Inday TrendingInday Trending
Ipinamumukha ng Isang Kapitbahay ang Kabiguan ng Isang Ginang na Mapaaral ang Anak; Natameme Siya nang Makita ang Kinahitnatnan ng Anak Nito

Ipinamumukha ng Isang Kapitbahay ang Kabiguan ng Isang Ginang na Mapaaral ang Anak; Natameme Siya nang Makita ang Kinahitnatnan ng Anak Nito

“Hindi na pala nakatapos ng pag-aaral iyang anak mo, Loida. Sayang naman at hindi ba’y magkasabayan sila ng anak kong si Patricia. Tingnan mo ang anak ko, isang accountant na sa bangko,” pagmamalaki ng kapitbahay na si Aling Hilda.

“Kaya nga, e. Pero hindi na talaga kasi namin kayang suportahan ng asawa ko ang pag-aaral sa kolehiyo ni Karen kaya kailangang tumigil na muna siya. Simula kasi ng magkasakit ang asawa ko ay tumutulong na ang anak ko sa paghahanapbuhay,” nahihiyang tugon ni Aling Loida.

“Iba pa rin kasi ang may tinapos sa pag-aaral. Tingnan mo at isang tindera lang siya sa Divisoria. Magkano lang ang kinikita niya roon? Hay, buti na lang at mas masikap ang anak ko kaya nakatapos siya at mas maganda ang trabahong nakuha niya. Pero hindi ko hahayaan na magtinda lang ang anak ko,” pangmamaliit pa ni Aling Hilda.

“Ang sakit mo namang magsalita, Hilda. Wala namang masama sa trabaho ng anak ko,” sambit naman ng ginang.

“Ang sinsabi ko lang naman Loida na tungkulin nating mga magulang ang paaralin ang mga anak natin. Kung hindi ay tingnan mo ang kakahinatnan sa buhay — magtitinda lang,” sambit muli ng kaptibahay.

Palaging ikinukumpara ni Aling Hilda ang kaniyang anak sa anak ng kaniyang kapitbahay na si Patricia. Noong nag-aaral pa kasi ang mga ito ay laging nag-uunahan sa karangalan ang mga anak. Ngunit hindi naman masyado itong pinapansin ni Aling Loida. Para sa kaniya ay sapat na ang kakayahan ng kaniyang anak.

Ngunit nang magkolehiyo ang mga ito ay kinailangan ngang tumigil ni Karen sa pag-aaral upang makatulong sa pamilya. Dahil nga hayskul lamang ang tinapos nito ay napilitan itong pumasok bilang tindera sa Divisoria. Hindi naman ikinahihiya ni Aling Loida ang trabaho ng anak sapagkat malaki ang naitutulong nito sa kanila.

Ngunit labis ang pangmamata ni Aling Hilda rito. Hindi na lamang makasagot si Aling Loida dahil nakakaramdam din siya sa pagkabigo bilang isang magulang dahil hindi niya napag-aral ang anak.

“Bakit parang malungkot kayo, ‘nay?” tanong ni Karen sa ina nang mapansin niya ang hitsura nito.

“Wala naman, anak,” matipid na tugon ng ina.

“H’wag niyong sabihing nakausap niyo na naman si Aling Hilda. Ang babaeng talagang iyon. Walang magawang matino sa buhay. Ano na naman po ba ang sinabi niya sa inyo?” muling usisa ng dalaga.

Napabuntong hininga na lamang si Aling Loida.

“Anak, pasensiya ka na at hindi ko nagawang suportahan ang pag-aaral mo. Alam mo namang kung kaya ko ay hindi ka mahihinto,” pahayag ng ina.

“Ilang beses ko ba sasabihin sa inyo, ‘nay, na ayos lamang po sa akin? Gusto ko naman po ang ginagawa kong pagtulong sa inyo. Saka hindi naman po laging ganito tayo. Tandaan niyo po na may awa ang Diyos. Nariyan lang naman ang eskwelahan at kahit kailan ay maipagpapatuloy ko ang pag-aaral ko. Ang importante po ngayon ay makaraos tayo. H’wag niyo na pong iniintindi ‘yang si Aling Hilda,” wika pa ni Karen sa ina.

