Inday TrendingInday Trending
Nakakakita ng Multo ang Babae Kaya Noon ay Nakaranas Siya ng Pang-aapi; Tagumpay Pala ang Hatid Nito sa Kaniya

Nakakakita ng Multo ang Babae Kaya Noon ay Nakaranas Siya ng Pang-aapi; Tagumpay Pala ang Hatid Nito sa Kaniya

Noong bata pa si Melinda ay madalas na itong makakita ng mga bagay na hindi nakikita ng normal na mga mata ng isang tao. Nakakakita raw kasi siya ng mga multo. Dahil doon ay talaga namang nilayuan siya ng marami sa kaniyang mga kakilala sa mahabang panahon hanggang sa naisip na lamang ni Melinda na itago ang kaniyang munting kakayahan hanggang sa siya ay magdalaga.

Sa patuloy na pagmoderno ng panahon at technolohiya ay naging patok sa mga tao ang panonood ng videos sa iba’t ibang social media platform. Isa si Melinda sa mga taong nahilig gumamit noon dahil nga wala naman siyang gaanong kaibigan.

Nakalilibang ang paggamit ng social media kaya naman talagang nakatatanggal ng inip iyon lalo na sa buhay ni Melinda na madalas ay tanging ang kinalakihang lolo at lola lamang ang kasama. Isang pagkakataon habang patuloy na nags-scroll ng iba’t ibang videos na pwedeng panoorin si Melinda ay nakakita siya ng isang taong nagkukuwento ng tungkol daw sa mga nakakatawa nitong karanasan sa buhay.

Biglang napaisip si Melinda… “Bakit kaya hindi ko subukan ang gan’on? Bakit hindi ko subukang magbahagi rin ng sarili kong kwento sa iba gamit ang social media?” tanong pa niya sa kaniyang sarili nang mga sandaling iyon.

Dahil doon ay nagkaroon si Melinda ng ideya upang kahit papaano ay maikwento niya sa iba ang kaniyang mga karanasan nang hindi nakatatanggap ng masasakit na salita, lalo pa at wala naman siyang balak ipaalam na sariling kuwentong buhay niya ang kaniyang mga sasabihin.

Tinupad ni Melinda ang kaniyang plano. Nag-umpisa siya sa pagkakaroon ng isang video kung saan kinukuhanan niya ang kaniyang sarili habang nagkukuwento ng isang karanasang aniya’y tungkol sa tunay na pangyayari sa buhay ng kaniyang kakilala. Ayaw na niyang sabihin sa iba na sarili niya ang tinutukoy niya roon upang iwasang makatanggap ng direktang akusasyong siya ay nagsisinungaling lang.

Nagulat si Melinda dahil sa maiksing panahon ay nakahakot kaagad siya ng napakaraming viewers at followers na nakikinig sa iisang video na ’yon at karamihan sa mga ito ay nanghihingi ng isa pa muling kwento.

Kung tawagin si Melinda ay Modern Lola Basyang dahil na rin sa kaniyang kakaiba ngunit napakainteresanteng contents.

Hindi akalain ni Melinda na dahil sa ginagawa niyang ito ay kikita pala siya nang malaki. Ang buong akala niya ay gagawin lamang naman niya itong libangan ngunit talaga palang binabayaran ng platform ang mga katulad niyang content creator.

Namayagpag ang kaniyang channel kaya naman lalong nagkaroon si Melinda ng motibasyong magpatuloy sa kaniyang ginagawa. Nagsimula siyang magkaroon ng pagtanggap mula sa ibang tao na kahit kailan sa kaniyang tamang buhay ay hindi niya nakamit.

Nakatulong din si Melinda sa kaniyang lolo at lola dahil naging malaki ang kita niya sa kaniyang napiling career. Bukod doon ay naging matalino rin siya sa pag-iisip na kailangan niyang ingatan ang perang kaniyang kinikita upang kahit papaano ay magkaroon siya ng ibang pagkakaabalahan kaya naman nag-umpisa na rin siyang magtayo ng sariling negosyo na mabilis ding pumatok dahil sa kaniyang dami ng tagasuporta.

Hindi akalain ni Melinda na ang dahilan kung bakit lumaki siya noon nang malungkot ay siya palang magiging dahilan din ng pag-angat niya ng kaniyang buhay. Dahil doon ay unti-unting natanggap ng babae ang kaniyang regalo na noon ay sumpa kung kaniyang ituring.

Sa kalagitnaan ng kaniyang kasikatan, doon naisip ni Melinda na kailangan niyang magpakatotoo sa mga taong sumusuporta sa kaniya. Kaya naman nang tuluyan na niyang natanggap ang kaniyang sariling kakayahan ay inihanda niya ang kaniyang sarili upang aminin sa publiko na ang karamihan sa mga kuwentong kaniyang itinampok ay mula sa kaniya mismong mga karanasan sa buhay noon.

“Masaya ako at hanga sa tapang mo. Idol pa rin kita!”

“Tanggap ka namin kahit ano ka pa. Ipagpatuloy lamang po ninyo ang pagkukuwento sa amin.”

“Isa ako sa mga taong kagaya mo, Melinda. Matagal na akong naghahanap ng mga makakaintindi sa akin kaya naman nagpapasalamat akong dumating ka!”

Ilan lamang ang mga iyon sa mga taong tumanggap sa kaniya matapos niyang umamin sa mga ito tungkol sa kaniyang pagkatao. Siyempre, hindi maiiwasang may ibang tao na magkomento ng negatibo at masama tungkol sa kaniya lalo na at hindi iyon sang-ayon sa kanilang mga paniniwala ngunit mas matapang nang humarap ngayon sa mga ganoon si Melinda.

Advertisement