Hindi Pinaniwalaan ng Mag-asawa na Nakakakita ng Multo ang Kanilang Anak; Isang Pangyayari ang Babago ng Kanilang Pananaw
Matagal nang nangangarap na magkaroon ng kanilang sariling bahay ang mag-asawang Sylvia at Louie. Dahil doon ay ilang taon din nilang pinag-ipunan ang pangarap na sariling bahay, kahit pa nga may isang anak na silang binubuhay nang mga panahong iyon.
Isang bahay noon ang nakita nilang ibinibenta na ng may-ari sa napakamurang halaga lamang kaya naman agad na sinunggaban ng mag-asawa ang oportunidad na iyon upang matupad na ang matagal na nilang minimithi. Binili ng mag-asawa ang naturang bahay at agad silang lumipat doon pagkatapos na pagkatapos ng negosasyon. Ngunit lingid sa kanilang kaalaman, dito na pala mag-uumpisang mabago ang kanilang buhay…
Apat na taong gulang pa lamang ang anak na lalaki nina Sylvia at Louie at katulad ng ibang bata ay mahilig din itong maglaro, tumakbo, magsaya hanggang sa mapagod. Bibong-bibo kasi ito at sa murang edad ay sadyang kakikitaan na agad ito ng katangian ng isang matalinong bata. Ang pangalan nito ay Gio.
Ilang araw matapos makalipat ng mag-anak sa kanilang bagong bahay, napansin nilang mabilis na nagkaroon ng imaginary friend ang kanilang anak na si Gio. Noong una ay nagtataka pa sila kung bakit madalas nila itong makitang may kausap, gayong palagi naman itong naglalaro na lamang nang mag-isa.
“Gio, anak, sino’ng kinakausap mo?” tanong ni Sylvia sa anak na si Gio nang mapansin niyang tawa ito nang tawa habang may kung sinong kausap. Ngunit nang silipin niya kung sino ang kasama nito ay wala naman siyang nakita.
“’Yong bago ko pong friend, mama!” nakangiti at masigla namang anang kaniyang anak kaya’t napakunot noon ang noo ni Sylvia.
“Nasaan ang new friend mo, baby? Ipakilala mo naman sa akin,” sabi pa niya rito ngunit nang iunat ni Gio ang kamay nito upang ituro ang madilim na bahagi ng kwarto kung saan anito’y nakaupo ang naturan niyang kaibigan, tila kinilabutan nang bahagya si Sylvia. Wala naman kasing kahit sino roon, tao man o hayop.
“A-ano raw ang pangalan ng bagong kaibigan mo, anak?” hindi pa napigilang tanong ni Sylvia kay Gio na agad namang sinagot ng bata.
“Siya po si Mr. Boogy, mama!” tila natutuwang sagot pa ni Gio sa kaniya.
Noon ay talagang hindi na nakapagsalita pa si Sylvia. Minabuti niyang makipaglaro na lamang sa anak na si Gio upang mabaling ang atensyon nito. Hindi kasi niya mapigilang makadama ng takot lalo’t nasa trabaho ang kaniyang asawang si Louie nang mga sandaling iyon.
Nang umuwi ang asawang lalaki, agad na sinabi ni Sylvia ang nangyari habang ito ay wala. Ngunit mabilis iyong kinondena ng kaniyang asawa. Ang sabi pa nito, normal lamang daw para sa isang bata na magkaroon ng isang imaginary friend lalo at wala itong kalaro sa lugar na iyon dahil halos wala rin naman silang kapitbahay. Sa laki kasi ng sakop ng lupang kanilang nabili sa murang halaga ay talagang ilang milya pa ang layo bago ang susunod na bahay sa lugar na iyon.
Dahil doon ay nagdesisyon ang mag-asawa na bilhan na lamang ng isang alagang aso ang kanilang anak upang kahit papaano ay magkaroon ito ng kalaro. Natuwa naman ang bata pagkakita sa kaniyang alaga.
“Wow! Ipapakita ko lang kay Mr. Boogy ang new pet ko, mama, papa!” ani Gio sa kanila na tinanguan naman ng mag-asawa… ngunit maya-maya lamang ay nagulat sila nang bigla silang makarinig ng isang malakas na palahaw mula kay Gio.
Dali-daling pinuntahan ng mag-asawa ang kanilang anak na noon ay naglalaro sa bakuran at laking gulat nila nang makitang wala nang buhay ang bagong biling aso ni Gio!
“Mama! Sabi po ni Mr. Boogy, ayaw niya raw sa pet ko! Dapat daw po, siya lang ang kalaro ko!” ang umiiyak na sumbong noon ni Gio sa mag-asawa. Ganoon na lamang ang kanilang pagtataka dahil sa nangyari, lalo na nang mga sandaling iyon, dahil matapos magsumbong ni Gio ay nakarinig sila ng kakaibang mga kalabog sa loob ng kanilang bahay.
Nang kanila iyong tingnan ay nakita nilang kusang nagtatalsikan ang mga kasangkapan nila na tila ba may kung sinong naghahagis ng mga iyon!
Matapos ang pangyayaring iyon ay talagang naniwala na ang mag-asawa na nakakakita nga ng multo ang kanilang anak. Agad silang nagpatawag ng pari upang mapabendisyunan ang bahay. Nagdesisyon din silang ipabago na lamang ang bahay kahit na hindi naman ito sira upang nang sa ganoon ay magkaroon ito ng bagong aura. Mas pinalakas ng mag-asawa ang kanilang pananampalataya sa Diyos at simula noon, sa awa ng poong maykapal, ay namuhay na nang matiwasay ang mag-asawa, kasama ang kanilang iba pang mga kaanak na hinayaan nilang magtayo ng bahay sa lupang kanilang nabili.