniyang nararamdaman.

“Ano iyon, Fei?” takang tanong naman ni Aling Ason. Hindi pa man ay mukhang may ideya na ito sa kaniyang sadya.

“Tungkol ho sana sa pag-iingay n’yo tuwing hating gabi. Alam n’yo ho bang ilang araw na kaming walang tulog ng asawa ko dahil sa puyat? Ano ho ba ang ginagawa n’yo? Hindi ba pwedeng gawin n’yo ’yon habang may araw pa? Nang hindi ho sana kayo nakakaperwisyo ng iba!” nanggagalaiti pang sigaw ni Fei sa kanila. “Iyong asawa ko nga ho ngayon hindi nakapasok sa trabaho.”

Napayukod si Aling Ason sa tinuran ni Fei. Agad itong nakaramdam ng hiya at ganoon din ang anak na si Angie.

“P-pasensiya ka na po, Ate Fei, ako po ang may kasalanan,” naiiyak na ani Angie sa kaniya.

“Ano ba kasing ginagawa mo tuwing gabi? Bakit ang ingay? Minsan, nagsisisigaw ka pa. Minsan naman para kang nagpupukpok ng kung anu-ano,” sagot naman ni Fei sa kausap.

Napayuko si Angie bago sumagot. “May sakit po kasi ako, ate…” anito. “Inaatake na naman po kasi ako ng sakit ko nitong mga nakaraang araw. Tuwing gabi po, kapag nahihimbing na ako sa pagtulog, kusa pong bumabangon ang katawan ko, ate at gumagawa ng mga bagay na hindi ko naman alam na ginagawa ko pala,” nahihiya pang pag-amin nito sa kaniya.

Agad na nakaramdam ng simpatya si Fei para sa dalagang kapitbahay, bagama’t may duda pa rin siyang nararamdaman. Tahimik lang ang ina nito ngunit ang mata’y nagsusumamo sa paghingi ng pasensya. “Ibig sabihin, nagsi-sleepwalking ka?” tanong niya upang makumpirma ang kaniyang pagkakaintindi.

Tumango ang mag-ina. “Pagpasensiyahan mo na talaga, Fei. Hindi namin gusto na makaistorbo sa iba. Kaya nga kumakayod ako ngayon nang maigi para maipa-check up ko ulit ang anak ko. Hindi na kasi tumatalab ang mga gamot na inireseta sa kaniya ng doktor niya noon.”

Upang suportahan ang kanilang mga sinabi ay ipinakita pa ng mga ito kay Fei ang medical records ni Angie. Agad namang nakumbinsi ang babae at tuluyan nang naintindihan ang sitwasyon.

“Pasensiya na kayo kung mainit ang ulo ko nang kausapin ko kayo kanina.” Humingi siya ng paumanhin.

“Ako po dapat ang humingi ng pasensiya sa inyo, ate. Pakisabi na lang po sa asawa n’yo,” sabi pa ni Angie na noon ay paiyak na.

Nagkasundo silang pagpapasensyahan na lamang muna ang ingay na idinudulot ng sakit ni Angie. Bukod doonay nag-abot din ng kaunting tulong pinansyal si Fei sa mag-ina. Upang makasigurado ay agad siyang nagplano, pati na rin ang kaniyang asawa na ipa-sound proof na lang ang kanilang kuwarto upang makaiwas sa ganitong mga pagkakataon. Iyon na lamang kasi ang maitutulong nila sa mag-ina. Ang intindihin ang kalagayan ng mga ito at mag-adjust upang masolusyonan nilang pareho ang kanilang mga problema. Mabuti na lamang at kalaunan ay hindi na muling inatake si Angie.

Advertisement