Alam ni Karen na kahit ano ang sabihin niya ay naroon pa rin ang lungkot na nararamdaman ng ina dahil sa hindi siya nito napag-aral. Kaya naman hindi tumigil si Karen sa paggawa ng paraan upang mapabuti ang kanilang pamumuhay.

Isang araw ay naisipan niyang bumili ng ilang paninda nila sa Divisoria. Saka niya ito ibinenta online. Bukod sa sinusweldo niya sa pagtitinda sa Divisoria ay may dagdag pa siyang kita sa pagtitinda niya online.

Unti-unting nakaipon si Karen ng puhunan. Dahil unti-unti na ring lumalakas ang kaniyang online store ay tuluyan na siyang umalis sa pagtitinda sa Divisoria.

Napansin ni Aling Hilda na hindi na umaalis ang dalaga upang pumasok sa pinagtatrabahuhan nito.

“Ultimo ba sa pagtitinda sa Divisoria ay hindi ka nakapasa? Dapat kasi ay tinapos mo na lang ang pag-aaral mo. Tingnan mo na si Patricia ngayon, kakabili lamang ng magandang selpon!” pagmamalaki ng ginang.

Ngunit hindi na nagsalita pa si Karen. Alam niyang wala siyang dapat ipaliwanag sa kapitbahay na taklesa.

Pinagbuti ni Karen ang pagtitinda niya online. Dahil din sa mabait siya ay tinulungan siya ng kaniyang dating amo upang mas makaangkat ng murang produkto. Hanggang sa napalaki na niya ang kaniyang online store at nagbukas na rin siya ng kaniyang sariling tindahan.

Hindi nawalan ng pag-asa ni Karen na isang araw ay makakaraos din sila sa hirap at makakabalik siya sa pag-aaral.

Unti-unti niyang pinagawa ang kanilang bahay at nakabili na rin siya ng sasakyan. Dahil na rin may mga tauhan na siya sa kaniyang negosyo ay p’wede na niyang tuparin ang parangarap at bumalik muli sa pag-aaral.

Natameme si Aling Hilda sa lahat ng naging tagumpay ni Karen. Napatunganga na lamang siya habang pinapanood niya ang pagbabago ng buhay ng kapitbahay. Ang dating minamaliit niyang si Aling Loida ay may milyonaryo nang anak.

“Paano mo nagawa ang ganiyang bagay? Hindi ba ay wala ka namang natapos? Tanging pagtitinda lamang ang alam mo,” sambit ni Aling HIlda sa dalaga.

“Hindi naman nasusukat sa taas ng pinag-aralan ang kakayahan ng isang tao, Aling Hilda. Marahil tama kayo at pagtitinda lang ang kaya kong gawin kaya doon ko po itinuon ang isip at galing ko. Basta wala akong tinatapakan na tao ay alam kong tutulungan ako ng Diyos upang magtagumpay sa buhay.

Kaya heto na ako, hindi na rin malulungkot ang nanay ko dahil palagi niyong ipinamumukha sa kaniya na hindi niya ako napagtapos ng kolehiyo dahil kahit salat ako sa pag-aaral ay hindi naman naging salat sa pagmamahal at gabay ng magulang,” pahayag ni Karen.

Napahiya na lamang si Aling Hilda sa lahat ng mga sinabi niya tungkol kay Aling Hilda at lalung-lalo na kay Karen.

Samantala, tinupad naman ni Karen ang pangarap niya at ng kaniyang ina. Hindi nagtagal ay nakatapos na rin ang dalaga sa pag-aaral. Habang ang kaniyang pamilya naman ay nabigyan na niya ng masagana at magandang buhay sa pamamagitan ng kaniyang napalaking negosyo.

Advertisement