Sinamantala ng Manunulat na Ito ang Kaniyang Kasikatan; Ginamit Niya Ito Upang Makalikom ng Malaking Pera para sa Kaniyang Sarili
Sikat na sikat ngayon ang kwento ng isang manunulat. Napakarami kasing mambabasa ng kaniyang kwentong naka-post sa isang writing and reading platform kaya naman halos pag-agawan siya ng mga publishing company upang mailathala bilang isang physical book ang kaniyang nobela.
Dahil doon ay agad na sinunggaban ng manunulat ang naturang oportunidad. Pumirma siya ng kontrata sa publishing company na siyang may pinakamagandang offer sa kaniya. Agad na naproseso ang paglalathala ng kaniyang libro na talaga namang inabangan at tinutukan ng kaniyang mga readers o kung tawagin niya ay fans.
“Sinasabi ko na nga ba at makakamit ko agad ang tagumpay sa isang iglap lang.” Nakaharap ang mahusay na manunulat na si Geneviv sa salamin at kinakausap ang kaniyang sarili. Nakataas ang kaniyang noo. Kasing taas ng tingin niya sa kaniyang sarili ngayon.
Totoo ngang mahusay na manunulat si Geneviv. Maganda ang kaniyang mga ideya at ang mismong nilalaman ng kaniyang nobela. Ngunit ang hindi alam ng karamihan ay may itinatago si Geneviv…
Ang kwentong kaniyang inilathala sa naturang reading and writing platform ay ideya talaga ng kaniyang namayapang pinsan. Hindi siya ang may-ari ng kwentong iyon. Nagkataon lamang na pareho sila ng hilig ng kaniyang namayapang pinsan at nakita niya ang diary nito kaya naman sinimulan niyang isulat ang isang ideyang naroroon sa naturan nitong diary.
Pagkatapos noon ay talagang pumatok sa madla ang kaniyang nobela at iyon na ang pag-uumpisa ng pagbabago sa kaniyang pag-uugali na imbes na gumanda ay tila lalong naging malala.
Naging mayabang si Geneviv. Nawalan siya ng respeto sa kaniyang mga magulang at ilang kaanak dahil ipinagmamalaki niyang kumikita na siya nang malaki sa kaniyang ginagawa.
Isang araw ay nag-email sa kaniya ang kaniyang editor na mula sa naturang publishing house kung saan siya pumirma ng kontrata. Sinabi nito na plano nilang taasan ang presyo ng kaniyang libro dahil nga ngayon ay in demand iyon sa bentahan.
Nang malaman ni Geneviv na mas malaki ang makukuha niyang royalty o parte sa ganoong paraan ay agad niyang sinunggaban ang kontrata. Bukod pa iyon sa makukuha niya ang kaniyang libreng personal coppies na binabalak niya pang ibenta nang mas mahal sa presyo nito!
Natupad ang kaniyang plano. Kahit mahal ang libro ay talaga namang pinilahan at binili iyon ng mga mambabasa. Bukod pa roon ay isinakatuparan ni Geneviv ang kaniyang planong ibenta ang kaniyang mga personal coppies sa mas mahal pa ulit na presyo para sa pera! Hindi pa roon nagtapos ang kaniyang pagiging sakim dahil kahit na nga nakapirma na siya ng kontrata sa isang publishing company ay pinili niyang magpaimprenta pa ulit ng mga kopya ng kaniyang libro upang ipagpatuloy ang pagbebenta pa niyon sa mas mahal na mga presyo!
Talagang naging sakim ang babae at hindi niya naisip na may kaakibat na parusa ang bawat kasalanang nagagawa ng tao. Nakarating ang impormasyon ng ginawa niya sa management ng kanilang publishing company. Agad siyang kinontak ng mga ito at sinabing sasampahan nila siya ng kaso dahil kasama sa pinirmahan niyang kontrata na hindi siya maaaring magpaimprenta ng kopya ng kwentong iyon dahil nabayaran na siya ng publishing company. Bukod doon ay napakamahal din ng benta niya sa kaniyang libro, gayong ang karamihan sa kaniyang mga mambabasa ay mga estudyante pa!
Maraming mga magulang ang nagreklamo sa kaniyang naging sistema nang ito ay makarating sa kanila kaya naman nagsunod-sunod pang lalo ang problema ni Geneviv.
Dahil kumalat na ang issue na ito sa buong social media ay marami sa kaniyang mga fans at mambabasa ang itinigil na ang pag-iidolo sa kaniya. Lumipat sila sa ibang may mas magagandang ugali at marunong magkonsidera ng iba.
Dahil sa kasakiman ni Geneviv ay talagang bumagsak nang tuluyan ang kaniyang carreer. Kung gaano siya kabilis umusbong ay ganoon din siya kabilis bumulusok paibaba.
Napagtanto ni Geneviv na ang kaniyang mga ginawa ay masama at talagang napakamakasarili. Masiyado niyang pinahalagahan ang pera kaysa sa kaniyang reputasyon. Ngayon, ang kinita niya sa kaniyang panlalamang sa kapwa ay kulang pa upang bayaran ang lahat ng parusang hinihingi sa kaniya. Hindi na niya alam kung ano ang gagawin bukod pa sa nakatatanggap siya ngayon ng napakaraming hate speech mula sa mga taong noon ay umiidolo sa kaniya. Iba talaga kapag ang karma ang siyang naningil.