Inday TrendingInday Trending
Nakasanayan na ng Asong Mangutang sa Suking Ihawan Kasama ang Amo Nito; Paano nga ba ito Natutong Mangutang?

Nakasanayan na ng Asong Mangutang sa Suking Ihawan Kasama ang Amo Nito; Paano nga ba ito Natutong Mangutang?

Naglalakad na pauwi si Mariam nang tawagin siya ni Aleng Sally, ang kapitbahay nilang nagtitinda ng ihawan.

“Mariam, gumawi kanina rito ang aso ninyong si Jackie,” masayang kausap ng ale sa kaniya.

Hindi naiwasan ni Mariam na magsalubong ang kilay sa sinabi ni Aleng Sally. “Talaga po ba, Aleng Sally?”

“Oo. Umutang rito ang aso niyong si Jackie,” nakangiting wika ni Aleng Sally. “Ayaw umalis kaya inihawan ko na lang ng apat na barbeque. Natatandaan ko kasing iyon ang paboritong ipaihaw ng Kuya Melvin mo noon sa aso niya. Pagkatapos niyang kainin ang ibinigay ko’y saka lamang siya umuwi sa bahay ninyo,” kwento nito na kita sa mukha ng ale ang tuwa sa aso niyang pasaway.

Agad namang natawa si Mariam at naglakad palapit sa ale upang bayaran ang inutang ng aso nilang si Jackie. “Salamat Aleng Sally, sa pagpapautang kay Jackie,” nakangiting wika ni Mariam sabay abot ng bayad.

“Ilang buwan din mula noong hindi na nagagawi rito si Jackie, Mariam. Kaya kanina no’ng narito siya’y nagulat ako. Naka-move on na kaya ang aso niyo sa pagkawala ng totoo niyang may-ari?” Ani Aleng Sally.

Si Jackie ang pinakamamahal na aso ng kaniyang Kuya Melvin, na pumanaw tatlong buwan na ang nakakalipas. Napagdiskitahan ito ng mga tulisan. Bukod sa mga gamit na kinuha ng mga magnanakaw ay kasamang kinuha ng mga tulisan ang buhay ng kuya niya.

Mula nang mawala ang Kuya Melvin niya’y naging malungkutin na ang asong si Jackie. Noon kasing nabubuhay pa ang kapatid ay kasa-kasama nitong bumili si Jackie sa ihawang ito.

“Namiss siguro ni Jackie si kuya, Aleng Sally, kaya naisipan niyang pumunta rito nang mag-isa,” nakangiti ngunit malungkot na tugon ni Mariam.

“Tunay nga talagang man’s bestfriend ang mga aso ‘no? Nakita ko kasi si Jackie noong nilalamayan hanggang sa nailibing si kuya mo na hindi umaalis sa tabi ng kabaong nito. Kaya nga ng makita ko siya kanina’y naisip kong baka natanggap na nito ang pagkawala ng amo niya,” ani Aleng Sally.

“Sana nga po, Aleng Sally, para bumalik na ang dating sigla ni Jackie. Mula kasi noong nama*tay ang Kuya Melvin ay naging malungkutin na si Jackie, para siyang biglang nagkasakit at nawalan ng ganang mabuhay no’ng nawala ang kuya.

Kaya no’ng sinabi mo kaninang nagawi rito si Jackie, ay halos hindi ako makapaniwala. Sana nga natanggap na niya ang katotohanan,” malungkot na wika ni Mariam.

Kahit sino sa pamilya niya’y labis na nalungkot noong nalaman nila ang trahedyang kinasangkutan ng kapatid. Halos lahat sila’y nahirapang tanggapin ang pagkawala nito.

Mahirap man ay sinikap ng pamilya nilang ituloy ang buhay. Sa kanilang lahat ay si Jackie ang nakitaan nilang mas nahirapang tanggapin ang lahat. Kaya sana nga’y naka-move on na rin ang kawawang aso.

“Nga pala, Aleng Sally. Kapag nagawi ulit rito si Jackie ay pautangin niyo lamang po ah. Singilin niyo na lamang po ako kung magkano ang nautang niya,” ani Mariam at nagpaalam na sa butihing ale.

Pagkauwi ng bahay ay agad niyang hinanap ang asong si Jackie. Gusto niyang makita ito agad at mayakap.

“Jackie, nangutang ka raw sa ihawan ni Aleng Sally? Ayos ka ah, marunong ka na pa lang mangutang ngayon,” kausap ni Mariam sa alagang alam naman niyang imposible siyang sagutin. “Namiss mo na ba si kuya?” tanong niya rito.

Agad namang tumahol si Jackie at malamyos na pinagalaw ang buntot. Iyon na lamang ang naging basehan ni Mariam sa pagsagot ng aso ng oo. Agad namang dumungaw ang luha sa mga mata ni Mariam. Halo-halong emosyon ang nag-uunahan ngayon sa puso niya.

“Hayaan mo. Dadalawin natin bukas ang puntod ni kuya ah, Jackie,” mangiyak-ngiyak na kausap ni Mariam. “Mahal na mahal ka ni kuya, Jackie. Kaya alam kong malulungkot iyon kapag nakita niyang nahihirapan tayo dahil sa pagkawala niya,” tumatangis na niyang wika. “Dadalawin natin si kuya ah, Jackie,” aniya na muli na namang tinugon nito ng kahol.

Kinabukasan nga’y kasama niya si Jackie sa pagdalaw sa puntod ng kaniyang Kuya Melvin. Pagkarating sa mismong puntod ay agad na naglakad si Jackie sa mismong lapida at humiga.

Hindi man mabigyang eksplinasyon ni Mariam ang kinikilos ng asong si Jackie, pero alam niyang alam ng asong si Jackie na puntod na iyon ng kaniyang kapatid. Ramdam niyang kagaya niya’y namimiss na rin nito ang Kuya Melvin niya.

“Kuya, namiss ka po namin ni Jackie, kaya nandito kami,” kausap ni Mariam sa kawalan sabay punas ng luhang sumilip sa kaniyang mga mata.

Walang kakayahan ang mga alaga nating aso upang sabihin ang nararamdaman nila. Pero sapat na ang nakikita niyang kinikilos nito upang masabing mahal na mahal ni Jackie ang namayapa nitong amo.

Advertisement