Palagi na Lamang Inaasar ang Babae ng Kaniyang Kaeskuwela; Ikagugulat Niya nang Malaman ang Dahilan Nito
“Oy, akin ’yan, a! Bakit mo ba kinukuha?!” inis na sita ni Jessica sa kaeskuwelang si Jason nang bigla na lamang nitong hablutin ang kaniyang bag at itinakbo iyon habang siya ay walang kamalay-malay na naglalakad papasok sa kanilang eskuwelahan.
“Ako na ang magdadala. Ang dami mong dalang libro kaya hindi ka tumatangkad, e!” tatawa-tawa namang sagot nito sa kaniya nang pasigaw kaya naman halos mabaling sa kaniya ang tingin ng iba pang kapwa nila estudyante na dumaraan sa paligid. Kitang-kita niya ang pasimple nilang mga pagngisi habang nakatingin sa kaniya. Lalo tuloy nadagdagan ang nadarama niyang inis kay Jason.
“Wala kang pakialam kung maliit ako! Palibhasa, ikaw, parang kapre sa laki!” ganting pambubuska naman niya rito ngunit tila wala naman iyong epekto rito.
Hindi talaga maintindihan ni Jessica ang kaeskuwela niyang ito. Bihira lang kasi itong makipag-usap sa iba nilang mga kaklase. Sa katunayan ay sa kaniya lang ito ganito kung umasta. Palagi na lang nitong gustong-gustong asarin at buwisitin siya sa halos araw-araw nilang pagpasok sa eskuwela.
Sa tuwing magsusumbong si Jessica sa kanilang mga guro tungkol sa ginagawa sa kaniya ni Jason ay hindi naman ito nakakatikim ng parusa mula sa kanila. Paano nga naman kasi parurusahan ng mga ito ang isa sa pinakapaborito nilang estudyante? Si Jason kasi ay ang isa sa pinakaipinagmamalaking estudyante ng kanilang eskuwelahan. Paano’y panlaban itong madalas pagdating sa larangan ng pakikipagtalasan ng utak. Bukod doon ay miyembro din ito at panlaban sa sports lalo na sa larong basketball kung saan tumatayo ito bilang kapitan ng kanilang koponan. Alam niyang wala siyang laban sa binata.
Dahil sa isiping iyon ay nakasimangot si Jessica sa buong oras ng kanilang klase. Gusto niyang maiyak sa kaniyang kalagayan. Wala naman siyang matandaang ginawang masama sa binata kaya bakit ba ganito ito sa kaniya?
Oras ng recess. Walang ganang kumain si Jessica nang mga sandaling iyon kaya naman pumangalumbaba na lamang siya. Nakapatong ang kaniyang siko sa armrest ng kaniyang upuan nang bigla na lamang may maglapag doon ng isang inumin na may kasama pang pagkain.
“O, kainin mo. Hindi ka nagpupunta sa canteen, e. Kawawa ka naman. Wala kang baon,” anang isang pamilyar na tinig sa kaniyang harapan. Nang tingalain ni Jessica kung sino iyon ay agad na tumambad sa kaniya ang nakangising mukha ng pinakakinaiinisan niyang kaeskuwela… si Jason!
“Ikaw na naman?!” Inis na naipaikot ni Jessica ang kaniyang mata at akmang iiwasan ang binata nang bigla siya nitong pigilin sa kaniyang braso.
“Joke lang. Kainin mo na ’to. Hindi na kita aasarin,” seryosong sabi nito sa kaniya.
“Baka may inilagay ka diyan na kung ano. Pagtatawanan mo na naman ako, kaya huwag na lang!” pagtanggi naman niya. Akma na naman siyang aalis ngunit muli lamang siyang pinigilan ng binata.
“Sorry na talaga. Wala akong inilagay diyan. Peace offering ko ’yan sa ’yo,” paliwanag pa nito pero hindi pa rin kumbinsido si Jessica.
“Bakit ba ayaw mong maniwala?!” medyo iritado na tuloy na tanong ulit sa kaniya ni Jason.
“Paano ako maniniwala sa kagaya mo? E halos araw-araw mo na lang yata akong pinagti-trip-an kahit wala naman akong ginagawa sa ’yo, a! Inaano ba kita?” ganting bulyaw naman ni Jessica sa kausap. Lingid sa kanilang kaalaman ay pinagtitinginan na pala sila ng iba pang estudyante dahil sa kanilang pagbabangayan.
“Alam mo, hindi ko maintindihan kung bakit ganiyan ka sa akin, e. Hindi mo ba alam na kapag ang lalaki, lagi raw inaasar ang babae, ibig sabihin, crush niya ito?!” wala sa loob pang naidagdag ni Jessica.
“Alam ko…” biglang sagot naman ni Jason. “kaya nga kita inaasar, e!” dugtong pa nito. Pagkatapos noon ay napayuko ito sa hiya.
Hindi naman naiwasan ni Jessica na pamulahan ng mukha sa kaniyang narinig. May gusto sa kaniya si Jason?! Hindi siya makapaniwala!
Matapos ang pangyayaring iyon ay tuluyan nang umamin ang binata na gusto nga siya nito. Noong una ay ayaw pang maniwala ni Jessica sa mga sinasabi nito ngunit habang tumatagal ay talagang pinatutunayan sa kaniya ng binata ang nararamdaman nito para sa kaniya. Hanggang sa sila ay magtapos na ng highschool ay patuloy pa rin siyang sinuyo nito kaya naman kalaunan ay nahulog na rin ang loob ni Jessica sa binata. Ngayon, ang dating kaaway niya ay kaniya nang asawa. Ito pala ang taong itinakda para makasama niya habang buhay.