Inday TrendingInday Trending
Nang Umuwi ang Sundalo Mula sa Giyera ay Bulag na ang Isa Niyang Mata; Tanggapin pa kaya Siya ng Nobya

Nang Umuwi ang Sundalo Mula sa Giyera ay Bulag na ang Isa Niyang Mata; Tanggapin pa kaya Siya ng Nobya

“Paano kung hindi na niya ako matanggap?” Bakas ang matinding lungkot na nararamdaman ni Rod sa tanong niyang iyon. Pinipigilan niya lang ngunit kanina pa siya naluluha dahil sa isiping maaari na siyang ayawan ng kaniyang nobya ngayong bulag na ang kaniyang isang mata.

Isang sundalo si Rod at nadestino siya nang matagal sa malayong lugar. Ganoon pa man ay nanatili silang nagmamahalan ng nobyang si Leah kahit pa nga malayo sila sa isa’t isa. Taon-taon kung umuwi siya sa kanila at maiksi lamang ang panahong iyon, ngunit sinigurado sa kaniya ng babaeng pinakamamahal na hindi ito susuko sa kanilang relasyon. Pinanghawakan ni Rod ang pangakong iyon kaya nga nang sila ay sumabak sa giyera’y pinilit niyang mabuhay upang mabalikan ang nobya.

Ganoon pa man, si Rod ay nagtamo ng isang malalang pinasala na siyang naging dahilan ngayon upang ang kaniyang kanang mata ay tuluyan nang mabulag at hindi makakita.

“Lakasan mo ang loob mo, anak. Mahal na mahal ka ni Leah,” sagot ng kaniyang ina sa kaniyang hinaing. May pag-aalala sa mukha nito at alam niyang hindi rin ito sigurado sa sinabi. Pinalalakas lamang nito ang kaniyang loob upang hindi siya tuluyang bumigay.

Kalalabas lamang niya ng ospital at ngayon ang unang beses na magkikita sila ng nobya mula nang siya ay makauwi. Napakalakas ng pagkabog ng kaniyang dibdib at halos masuka na siya sa kaba ngunit pinipilit niyang magpakatatag.

Panay ang tingin ni Rod sa pintuan ng kaniyang kwarto. Hinihintay niya ang pagdating ng kaniyang nobya. Ngunit umabot na lamang ng gabi ay hindi naman ito nagpakita sa kaniya. Doon ay tila nawawalan na siya ng pag-asa, ngunit naiintindihan naman niya kung totoong hindi na siya nito tatanggapin.

Si Leah ay mula sa isang mayamang pamilya. Bukod doon ay napakaganda nito at matalino pa. Sa dami ng lalaking gusto itong makuha mula sa kaniya ay sigurado siyang madali lamang siya nitong makakalimutan at sa tingin niya’y mas makakabuti nga naman iyon para sa dalaga.

“Alam na ho siguro ni Leah ang nangyari sa akin, ‘nay,” malungkot pang ani Rod sa ina. Natawa siya nang mapait dahil sa sinabi.

Hindi nagsalita ang kaniyang ina bagkus ay niyakap lamang siya nito. Tuluyan nang tumulo ang luha ni Rod. Hindi na niya napigilan ang kaniyang emosyon. Nasa ganoong sitwasyon sila nang biglang may kumatok sa pintuan ng kaniyang kwarto.

“Rod, anak?” Ang kaniya palang itay. “Narito sa labas si Leah… papasukin ko na, ha?” dagdag pa nito.

Pakiramdam ni Rod ay nanigas siya sa kaniyang kinatatayuan nang makitang humakbang papasok sa kaniyang kwarto ang kaniyang nobyang si Leah. Gustuhin man niyang takpan ang kaniyang mukha upang itago ang mata niyang may benda pa rin ay hindi na niya nagawa.

“M-mahal…” nanginginig ang tinig na sambit ni Rod. Nakatitig sa kaniya si Leah at nag-uulap na rin ang mga mata. Bigla nitong tinakbo ang pagitan nila upang dambahin siya ng mahigpit na yakap.

“Mahal! Miss na miss kita!” anito sa kaniya na tuluyan nang humagulhol. “Kung alam mo lang kung gaano ako nag-alala sa ’yo!” sabi pa nito.

Nakabawi na sa pagkabigla si Rod at niyakap na rin pabalik ang nobya. “Na-miss din kita, mahal,” aniya. Ngunit bigla siya nitong pinalo nang mahina sa dibdib.

“Aray ko naman! Para saan ’yon?” takang tanong niya rito.

“Ano ba ang dina-drama mo kina mama? Ano ’yong sinasabi mong hindi na kita tatanggapin dahil bulag ka na? Naiinis ako sa ’yo!” nakasimangot pang bulyaw nito sa kaniya sa pagitan ng mga paghikbi. “Hinding-hindi ko gagawin ’yon. Hinding-hindi kita iiwan, mahal, lalo na ngayon,” dagdag pa nito na nakapagpaantig ng puso ni Rod.

“Maraming salamat, Leah! Hindi ko akalaing tatanggapin mo pa rin ako kahit na ganito na ako.” Muling nagpasalamat si Rod sa kaniyang nobya at niyakap ito.

Nagdesisyong magpakasal ang dalawa sa lalong madaling panahon upang makapagsimula na agad sila ng pagbuo ng pamilya. Ngunit nagpasya rin sila na mag-resign na lamang sa kaniyang trabaho si Rod upang ilayo ang sarili sa kapahamakan, lalo pa at minsan na siyang nasaktan. Iyon ang hiniling ni Leah sa kaniya at agad naman niyang pinagbigyan.

Nagtayo na lamang sila ng isang maliit na negosyo na ipangtutustos nila sa araw-araw na pamumuhay at sisikapin nila iyong palaguin upang bigyan ng magandang buhay ang kanilang magiging mga anak.

Advertisement