Inday TrendingInday Trending
Nagulat ang Dalaga nang Maabutang Ginigiba na ang Bahay Nila; Ang Lolo Pala Niya ang may Pakana!

Nagulat ang Dalaga nang Maabutang Ginigiba na ang Bahay Nila; Ang Lolo Pala Niya ang may Pakana!

“Mama, papa, ano po ang nangyayari?!” Napahiyaw si Mildred nang sa kaniyang pag-uwi galing eskuwelahan ay naabutan niyang giba na ang kalahati ng kanilang tahanan!

Halos manlumo siya nang makita ang kanilang mga kagamitan na nakatambak na sa labas niyon at halos marumihan na dahil sa gabok na nanggagaling sa bahay nila na ginigiba na.

“Nabili na ng lolo mo ang property na ito, anak…” umiiyak na sagot sa kaniya ng kaniyang ina kaya naman halos manlumo siya sa kaniyang narinig.

“Nalaman na po niya kung nasaan tayo?” muli ay tanong pa niya sa kaniyang mga magulang. Isang tango lang mula sa kanila ang kumumpirma sa kaniyang tanong.

Halos mapaluhod si Mildred. Simula sa kaniyang pagkabata ay hindi na lingid sa kaniyang kaalaman ang naging buhay ng kaniyang mga magulang noong sila ay bago pa lang nagsasama. Anak kasi ng isang mayamang negosyante ang kaniyang inang si Sonia, habang ang kaniya namang si Julio ay hamak na hardinero lamang ng mga ito noon. Lingid sa kaalaman ng kaniyang lolo ay nagkaroon daw ng lihim na relasyon ang kaniyang mama at papa gayong ang kaniyang ina ay nakatakda nang ipagkasundo sa isa sa mga anak ng business partner ng kaniyang lolo. Hindi iyon gusto ng kaniyang ina kaya naman inaya nito ang kaniyang ama na sila ay magtanan na upang magpakalayo-layo.

Agad na nagpakasal ang dalawa upang hindi na sila mahabol pa ng ama ng kaniyang ina, ngunit lalo lamang iyong ipinagngitngit ng kaniyang lolo. Ginawa nito ang lahat upang maging mahirap ang kanilang buhay. Wala kasing tumatanggap sa kaniyang mga magulang kahit saan pa sila mag-apply noon kaya naman natatandaan ni Mildred kung gaano sila kahirap noong siya ay bata pa. Natigil lamang ang ginagawang iyon ng kaniyang lolo nang sila ay lumuwas na mula sa pinanggalingang probinsya papuntang maynila. Doon sila nakapag-umpisa ng panibagong buhay. Simula noon, kahit papaano ay naging maayos na ang kanilang kalagayan… ngunit ngayon ay hindi na alam ni Mildred kung hanggang kailan sila muling maghihirap dahil natunton na naman sila ng kaniyang lolo.

“Mama, kausapin natin ang lolo, sige na po. Baka po pwedeng makipag-ayos na kayo sa kaniya? Humingi po tayo ng patawad. Ayoko na pong makaranas na magutom ulit,” umiiyak na nakiusap si Mildred sa kaniyang ina.

“Pasensiya ka na, anak, kung naranasan at mararanasan mo ulit ang ganoong buhay. Kasalanan namin ’to ng papa mo. Sana ay hindi kami naging mapusok noon. Disin sana’y hindi ka nadadamay sa paghihirap namin ngayon.”

Wala nang ibang magawa pa ang mag-anak nina Mildred kundi ang magyakapan habang sila ay nag-iiyakan. Nasa ganoon silang tagpo nang bigla na lamang may isang hindi pamilyar na tinig ang nagsalita sa kanilang likuran.

“Kung mayroon mang dapat sisihin sa nangyari, iyon ay walang iba kundi ako, apo.”

Napalingon silang bigla sa kanilang likuran at ganoon na lamang ang kanilang pagkagulat nang makilala kung sino ang kanilang harapan! Iyon si Don Adelino, ang ama ni Sonia at Lolo ni Mildred!

“Papa?!” bulalas ng kaniyang ina.

Unti-unting lumapit sa kanila ang uugod-ugod nang matanda upang sabihing, ipinagiba nito ang bahay na kanilang tinitirahan dahil gusto nitong pagawaan sila nang mas maayos na tirahan! Anito ay nagsisisi na raw ito sa lahat kaniyang ginawa sa kanilang pamilya!

“Kung nalaman ko lang nang mas maaga na mayroon na pala akong apo, sana ay matagal ko na itong ginawa. Sana ay matagal na akong humingi nang tawad at sana ay noon ko pa kayo nakasama. Patawarin n’yo ako sa lahat ng nagawa ko sa inyo.” Sa pagkakataong ito, matapos magsalita si Don Adelino ay unti-unti ring bumagsak ang mga butil ng luha mula sa kaniyang mga mata patungo sa kanyang pisngi, na kaninang-kanina pa niya pinipigilang pumatak.

Noon lamang nakabawi si Sonia sa pagkabigla sa mga narinig mula sa kaniyang ama kaya naman patakbo niyang tinungo ang pwesto nito at mahigpit na niyakap!

Tuwang-tuwa si Mildred na malamang dahil sa kaniya ay biglang nagbago ang kaniyang lolo. Kaya naman kahit noon pa lamang niya nakita ito ay niyakap niya rin ito nang mahigpit.

Tumuloy muna sila sa mansyon ng kaniyang lolo pansamantala, habang ipinagagawa nito ang kanilang bahay. Tunay ngang napakabilis ng mga nangyari sa kaniyang buhay, ngunit masaya si Mildred sa naging resulta ng naging pagpapatawad nila sa kaniyang lolo. Bukod kasi sa buo na ang kanilang pamilya, ngayon ay hindi na ulit sila maghihirap pa.

Advertisement