Inday TrendingInday Trending
Dahil Hindi Naibigay ang Gusto ay Nagrebelde ang Dalaga; Pagsisisihan Pala Niya Ito!

Dahil Hindi Naibigay ang Gusto ay Nagrebelde ang Dalaga; Pagsisisihan Pala Niya Ito!

“Anak, gusto mo ba ang sapatos na ʼyan?” tanong ng ama ni Michelle sa kaniya nang mapadaan sila sa isang shoe shop. Sinundo kasi siya nito mula sa eskuwelahan.

“Opo, ʼpa, pero wala naman po kayong pera, e.” Napakamot sa kaniyang ulo ang dalagita.

“E, mapag-iipunan ko naman ʼyan. Malayo pa naman ang debut mo, anak, hindi ba? Kaya ni papa ʼyan!” nakangiti namang tugon ni Mang Anselmo sa kaniyang anak. Nalalapit na kasi ang kaarawan nito at gusto niyang regaluhan ang kaniyang dalaga ng isang espesyal na regalo.

Kumayod nang kumayod si Mang Anselmo hanggang sa dumating ang kaarawan ng anak. Kaya naman malaki ang pag-aasam ni Michelle na ireregalo nga ng kaniyang ama ang sapatos na gustong-gusto niya. Ngunit nagulat siya nang gabing iyon at umuwi itong walang dalang kahit ano.

“Anak, pasensiya ka na, hindi ko nabili ang gusto mo. Nagkaroon lang ng problema ang kasamahan ko, anak. Kinailangan ni papa na ipahiram ang inipon ko para pambili ng sapatos mo,” nanlulumong anang ama ni Michelle.

Nalungkot nang husto ang dalaga. Talagang binigo siya ng kaniyang ama. Simula noon ay naging malayo ang loob niya rito. Madalas na niya itong hindi kinakausap at may pagkakataon pa ngang nagrerebelde siya sa ama.

Dahil doon, tila nagdamdam din si Mang Anselmo, laloʼt ang kaniyang anak na lamang ang kaniyang kayamanan. Kaya naman ibinuhos na lamang niya ang kaniyang atensyon sa pagtatrabaho. Gusto niyang makabawi sa anak. Nalulungkot siya sa nagiging pagtatampo nito sa kaniya.

Tumagal nang tumagal na ganoon ang kanilang naging sitwasyon, hanggang sa tila hindi na makayanan ng katawan ni Mang Anselmo ang sobrang pagtatrabaho… nagkaroon siya ng sakit. Naparalisa ang kaniyang katawan at naratay siya sa ospital.

Sising-sisi naman noon si Michelle. Hindi niya akalaing sasapitin ng ama ang nangyayari dito ngayon dahil sa kaniyang pag-uugali! Ngayon ay hindi na niya alam kung saan siya kukuha ng maipambabayad sa ospital. Namomroblema si Michelle habang nag-aalala pa rin sa kaniyang ama. Naisip niyang sana ay hindi na lamang siya nagrebelde rito, dahil lang sa isang mamahaling sapatos.

Nagulat na lamang si Michelle nang biglang may nagbayad ng bills nila sa ospital. Nang kausapin niya ang doktor ay nalaman niyang ang mayaman palang boss ng kaniyang ama ang sumagot ng gastusin nila!

Agad na pinuntahan ni Michelle ang boss ng kaniyang ama upang personal itong pasalamatan.

“Sir, maraming-marami pong salamat sa tulong nʼyo sa amin ni papa. Hindi ko po alam kung papaano kami babawi sa inyo, sir.” Halos maiyak si Michelle habang nagpapasalamat.

“Bakit ako ang iyong pasasalamatan, hija? Hindi ako ang dapat mong pasalamatan kundi ang iyo mismong ama. Kundi dahil sa kaniya, nalugi na sana ang kompanya ko, dahil sa kawalan ko ng tao. Ngunit dahil sa dami ng kaibigan ng papa mo ay marami ulit nagtiwala sa amin. Bukod doon ay nakiusap sa akin ang mga kasamahan ng iyong ama na minsan niya na ring natulungan na sa pagkakataong ito ay siya naman ang bigyang tulong.” Tinapik ng boss ng ama ang balikat ni Michelle. “Napakasuwerte mo sa ama mo, hija. Isa siya sa pinakamabubuting taong nakilala ko at hinding-hindi ako manghihinayang na tulungan siya.”

Napaluhod na lang si Michelle matapos marinig mula sa kausap kung gaano kabuti ang kaniyang ama. Ikinuwento rin nito sa kaniya na kaya hindi nabili ng ama ang regalo dapat nitong sapatos ay dahil ipinahiram nito ang pera sa pamilya ng kasamahan nito nang bigla itong mag-agaw buhay dahil sa aksidente sa kanilang construction site na naging dahilan ng muntik nang pagkalugi ng kanilang agency. Marami kasi sa mga kasamahan ng kaniyang ama ang inisip na hindi ligtas ang mga ginagawa ng naturang agency kaya naman nag-umpisa na silang lumipat sa iba.

Nadagdagan ang pagsisisi ni Michelle. Dahil doon ay nagmadali siyang bumalik sa ospital upang yakapin ang amang nakaratay.

“Patawarin mo po ako, papa. Hindi ko alam ang ginagawa ko. Nabulag ako ng pagtatampo dahil lang sa isang materyal na bagay. Sana mapatawad mo pa po ako. Gusto pa kitang makasama nang matagal,” humahagulhol na ani Michelle sa kaniyang ama na hindi man makapagsalita pa ay nginitian naman siya at niyakap nang pabalik.

Unti-unting gumanda ang pakiramdam ng kaniyang ama dahil na rin sa pag-aalaga ni Michelle. Tinupad niya ang kaniyang pangako na babawi sa ama. Simula noon ay mas pinagbuti niya ang kaniyang pag-aaral at tumulong na rin siya sa gastusin nilang mag-ama sa pamamagitan ng pag-a-apply ng part-time job. Nakabalik na sa trabaho ang kaniyang ama ngunit sinigurado niyang magiging maayos muna ang kalagayan nito bago niya ito payagan. Mula noon ay mas naging maayos ang buhay nilang mag-ama.

Advertisement