Akala ng Lalaki ay Hahabulin Siya ng Kaniyang Misis; Nagkakamali Pala Siya
Napabuntong-hininga na lamang si Gianne matapos niyang matanggap mula sa chat ng kaniyang kaibigan ang litrato ng asawa niya habang ito ay nasa isang bar at nakikipagharutan na naman sa ibang babae na sinundan pa nito ng isang mensahe.
“Ano, Gianne? Hindi ka pa rin ba madadala? Kaya namimihasa ’yang asawa mo na ganiyan-ganiyanin ka dahil palagi mo rin siyang pinatatawad! Magtira ka naman ng pagmamahal para sa sarili mo!” sabi nito. “Wala ka nang ibang ginaw kundi iyakan ’yang asawa mo, friend. Tatlong taon pa lang kayong nagsasama, pero makakapuno na yata agad ng isang buong swimming pool kung inipon mo ang mga patak ng luhang iniluha mo dahil sa kaniya!” dagdag pa nito na ngayon ay nagpatawa naman kay Gianne.
Pinakiramdaman ni Gianne ang kaniyang sarili. Tila ba ngayon ay hindi na siya nasasaktan pa sa ginagawa ng kaniyang mister. Ni hindi siya naiiyak o nakakadama ng kalungkutan para sa kaniyang sarili, kundi awa para na lamang sa kanilang bagong silang na supling. Simula nang siya ay makapanganak sa kaniyang panganay, tila ba nagkaroon siya ng bagong lakas para sa kanilang mag-ina. Pakiramdam niya ay kakayanin na niyang mabuhay kahit wala ang kaniyang palikerong mister.
Nang umuwi mula sa pambababae ang asawa niyang si Roy ay ni hindi man lang nagpakita ng ni katiting na galit si Gianne dito. Dahil doon ay nagtaka naman ang lalaki. Hindi kasi normal ang naging kilos na iyon ng kaniyang asawa. Dati-rati, pagkatapos nitong malamang nambabae siya a maaabutan niya itong umiiyak at nalulugmok. Bukod doon ay aawayin siya nito kaya naman susuyuin niya si Gianne at mabilis naman itong bibigay sa kaunting suyo lamang niya.
Matagal na naging ganoon ang naging pagsasama nila kaya naman ngayon ay ipinagtataka ni Roy na tila ibang Gianne ang kaniyang nakikita. Masigla nitong hinihele ang kanilang anak at maaliwalas ang mukha nito sa kabila ng ginawa niya kagabi. Kaya naman sinubukan niyang kausapin si Gianne.
“Siguro nakapagsumbong na agad sa ’yo ang kaibigan mong tsismosa tungkol sa ginawa ko kagabi,” pasimpleng ani Roy sa asawa. Ang totoo ay kinukumpirma lamang niya kung talaga bang may alam na ito sa nangyari.
“Ang tsismosa, hindi nagsasabi ng totoo. E, totoo naman ang sinasabi ni Ericka, ah,” sagot naman nito sabay halik sa kanilang anak nang nakangiti.
“O-oo nga… E, bakit parang hindi ka galit?” takang tanong ni Roy kay Gianne nang mga sandaling iyon ngunit natawa ang babae.
“Kahit naman magalit ako nang magalit, hindi ka na magbabago.” Hinarap ni Gianne ang asawa. “Alam mo, naisip ko lang na sawa na akong pakiusapan kang pakisamahan ako. Ayaw mo na sa akin kaya hahayaan na kitang gawin ang lahat ng gusto mo. Naisip ko, mas mabuti na rin na maghiwalay na tayo para naman matutukan ko ang anak natin,” parang wala lang na sabi pa ni Gianne.
Nabigla si Roy sa kaniyang narinig. Tila siya nabingi sa sinabi ng asawa. Hindi siya makapaniwalang gusto nito na maghiwalay na sila! Bigla siyang napipi at nawalan ng sasabihin.
“Huwag kang mag-alala. Hindi naman ako magde-demand ng suporta mula sa ’yo para sa anak natin. Magtatrabaho ako para sa kaniya. P’wede mo rin siyang dalawin kung gusto mo,” tuloy-tuloy na ani Gianne na lalong ikinabahala ni Roy.
Hindi naman niya gustong umabot sila sa hiwalayan ni Gianne lalo at may anak na sila ngayon. Hindi niya naisip ang posibilidad na ito at ngayon nga ay hindi na niya alam kung paano siya makikiusap sa asawa na huwag ituloy ang balak nito.
Sinubukan ni Roy na suyuin si Gianne ngunit parang walang kahit anong epekto rito ang kaniyang mga ginagawa. Mukhang desidido na itong iwanan siya at mamuhay nang mag-isa kasama ang kanilang anak.
“Patawarin mo ako, Gianne! Please, huwag n’yo akong iwan ng anak natin. Magbabago ako. Hinding-hindi na ako uulit pa!” Tinangka ni Roy na sagipin pa ang kanilang pagsasama ngunit talagang matigas na ang puso ni Gianne para sa kaniya.
“Hindi naman ako galit sa ’yo, Roy. Ito ang makakabuti sa atin. Huwag mong ikulong ang sarili mo sa relasyong hindi mo naman na gusto. Malaya ka na, Roy.
Wala nang nagawa pa si Roy nang umalis sa kaniyang poder ang asawa at anak nila. Lumipas na ang mga panahon ngunit pinipilit pa rin ni Roy na muling bumalik sa kaniya ang pamilyang hindi niya noon binigyan ng importansya.