Lampa at Mahiyain ang Bata Kaya Palaging Tinutukso ng mga Kaklase; Isang Misteryosong Bata ang Mapapalapit sa Kaniya
Sadyang mahiyain at tahimik na bata si Lizette. Nakakaranas din siya ng pang-aasar at panunukso mula sa kaniyang mga kaklase dahil lalampa-lampa siya at sobrang takot makihalubilo sa mga tao.
“Si Lizette na lampa, si Lizette na lampa!” palaging bukambibig ng mga kaklase niya.
Nang sumapit ang bakasyon ng mga estudyante ay laking tuwa niya dahil sinabi ng Tita Mildred niya na sa probinsya sila magbabakasyon. Sa isip niya ay pansamantala siyang malalayo sa mga mapanuksong kaklase.
Simula nang maulila si Lizette sa mga magulang ay ang Tita Mildred niya na bunsong kapatid ng kaniyang ina na ang nag-aruga sa kaniya.
“O, Lizette excited ka na ba sa pagbisita natin sa probinsya?” tanong ng tiyahin.
“O-opo, tita,” sagot niya sa mahinang tono.
Gustung-gusto ni Lizette na nagpupunta sa probinsya nila sa Quezon. Ang naroon lang kasi ay ang iba pa niyang tiyuhin at tiyahin na wala ring mga asawa at anak kaya wala rin siyang mga kaedad na pinsan.
Nang makarating sila sa Quezon ay labis ang saya ng mga tiyuhin at tiyahin niya. Agad silang inasikaso at inalok nang makakain. Isang araw ay nakaramdam siya ng pagka-inip at naisipang maglakad-lakad sa labas ng bahay hanggang sa dalhin siya ng kaniyang mga paa sa isang maliit na guho na malapit sa kakahuyan.
“T-teka, naliligaw na yata ako…papunta na yata ako sa kakahuyan,” wika niya sa isip.
Nang biglang may boses siyang narinig sa kaniyang likuran.
“Bata, bata!”
Sa paglingon ni Lizette ay nakita niya ang isang batang babae na nakangiti sa kaniya. Sa tingin niya ay sampung taong gulang din na gaya niya.
“Sino ka?!” gulat na tanong ni Lizette.
“Ako si Diding. Lika laro tayo!” yaya nito.
‘Di makapaniwala si Lizette. Ngayon lang kasi na may batang nagyaya sa kaniya na makipaglaro. Ang ibang batang kilala niya ay walang ibang ginawa kundi ang asarin at tuksuhin siya.
“A-ako ba ang gusto mong makalaro?”
“Oo. May iba pa bang bata rito?” sagot nito sa kaniya.
Lumingon-lingon siya sa paligid. Wala naman siyang nakitang ibang bata na naroon kaya ‘di niya naiwasang mapakamot sa ulo.
“Sige na, wala akong kalaro, eh!” pangungulit pa ng bata sabay hatak sa braso niya. Wala na siyang nagawa kundi ang sumama.
Maya-maya ay nakarating sila sa isang lugar sa loob ng kakahuyan kung saan napakaraming bulaklak.
“Wow, Ang ganda naman dito! Ang daming makukulay at magagandang bulaklak,” manghang sabi ni Lizette.
“Maganda talaga rito. Ito ang paborito kong lugar dito sa kakahuyan. Sa lugar na ito, pakiramdam ko’y payapa ako at nawawala ang aking mga problema,” sagot ni Diding habang nakahiga sa damuhan.
“Ngayon lang ako nakakita ng ganitong kagandang lugar,” saad pa ni Lizette.
“Kung gusto mo ay palagi kitang isasama rito. Dito tayo maglalaro,” tugon pa ng kausap.
Madaling nakagaanan ng loob ni Lizette ang batang si Diding. Napakabait kasi nito sa kaniya. Si Diding lang ang batang nakipagkaibigan sa kaniya. Wala rin siyang narinig na pang-aasar at panunukso sa bibig ng bata kaya naging malapit silang magkaibigan. Palagi siyang lumalabas ng bahay at nakikipagkita kay Diding para maglaro sa kakahuyan. Mula nang makilala niya ang kaibigan ay naging masiyahin at nawala ang pagkamahiyain niya. Pakiramdam niya ay bago pa lang siya naging bata na nakikipaglaro sa kapwa bata.
“Alam mo, napakasaya ko dahil nagkakilala tayo. Wala kasing nakikipagkaibigan sa akin. Lagi rin akong inaasar at tinutukso dahil lampa raw ako at sobrang mahiyain kaya ayaw nila akong kalaro. Pero ikaw, napakabait mo sa akin at palagi mo akong gustong kalaro kaya gustung-gusto rin kita. Ang akala ko noon ay wala nang magmamahal pa sa akin na kaibigan, mabuti at dumating ka, Diding. Nagpapasalamat ako dahil nagkaroon ako ng kaibigan na tulad mo,” wika ni Lizette na hindi na napigilang maluha sa sobrang saya.
