Dinig na dinig hanggang sa kanto ng kanilang compound ang hagalpakan ng mga kabataang nakaistambay sa tapat ng bahay nina Bitoy. Nasa gitna na naman kasi ng kumpulang iyon ang binatilyo dahil mayroon na naman siyang mga jokes na naisulat kagabi bago siya matulog.
Kilala si Bitoy sa lugar nilang iyon bilang isang palabiro at masayahing binata. Palagi siyang taya sa bawat kuwentuhan nilang magbabarkada dahil bentang-benta talaga ang kaniyang mga pagpapatawa. Minsan nga, kahit ilang matatanda na napapadaan lamang sa kanilang harapan ay nakikiusyoso at nakikinig sa kaniyang mga kuwelang kuwento. Talagang napapahinto sila sa kanilang husay sa larangang ito.
Maraming kaibigan si Bitoy. Salat man sa yaman at pamilya, bawing-bawi naman siya sa kaniyang mga tunay na kaibigan na talaga namang suportado ang kaniyang pagpapatawa. Ganoon din ng kaniyang ama na siya niyang nag-iisang kaanak na namulatan.
Sa tuwina ay palagi siyang ibini-video ng mga kaibigan upang sa bawat pagtatapos ng kanilang kuwentuhan ay mayroon silang souvenirs na maaaring balikan. Minsan kasi, kapag sila ay nalulungkot, ang mga kuwelang jokes at kuwento ni Bitoy ang kanilang ginagawang sandalan. Minsan ay naisipan ng isa sa kanila na tanungin si Bitoy.
“Okay lang ba sa ’yo na i-upload ko sa Facebook ang video mo? Si mama kasi, nasa abroad. Palagi raw siyang nalulungkot doon kaya madalas siyang manood ng mga nauuso ngayong comedy skit. Malay mo, kapag in-upload natin ’yong sa ’yo, makilala ka rin? Ang husay-husay mo pa namang magpatawa,” sabi ng kaibiga niyang si Angelica na isa sa pinakamasusugid niyang tagapanood. Isa rin ito sa pinakamalakas kung humagalpak sa kaniyang mga jokes.
“O sige, walang problema. Kayo ang bahala,” pagbibigay naman ni Bitoy ng permiso sa mga ito.
Ilang oras pa lang ang nakakalipas simula nang i-upload nga ni Angelica ang ilang videos ni Bitoy na nasa kanilang pangangalaga, ay kabigla-biglang umabot agad sa milyon ang mga nakapanuod nito! Libo-libo rin ang shares, comments at reactions sa naturang post at talaga namang labis na natuwa si Angelica dahil dito!
Humahangos na nagtungo ang dalaga sa bahay ng kaniyang kaibigan upang ibalita ang magandang pangyayari na maaaring magbukas ng iba’t ibang oportunidad kay Bitoy kung ito ay magtutuloy-tuloy. Dahil doon, napagdesisyunan ng magbabarkada na bumuo ng isang page sa Facebook at isang YouTube channel kung saan nila balak i-upload ang mga dating videos at mga susunod pang videos ni Bitoy.
“Bitoy, Bitoy! Tingnan mo! Ang daming nanunuod ng video mo na in-upload ko sa social media! Sikat na sikat ka na!” bulalas ni Angelica noon, hindi pa man tuluyang nakalalabas ng kanilang bahay si Bitoy.
“Seryoso ka ba riyan sa sinasabi mo, Ange? Baka niloloko mo ako, ha?” tila may pagdududang tanong naman dito ni Bitoy. Hindi kasi siya makapaniwalang mabilis ngang magugustuhan ng tao ang kaniyang mga biro na kadalasan ay galing lang naman sa madalas niyang nakikita na nangyayari sa paligid.
“Hindi! Halika, tingnan mo ang mga comments, napakaraming taong natutuwa sa ’yo! Ang galing-galing mo raw, sabi nila!”
Unti-unti, lumaki nang lumaki ang bilang ng mga masusugid na tagapanuod ng kuwelang binatilyo na dati ay pawang mga kaibigan lamang niya at mga kabarangay. Ngayon ay napapanuod na si Bitoy ng halos lahat ng mga Pilipino, maging sa ibang bansa!
Dahil doon ay inulan din ng pagkadami-raming oportunidad ang binata katulad na lang ng mga guesting sa ilang programa sa radyo at telebisyon. Kinukuha na rin siya ng ilang may-ari ng kumpanya bilang endorsers ng kanilang mga ibinibentang produkto!
Mataas na nga halos ang narating ni Bitoy kung tutuusin. Bukod doon ay kumikita na rin siya nang malaki at natutulungan na niya ang kaniyang ama sa mga gastusin nila sa araw-araw. Ganoon pa man, kailan man ay hindi nakalimot si Bitoy sa kaniyang mga kaibigang unang sumuporta at patuloy pa ring sumusuporta sa kaniya ngayon. Kasama ang mga ito sa kaniyang pag-angat. Kung noon, sila ay pawang mga tagapalakpak lamang ng komedyanteng binata, ngayon ay palagi na rin silang tampok sa kaniyag mga kuwento. Napakahusay ng magbabarkadang ito na sa kabila ng kasikatan ay hindi nagkaroon ng lamat ang pagkakaibigan.
Lalong minahal ng mga tao ang kuwelang binatilyo sa paglipas pa nga ng panahon. Binago ng kaniyang talento ang buhay niya at ganoon din ang kaniyang mga kabarkada.