
Dahil sa Bagong Gitara ay Inakalang Nagnakaw ng Pera ang Isang Binata; Mapapahiya Sila Kapag Nalaman ang Katotohanan
“Pa, sige na po, ibili niyo na ako ng gitara. Gustung-gusto ko na po kasi talagang magkaroon ng sarili ko. Paano po ako matututo ng mahusay kung lagi lang ako nakikihiram?” saad ni Bryle sa kaniyang amang si Nestor.
“Kakabili ko lang sa iyo ng bisikleta. Sana ay iyong gitara na lang ang una mong ipinabili. Sa susunod na iyang gitara mo,” tugon naman ng ama.
“Sige na, pa. Huling hirit ko na po ito ng pagpapabili ko sa inyo. Gusto ko lang po talagang tumugtog ng gitara,” pakiusap muli ng binata.
Kahit ano ang pagpupumilit na gawin ni Byle ay hindi niya makumbinsi ang ama na bilhan siya. Kaya nakasimangot na lamang itong umakyat ng bahay patungo sa kaniyang silid.
“Bakit nakabusangot na naman ang mukha mo?” tanong ni Perla, Lola ni Bryle.
“Wala po, lola. Si papa kasi ayaw niya pa akong ibili ng gitara. Hindi naman po sobrang mahal ‘yung pinapabili ko sa kaniya. Ayaw pa. Kung ibang kapatid ko ang humiling niyan sa kaniya ay panigurado akong ibibigay niya kaagad,” nagtatampong sambit ng binata.
“Unawain mo na lang ang papa mo, apo. Baka mamaya ay wala pa siyang pera ngayon. Hayaan mo at bibilhan ka rin niya,” pahayag naman ng matanda.
Hindi maipinta ang mukha ni Bryle na nagtungo sa kaniyang silid.
Kinagabihan ay tinawag na siya ng kaniyang ina para sabay-sabay silang maghapunan.
“Bryle, tawagin mo na rin ang lola mo para makakain na,” wika ng ina ng binata na si Flor.
Pinuntahan ni Bryle ang lola sa silid nito at nakita nitong nagbibilang ito ng maraming pera.
“Ang dami niyo namang pera, lola. Sa inyo bang lahat ng iyan?” namamanghang tanong ni Bryle.
“Baka p’wede niyo naman akong bigyan para sa pambili ko ng gitara,” biro pa nito.
“Kung p’wede lang, apo. Pero pera ito ng kooperatiba namin. Ako kasi ang pinagkakatiwalaan na maghawak ng koleksyon ngayong buwan. Ibibigay ko rin ito sa opisina,” paliwanag ni Aling Perla sa apo.
“Kung ganyang kadami ang pera ko marahil ay binili ko na ang pinakamaganda at pinakagusto kong gitara,” saad muli ni Bryle.
“Siya nga pala, lola. Tara na raw po sa baba at kakain na,” paanyaya ng binata.
Isinilid ni Aling Perla ang pera sa kaniyang bag at saka sumama sa kaniyang apo para sabay na silang bumaba upang kumain.
Sa hapagkainan ay sinita ni Nestor kung bakit ang tagal ng mag-lola na bumaba.
“Tinapos ko pa kasi ang pagbibilang ng pera ng kooperatiba,” tugon ng matanda.
“‘Nay, nasa inyo pa rin ba ang perang iyan. Hindi ako pabor na kayo ang humahawak ng pera sa kooperatiba. Paano kung may makatunog na isang matandang katulad niyo ang naghahawak nito at malagay pa kayo sa alanganin,” pagtutol ni Nestor.
“Hindi naman siguro. Saka ibabalik ko na rin naman ang perang iyon sa katapusan. Nasa bag ko lang naman na nasa silid ang pera at hindi ko palaging dala-dala,” wika ni Aling Perla.
Maya-maya ay humirit na naman si Bryle sa kaniyang ama na bilhan siya ng gitara ngunit hindi pa rin ito pumayag.
“Sumusobra ka na sa gastos, Bryle. Kung gusto mo talaga ng gitara ay gawan mo ng paraan. Hindi ‘yung akala mo ay pinupulot ko lang ang pera,” naiinis nitong sambit.
Makalipas ang dalawang linggo ay narinig na lamang ng mag-asawa na nagsisisigaw si Aling Petra sa silid niyo. Dali-daling nagtungo si Nestor upang tingnan ang nangyari sa ina.