“Huwag kang umiyak. Hindi lang naman ako ang nagmamahal sa iyo, eh. Maraming nagmamahal sa iyo, Lizette. Huwag kang matakot na makipagkaibigan sa iba. Ipakita mo ang tunay na ikaw. Makakahanap ka ng mga tunay na kaibigan kapag totoo ka sa sarili mo,” tugon ni Diding sabay yakap sa kaniya nang mahigpit.
Nang sumunod na araw ay may iniutos kay Lizette ang kaniyang Tita Mildred. May ipinapakuha itong kumot na nakalagay sa lumang aparador na nasa loob ng isang bakanteng kuwarto. Sa pagkuha niya sa kumot na sa loob ng aparador ay ‘di niya sinasadyang masagi ang isang antigong kahon. Sumambulat sa harap niya ang laman niyon. Nakita niya ang mga lumang litrato na nasa loob ng kahon. Nang isa-isahin niyang tingnan ang bawat litrato ay isang pamilyar na mukha ang napansin niya.
“D-Diding?!”
Laking gulat niya dahil ‘di siya makapaniwala na kamukhang-kamukha ng kaibigang si Diding ang batang nasa lumang litrato. Nagmamadali niyang ipinakita iyon sa tiyahin.
“Tita, tita, sino po ang batang ito?” tanong niya.
“Saan mo nakuha ang litratong iyan?”
“’Di ko po sinasadyang nasagi ang antigong kahon sa loob ng aparador. Nalaglag po sa sahig ang mga litrato sa loob, pero nang makita ko itong litrato ay kamukhang-kamukha ng kaibigan kong si Diding,” sagot niya sa tiyahin.
Napamulagat ang tiyahin sa sinabi niya.
“Diding? Kaibigan mo kamo?!”
“May nakilala po kasi akong bata, Diding po ang pangalan niya. Naging magkaibigan po kami at palagi kaming naglalaro sa magandang hardin sa loob ng kakahuyan.”
Mas lalong nanlaki ang mga mata ni Mildred sa ikinuwento ng pamangkin.
“Dalhin mo nga ako sa sinasabi mong hardin sa kakahuyan, Lizette,” sabi ng tiyahin.
Dali-dali naman niyang isinama ang tiyahin sa kakahuyan at nang marating nila ang parteng iyon na maraming magagandang bulaklak ay hindi napigilang mapaiyak ni Mildred.
“Sigurado ka ba na kamukha ng batang nasa litratong iyan ang nakalaro mo?”
“Opo, tita. Kamukhang-kamukha niya talaga!”
“Diyos ko, Ate Divina!” bulalas ni Mildred.
“Tita, bakit niyo po nabanggit ang pangalan ni mama?” nagtatakang tanong ni Lizette.
“Ang batang nasa lumang litrato ay ang Mama Divina mo. Alam mo ba na ang palayaw niya noon ay Diding? Kuha iyan noong siya ay sampung taong gulang pa lamang. Ang lugar na ito ang paborito niyang puntahan noon. Kagaya mo ay palagi rin siyang tinutukso at inaasar ng mga kaklase niya dahil lampa rin siya at mahiyain kaya palagi siyang nagpupunta rito sa tuwing gusto niyang mapag-isa at magpalipas nang sama ng loob. Ang ibig sabihin ay ang iyong ina ang nakasama mo at nakalaro mo rito, Lizette. Marahil ay miss na miss ka na niya kaya siya nagpakita sa iyo. Mahal na mahal ka niya. Bago siya pumanaw ay ang pangalan mo ang tangi niyang bukambibig,” hayag ng tiyahin habang humihikbi.
Hindi na rin napigilan ni Lizette na mapaluha sa ibinunyag ng tiyahin. ‘Di siya makapaniwala na nakasama niya at nakalaro ang tunay niyang ina. Sa isip niya ay sinadya talaga nitong magpakita para iparamdam sa kaniya na hindi siya nag-iisa kahit hindi na niya ito kapiling.
Hindi man maipaliwanag at isang malaking hiwaga ang nangyari kay Lizette ay walang katumbas na kaligayahan naman ang hatid niyon sa kaniya dahil kahit sa sandaling panahon ay nakasama niya ang namayapang ina sa katauhan ng isang masayahing bata. Isa iyong patunay na handang gawin ng isang ina ang lahat maiparamdam lang sa anak ang pagmamahal nito kahit pa sa kabilang buhay.
Mula noon ay ipinangako niya sa sarili na hindi na siya mahihiyang makipagkaibigan at ipapakita na niya ang totoo niyang pagkatao sa iba gaya ng sabi ng kaniyang inang si Diding na makakahanap siya ng mga tunay na kaibigan kapag naging totoo siya sa kaniyang sarili. Sa tuwing dumadalaw naman siya sa probinsya ay hindi niya nakakalimutang puntahan ang paboritong lugar ng ina sa kakahuyan at nagbabakasakaling muli itong magpakita sa kaniya at makipaglaro.