Inaapi ng Mayayamang mga Kapitbahay ang Kanilang Pamilya; Makabangon Pa Kaya ang Sila Mula sa Kahirapan?
“Oh, bunso bakit umiiyak ka?” tanong noon ng binatilyong si Marshal sa kaniyang nag-iisang kapatid, nang maabutan niya itong umiiyak habang ginagamot ng kanilang ina ang sugat nito sa tuhod. Kauuwi lamang niya mula sa eskuwela at balak sanang magpahinga dahil mamayaʼy papasok pa siya sa kaniyang part-time job.
“Hayun. Nag-aakyat na naman silang magbabarkada sa bakod noʼng bahay ng mayamang matanda diyan sa kabila, para manguha ng mangga. Edi ipinahabol sila sa aso! Ito tuloy ang napala ng kalapatid mo, nadapa katatakbo,” may inis namang sagot ng kaniyang ina.
Agad na nabigla si Marshal sa narinig. “Ipinahabol sila sa aso?!” ulit pa niya sa sinabi ng ina.
Tumango si Aling Melba bilang tugon ngunit nabigla siya nang ibalibag ni Marshal ang bag nito sa sahig!
“Sandali! Saan ka pupunta, anak? Huwag mo nang ituloy ang binabalak mo. Hayaan mo na!” Buti na lang ay napigilan ni Aling Melba ang akmang paglabas ng kaniyang anak.
“Talagang napakasama ng ugali ng matanda na ʼyan, inay!” anas ng nanggagalaiting si Marshal. “Porque ba mahirap lang tayo, kayang-kaya na niya tayong ganiyanin? Abaʼy mga bata ʼyon, ah!” dagdag pa ng binatilyo.
“ʼYan ang dahilan kung bakit pinipilit kong pagtapusin ka ng pag-aaral, anak, para kahit man lang sana sa mga darating na taon ay makatikim tayo ng ginhawa…” Napabuntong hininga pa si Aling Melba bago nagpatuloy. “Kaya sana, anak, pakiusap ko lang sa ʼyo, mag-aral ka nang mabuti at sikapin mong makatapos kahit kapos tayo sa buhay.”
Palaging pinaaalalahanan ni Aling Melba si Marshal at ang bunso nitong kapatid tungkol sa mga dapat at tama nilang gawin. Dahil doon ay ʼdi niya kailan man naging sakit sa ulo ang kaniyang mga anak. Lumaki ang mga itong marunong dumiskarte sa buhay at marunong umintindi, ʼdi tulad ng karamihan sa mga kabataan ngayon na kung hindi bulakbol ay maluluho naman kahit alam nang hirap ang kanilang mga magulang.
Sa katunayan ay matataas ang markang nakukuha ng magkapatid sa eskuwela kahit pa si Marshal ay nagtatrabaho pa pagkaawas nito sa eskuwela. Ginagawa iyon ng binata upang kahit papaanoʼy makabawas sa mga gastusin ng kaniyang inay.
“Bunso, bakit ba kayo umakyat doon sa bakod ni Don Felipe?” Baling na lamang ni Marshal sa kanilang bunsong si Kael.
“E, kuya, gusto lang naman po naming manghingi ng manggang naroon sa labas ng bakod ni Don Felipe, e. Umakyat lang naman po kami para maabot ʼyong puno,” sagot naman ng bata sa kaniya.
Napapalatak si Jared. “Sa susunod, huwag na kayong pupunta sa lugar ni Don Felipe, maliwanag ba? Gustuhin man nating ireklamo siya dahil sa ginawa niya sa inyo, wala tayong laban doon dahil mayaman ʼyon.”
Tumango na lamang si Kael sa sinabi ng kaniyang kuya.
Itinuring ng magkapatid na isang inspirasyon ang patuloy na naging panghahamak sa kanila ng mayayamang nakatira sa likod ng bakod, sa kabilang subdibisyon. Ipinangako nila sa kanilang sarili na balang araw, hindi na nila kakailanganin pang umakyat sa bakod ng mga ito para lamang makahingi ng mangga.
Nagtapos ng kolehiyo si Marshal sa kursong Information Technology at ginamit niya iyon upang makakuha ng maraming oportunidad. Agad siyang nag-umpisa sa pagtatrabaho habang sinisimulan ang kaniyang online busines, lalo at nakita niyang patok na patok iyon sa panahon ngayon. Dahil doon ay nakaipon si Marshal ng pang-umpisa muli ng isa pang negosyo… isang computer shop na katulad ng nauna ay naging maganda rin ang takbo.
Nang mga panahong iyon ay magtatapos na rin si Kael sa kurso nitong Agriculture. Kaya naman naisipan ni Marshal na mamuhunan din sa probinsya ng kaniyang ina, sa pamamagitan ng pagbili ng isang nalulugi nang manggo farm. Ipinaasikaso niya iyon sa kapatid. Hindi naging madali ang pag-uumpisa niyon, laloʼt risky ang napili nilang negosyo, ngunit nagulat, maging sila nang bigla iyong lumago! Talagang suwerte sa negosyo ang mga anak ni Aling Melba!
Lumaki nang lumaki ang kani-kaniyang mga napiling negosyo ng dalawa at nagawa nilang iahon sa hirap ang kanilang ina. Nakabili rin sila ng bahay sa subdibisyon, sa likod ng tinitirahan nilang squattersʼ area noon. Manghang-mangha ang kanilang mga kakilala sa kanilang dalawa, maging ang mga mayayamang noon ay nang-aapi lang sa kanila. Pinatunayan ng magkapatid na walang hindi magagawa ang mga tao, basta may pagsisikap at pagtitiyaga. Sabayan mo pa ng inspirasyon at pagmamahal sa kanilang ginagawa.