“Ano pong nangyari, ‘nay?” natatarantang tanong ng ginoo.
“Nawawala ang pera ng kooperatiba. Dito ko lang inilagay iyon sa bag ko. Ngayon ay wala na! Napakalaking halaga nun, Nestor! Anong gagawin ko?!” napaiyak na si Aling Perla sa kaba.
“Sandali lamang po at kumalma kayo. Hanapin nating mabuti! Baka mamaya ay naitabi niyo lang kung saan,” wika pa ng anak.
Maya-maya ay dumating na si Bryle bitbit ang isang bagong gitara.
“Apo, ikaw lang ang nakakaalam kung saan ko inilagay ang pera ng kooperatiba. Aminin mo na kung ikaw ang kumuha nito. Ibalik mo na ito sa akin,” saad ng lola.
“Bryle, ikaw ang kumuhang pera na itinatabi ng lola mo?” kumpronta ni Nestor sa anak.
“Sandali lang po, hindi po ako ang kumuha ng pera,” pagpapaliwanag ni Bryle.
“Umamin ka na! Paano mong mabibili ang gitara na iyan. Saka ikaw lang naman ang nakakaalam ng lalagyanan ko, apo. Parang awa mo na ibalik mo na ang pera,” saad pa ng lola.
Napaiyak na lamang ang binata dahil sa pagbibintang na ginagawa sa kaniya.
“Kahit anong sabihin niyo ay hindi ako ang kumuha ng pera. Malinis ang konsensiya ko!” wika nito sabay takbo patungong silid.
“Nestor, pilitin mo ang anak mo na ilabas ang pera. Kung hindi ay kailangan mo itong bayaran. Limampung libong piso ang lahat ng iyon,” saad ng matanda.
Maya-maya ay hindi na nakatiis pa ang nanay ni Bryle at nagsalita na sa asawa at nanay nito.
“Bakit tila siguradong-sigurado na kayo na si Bryle ang kumuha ng pera? Ni hindi niyo man lang pinagpaliwanag ang bata. Nestor, pati ba naman ikaw ay pinag-iisipan mo ng masama ang anak natin. Hindi natin pinalaking magnanakaw ang mga iyan!” naiinis na wika ni Flor.
“Ako ang hahanap ng pera sa silid ng nanay at kapag nakita ko ito ay kailangan niyong humingi ng tawad kay Bryle,” naiinis na sambit pa ng ginang.
Sa kaniyang paghahalughog ay bigla na lamang nakita ni Flor ang pera ni Aling Perla na nakasilid sa ibang bag.
“Ito po ba ang hinahanap niyo? Narito lamang sa isang bag niyo, ‘nay. Ngayon ay napatunayan na natin na hindi si Bryle ang kumuha ng pera. Humingi kayo ng kapatawaran sa kaniya sa pagbibintang ninyo,” mariing sambit ng maybahay.
Laking gulat ni Aling Perla at Nestor na natagpuan ni Flor ang nasabing pera ng kooperatiba. Hiyang-hiya silang nagtungo sa silid ni Bryle upang humingi ng dispensa.
“Bryle, pasensiya na kung napagbintangan ka namin. Nakita na ng mama mo ang perang hinahanap,” saad ni Nestor sa anak.
“Pasensiya ka na, apo. Hindi na kasi ako makapag-isip ng maayos lalo na nang makita kong may bago kang gitara. Saan ba galing ang bagong gitara mo, apo?” tanong naman ni Aling Perla.
“Inipon ko po mula sa baon ko. Ang kulang naman po ay hiniram ko sa kaibigan ko at babayaran ko araw-araw,” sagot ni Bryle.
“Pinapatawad ko na po kayo. Sumama lang po talaga ang loob ko dahil bakit niyo iisipin na kaya kong kumuha ng pag-aari ng iba. Hindi po ako ganoong tao. Hinding-hindi ko po kayang magnakaw,” malungkot nitong wika.
Nagsisisi si Aling Perla at Mang Nestor sa pagbibintang sa apo. Lalo na nang hindi nila ito hinayaang magpaliwanag at kaagad na nahusgahan. Mabuti na lamang din at nariyan si Flor na matiyagang naghanap dahil tiwala siyang hindi kailanman magagawa ng anak na magnakaw.

Ipinamumukha ng Isang Kapitbahay ang Kabiguan ng Isang Ginang na Mapaaral ang Anak; Natameme Siya nang Makita ang Kinahitnatnan ng Anak Nito
