Inday TrendingInday Trending
Sinubukan ng Dalagang Imbitahan ang mga Batang Naglalaro sa Lansangan na Pumunta sa Kaniyang Bahay Dahil Kaarawan Niya; Sumama Kaya Sila Gayong Hindi Siya Kilala ng mga Bata?

Sinubukan ng Dalagang Imbitahan ang mga Batang Naglalaro sa Lansangan na Pumunta sa Kaniyang Bahay Dahil Kaarawan Niya; Sumama Kaya Sila Gayong Hindi Siya Kilala ng mga Bata?

Alas sais pa lang ng umaga’y nakahanda na si Loraine para sa kaniyang araw-araw na ehersisyo. Plano niyang tumakbo ngayon mula sa kaniyang bahay hanggang sa labas ng subdivision nila.

Habang tumatakbo si Loriane ay napansin siya ang mga kabataang naglalaro sa kalsada. Tiningnan niya ang relong pambisig at nakita niyang mag-aalas otso na… isang oras na rin pala mahigit siyang tumatakbo. Umaga pa lang ay abala na sa paglalaro ang mga kabataan sa labas ng kanilang subdivision.

Iba’t ibang laro ang nilalaro ng mga ito, may naghahabulan, patintero, may luksong baka at marami pang iba. Dahil sa sayang makita ang mga itong naglalaro sa lansangan, imbes ma manatili sa bahay at kaharapin ang kahit anong gadgets ay nilapitan niya ang mga batang naglalaro ng patintero upang kausapin.

“Gusto niyong maligo sa swimming pool?” nakangiting tanong ni Loraine.

Nakita pa niya sa mga mukha ng mga bata ang pag-aalangan. Kaya lalong lumapad ang ngiti niya, sapagkat naiintindihan niya ang mga ito. Mahirap ng magtiwala sa panahon ngayon, maraming masasamang tao ang nambibiktima ng mga inosente— at hindi naman siya masamang tao.

“Ahh, hindi ako masamang tao, kids,” aniya. “Natutuwa lang akong makita kayo. Ang totoo niyan ay kaarawan ko ngayon. Saktong nakita ko kayo ritong naglalaro at naalala ko ang kabataan ko, kaya naisip ko kayong ayain. Malapit lang naman rito ang bahay namin, kung gusto niyo lang namang maligo sa swimming pool at samahan ako sa birthday ko,” paliwanag ni Loraine sa mga bata.

Mayroong ibang agad na gumuhit ang pananabik sa kaniyang sinabi at may iba naman tila nagdududa pa rin sa kaniyang motibo. Totoong kaarawan niya ngayong araw, pero wala talaga siyang balak na ipagdiwang ang kaarawan niya kanina— hanggang sa nakita niya ang mga kabataang ito.

Upang mawala ang pagdududa ng mga bata at maniwalang wala siyang masamang binabalak sa mga ito’y nagpasama siya sa kagawad ng Barangay nila, upang may magbantay na rin sa mga bata habang naliligo sa swimming pool niya.

May mangilan-ngilan na sumama, may iba namang ayaw sumama sapagkat nagdududa pa rin sa kaniyang motibo.

Umorder siya ng maraming pagkain, para kapag nakaramdam ng gutom ang mga bata’y may makakain ang mga ito. Ito ang unang beses na gaganapin niya ang araw ng kaniyang kaarawan kasama ang mga batang hindi niya kilala, pero nagdudulot sa kaniya ng walang kapantay na saya.

Maya-maya ay nilapitan siya ni Kagawad Melody, isa sa mga kagawad na sumama sa kanila.

“Happy birthday po, Ma’am Loraine,” bati nito.

Agad namang sumilay ang ngiti sa labi ni Loraine. “Salamat, Kagawad.”

“Mabuti at naisip niyo pong imbetahan ang mga bata rito sa bahay niyo ma’am. Sa totoo lang kanina’y pinagdudahan namin ang totoo mong motibo, pasensiya ka na po. Alam niyo naman na marami ng modus ang nangyayari sa’tin ngayon, kaya hindi maipagkakailang napakahirap ng magtiwala ngayon,” anito.

“Naiintindihan ko kagawad, isa rin iyan sa dahilan kaya nakiusap akong samahan niyo ang mga bata para mawala sa isip nila ang takot at pagdududa,” tumatango-tangong wika ni Loraine. “Ang totoo kasi niyan ay kagaya nila ako noong ako’y bata pa.

Pinangarap ko noon na sana maranasan ko ring maligo sa sosyal na paliguan, sa madaling salita’y pinangarap ko lang rin noong ako’y bata pa ang ganitong buhay. Bumalik ang alaala ng akong kabataan nang makita ko silang masayang naglalaro… malapad ang ngiti sa mga labi nila na alam mong wala talaga silang iniisip na problema.

Namiss ko bigla ang kabataan ko’t inisip na sana nanatili na lang akong bata at hindi na lumaki pa,” nakangiting wika ni Loraine, habang nakatitig sa mga batang masayang naglalaro sa kaniyang pool.

“Kahit sino naman talaga ma’am ay iyon ang isa sa mga pangarap na balikan,” sang-ayon ni Melody.

“Isa ito sa pinakamasayang kaarawan na nangyari sa buong buhay ko. Simple pero talagang nakakataba ng puso,” nakangiting wika ni Loraine. Masayang-masaya ang kaniyang pakiramdam ngayon.

Mula noong araw na iyon ay palagi na niyang iniimbitahan ang mga bata na pumunta sa bahay niya lalo na kapag wala siyang trabaho o hindi siya abala. Minsan ay tinuturuan niya ang mga ito, minsan naman ay tinutulungan siya ng mga batang magtanim ng mga halaman at siyempre… hindi mawawala ang pagligo ng mga ito sa swimming pool niya at ang walang sawang pagkain na binibili niya para sa mga ito.

Minsan, simpleng bagay lamang ang kailangan natin upang labis na sumaya.

Advertisement