
Alak ang Naging Karamay ng Binata nang Makipaghiwalay sa Kaniya ang Nobya; Simpleng Payo ng Kapatid ang Gumising sa Kaniya Upang Bumangon at Magtagumpay sa Buhay
Ilang araw nang nag-iinom si Jerick dahil sa sakit na nararamdaman ng kaniyang puso. Wala siyang ganang magtrabaho, walang ganang gumalaw. Ang tanging nais na lamang niya’y humilata buong maghapon at umiyak nang umiyak.
“Ano Jerick, ganiyan na lang ba ang gagawin mo sa buhay mo ha?!” inis na wika ng kaniyang Ate Cecilia. “Hindi por que iniwan ka ng malandi at ambisyosa mong nobya’y katapusan na ng mundo, Jerick! Kung ayaw niya sa’yo, pwes! Patunayan mo sa kaniyang hindi siya kawalan!” gigil na wika pa nito.
Nakipaghiwalay si Karen sa kaniya dahil lamang sa ibinigay niyang damit. Ang babaw ng dahilan nito. Mas gusto kasi nitong bigyan niya ito ng pumpon ng rosas at isang malaking Teddy Bear sa araw ng kanilang anibersaryo.
Kaso kapos talaga siya’t maraming bayarin sa bahay nila kaya imbes na sundin ang gusto ng nobya’y ibinili na lamang niya ito ng damit na labis ikinagalit nito, na nauwi sa hiwalayan.
“Ang babaw lang kasi ate e,” tumatangis na sumbong ni Jerick sa kapatid. “Hindi ba niya pwedeng intindihin ang sitwasyon ko? Alangan naman unahin ko ang luho niya kaysa sa bayarin natin dito sa bahay?”
“Ayoko namang makitang namo-mroblema si mama, kaya mas inuna ko ang sa pamilya natin. Marami pa namang dadaan na anibersaryo, pero bakit nakipaghiwalay siya kaagad sa’kin,” dugtong niya na mas lalong humagulhol ng iyak.
“Ibig sabihin lang no’n, Jerick, ay hindi si Karen, ang babaeng nararapat para sa’yo,” walang gatol na wika ni Cecilia. “Gusto mo bang makapag-asawa ng babaeng kagaya niya? Sus! Sinasabi ko na sa’yo, Jerick. Mabubutas bulsa mo sa gano’ng ugaling babae.”
Ngunit patuloy pa rin sa pag-iyak si Jerick. Damang-dama pa rin niya ang sakit sa puso niya. Kahit anong sabihin ng nakakarami’y mahal niya pa rin si Karen at sobra siyang nasaktan sa padalos-dalos nitong desisyon.
Tatlong taon lang naman ang itinapon ng nobya. Sinisikap naman niyang maging mabuting nobyo, tapos sa gano’n kababaw na dahilan lamang ay nakipaghiwalay na kaagad ito.
“Bumangon ka d’yan at pagsisihin si Karen, na pinakawalan ka niya. Mahirap lang ang pamilya natin Jerick, pero kahit gano’n ay mabubuti tayong tao. Kailanman ay walang inapakan ang pamilya natin, para lang masabing nakakaangat tayo.
Masipag ka at may pangarap sa buhay. Bagay na dapat mong ipagmalaki sa kahit sinoman. Ipakita mo sa ambisyosa mong nobya na magtatagumpay ka balang araw at pagsisisihan niya ang araw na pinakawalan ka niya,” ani Ate Cecilia, saka umalis sa kaniyang silid.
Tama ang kaniyang kapatid. Hindi pa rito nagtatapos ang buhay niya. Kung lalo niyang ilulugmok pailalim ang sarili’y mas lalo lamang niyang pinatunyan kay Karen na karapat-dapat lamang na nakipaghiwalay ito sa kaniya. Kailangan niyang bumangon at pagsisihin ito.
Makalipas ang dalawang taon mula noong araw na lugmok na lugmok si Jerick, ay meron na siya ngayong simple, pero matagumpay na Lechunan. Nabuo niya ang negosyong ito noong despirado siya sa pakikipaghiwalay ng nobyang si Karen.
Hilig niya talagang magluto at ito nga ang sinimulan niyang negosyo. Habang nagta-trabaho noon sa isang factory ay suma-side line si Jerick ng pagtitinda ng Lechon Manok, na sarili niyang gawa. Ang taga-bantay niya’y ang kaniyang sariling pamilya.
Nang madagdagan ang puhunan ay dinagdagan niya ang Lechon Manok ng Lechon Baboy, hanggang sa lumago ito at nakapagpatayo siya ng tatlong branch ng Lechon Manok at Baboy.
Malayo na ang buhay ni Jerick at ng pamilya niya dalawang taon ang nakakaraan. Ngayon ay nakakakain na sila ng kung anuman ang gusto nila. Mabibili na niya ang gusto niyang bilhin at nasusuportahan na niya ang kaniyang pamilya sa lahat ng pangangailangan nito.
“Balita ko’y nagpapapansin ulit sa’yo si Karen ah. Balak yata niyang magkaroon ng second chance ang pagmamahalan ninyong dalawa, Jerick. Ano sa palagay mo?” tukso ni Cecilia sa kapatid.
Agad namang umismid si Jerick at pahapyaw na ngumiti. “Naka-move on na ako ate. Masaya ako sa nangyayari ngayon sa buhay ko at ipinagpapasalamat ko iyon kay Karen. Kung hindi dahil sa kaniya’y hindi ako magpupursige sa buhay at baka hanggang ngayon ay naghihirap pa rin tayo.
Pero wala na akong balak na balikan ang naputol naming relasyon ate,” ani Jerick sabay buntong hininga. “Hindi ko kailangan ng babaeng mamahalin lamang ako dahil kaya kong ibigay ang nais niyang luho. Kumbaga ayokong mag-asawa ng babaeng mahal lang ako dahil may pera ako, ate.
Bata pa naman ako’t baka susuwertehin pa at makakahanap ng babaeng kaya akong mahalin sa pinakamahirap na sitwasyon ng buhay ko. Kumbaga babaeng kaya akong samahan kahit wala na akong pera,” aniya saka nilingon ang kapatid at niyakap. “Salamat sa paggising sa’kin noon, ate.”
“Asus! Maliit na bagay, Jerick,” ani Cecilia saka naghigikhikan sila ng tawang dalawa.
Ginawa ni Jerick na inspirasyon ang pakikipaghiwalay ni Karen sa kaniya, kaya nagtagumpay siya sa buhay. Isang malaking aral ang kaniyang natutunan sa pakikipaghiwalay ni Karen, gaano man kahalaga ang pera sa buhay ng tao’y mas mahalaga pa ring makahanap ka ng taong magmamahal sa’yo, may pera ka man o wala.

