Inday TrendingInday Trending
Malaki ang Paghihinala ng Isang OFW sa Tunay na Ginawa ng Misis; Nang Umuwi Siya Lingid sa Kaalaman ng Ginang ay Siya pa ang Nasurpresa

Malaki ang Paghihinala ng Isang OFW sa Tunay na Ginawa ng Misis; Nang Umuwi Siya Lingid sa Kaalaman ng Ginang ay Siya pa ang Nasurpresa

“Stella, kumusta kayo ng mga bata riyan? Baka p’wede ko naman silang makita. Miss na miss ko na sila,” sambit ni Drew sa sa telepono habang ka-video call ang asawa.

“Tulog na sila, Drew. Narito nga ako sa labas ngayon kasi baka mamaya kapag narinig ang boses mo ay magsibangon at masira na naman ang oras ng pagtulog. Makakasama sa katawan nila ‘yun. Bukas ay mas maaga kang tumawag para gising pa ang mga bata,” tugon naman ni Stella.

“Nga pala, bakit tila bihis na bihis ka at nakapostura pa. Aalis ka ba ngayong gabi? Sino’ng maiiwan para sa mga bata?” pagtataka ng ginoo.

“Naku, hindi. Siyempre alam kong tatawag ka kaya nagsuot ako ng magandang damit at nag-make up ako. Siyempre kahit na malayo ka ay gusto ko pa ring nag-aayos para sa iyo,” sagot muli ng asawa.

“Ang sweet mo naman. Lalo tuloy kitang na-miss. Hayaan mo, anim na buwan na lang at uuwi na ako. Hindi na ako makapaghintay na makasama kayo ng mga anak natin. O siya, kailangan ko nang magpaalam, bukas na tayo ulit mag-usap. Kailangan ko nang pumasok. Mag-iingat kayo riyan lagi at tandaan mong mahal na mahal kita,” sambit ni Drew sa asawa.

“Mahal na mahal rin kita at mag-iingat ka riyan lagi,” pagpapaalam naman ni Stella.

Dalawang taon ang kontrata ni Drew sa ibang bansa. Sa dalawang taong ito ay hindi na nagawa pa ng ginoo na makauwi. Natatakot kasi siya na baka hindi na i-renew ng mga amo ang kaniyang kontrata kung sa kasagsagan ng maraming trabaho ay magpupumilit siyang magbakasyon sa Pilipinas.

Sa tindi na rin ng pangangailangan ng kaniyang lumalaking pamilya ay minabuti na lamang niyang tiisin ang pangungulila sa mga ito mabigyan lamang sila ng magandang buhay. Kaya hindi na tuloy niya nasubaybayan ang paglaki ng kaniyang dalawang anak na apat na taong gulang at dalawang taong gulang pa lamang.

Tiwala naman si Drew sa kaniyang asawa na kahit malayo siya ay pangangalagaan nito ang kanilang mga anak. Madalas din naman silang mag video call ng asawa kaya kahit paano ay naibsan ang kaniyang kalungkutan.

Kinaukasan ay tumawag muli si Drew sa kaniyang asawa. Laking gulat niya ng ang panganay na anak na si Kylie ang nakasagot ng selpon.

“Miss na miss na kita, anak. Nasaan ang mommy mo? P’wede mo bang ibigay sa kaniya ang telepono?” pakiusap ng ginoo.

“Tulog pa po ang mommy. Tulog pa po,” saad naman ng bata.

Nang tingnan ni Drew ang oras ay napansin niyang tanghali na sa Pilipinas. Nagtataka ang ginoo kung bakit narurulog pa rin ang ginang.

“Sandali, bukol ba ang nasa noo mo, anak?” tanong pa ng ginoo nang mapansin ang itsura ng bata.

Nang maalimpungatan si Stella dahil sa ingay ng kaniyang mga anak ay nakita niyang hawak ni Kylie ang telepono at kausap ang kaniyang ama.

Agad niya itong inagaw.

“Bakit ngayon ka lang nagising, mahal?” tanong ni Drew sa asawa.

“Pasensiya ka na at masama kasi ang pakiramdam ko. Hindi ko napansin na tanghali na,” tugon ng asawa.

“Napansin ko ay tila may bukol sa noo si Kylie. Bukol ba iyon?” usisa pa ng ginoo.

“Alam mo naman ang mga bata, malikot. Pero hindi naman masiyadong malaki,” sagot agad ni Stella.

Inaagaw ng mga anak ang telepono upang makausap ang kanilang ama ngunit agad na nagpaalam ang ginang.

“Pwede bang mamaya na tayo mag-usap at aasikasuhin ko lang muna ang mga bata,” wika naman ni Stella.

Nagugulumihanan man ay ibinaba na rin ni Drew ang telepono. Hindi maintindihan ng ginoo kung bakit mayroong pagdududa siyang nararamdaman. Pilit niyang iniaalis ito sa kaniyang isipan dahil alam niyang hindi ito patas para sa kaniyang misis na nag-aalaga sa kaniyang dalawang anak.

Dumaan ang mga araw at palagi pa ring nagkakausap si Drew at Stella sa gabi. Sa tuwing nais kausapin ng ginoo ang kaniyang anak ay lagi na lamang may dahilan ang asawa na tila pinipigilan nito ang kanilang pag-uusap na labis na niyang ipinagtataka.

Sa puntong ito ay ramdam ni Drew na may inililihim ang kaniyang asawa. Ngunit hindi siya sigurado na kung paano niya ito mapapatunayan.

Hanggang isang araw ay nagpasya na lamang siyang umuwi ng kanilang bahay ng hindi alam ng kaniyang asawa. Nais niyang surpresahin ang mga ito at sa pamamagitan din nito ay malalamn niya ang tunay na kalagayan ng kaniyang mag-iina.

Dahan-dahan niyang binuksan ang gate ng kanilang bahay.

Laking gulat niya nang makita ang kaniyang mga anak na nasa sala at natutulog sa kutson habang nakabukas ang pinto ng kanilang bahay. Agad niyang hinanap si Stella.

Marahan niyang sinaliksik ang buong bahay at napansin niyang sarado ang kanilang silid. Alam niyang nasa loob ang kaniyang misis kaya dahan-dahan niyang binuksan ang pinto.

At doon nga tumambad kay Drew ang ginagawa ng kaniyang asawa.

Nagulantang siyang makita na may ka-video call ito sa selpon at nakasuot ng mal@swang damit.

Hindi alam ni Stella kung paano niya ipapaliwanag ang nadatnan ng asawa.

“Hindi ko akalain na magagawa mo sa akin ito, Stella. Nagtiwala ako sa’yo!” galit na sambit ni Drew.

“Habang nagpapakapagod ako sa ibang bansa ay ito lang ang ginagawa mo? Ang matindi pa roon ay pinababayaan mo ang mga anak natin. Bakit, Stella? Hindi pa ba sapat ang lahat ng sakripisyo ko?” pangagalaiti pa nito.

“Kulang na kulang ang binibigay mo, Drew! Kaya ako na ang gumawa ng paraan! Masisisi mo ba ako kung maghangad pa ako kung kakarampot lang naman ang naibibigay mo?” pasigaw na tugon naman ni Stella.

“Baboy ka! Kukuhain ko ang mga bata at aalis na kami rito. Hinding-hindi mo na kami makikita lalong lalo na ang mga bata dahil hindi sila pwedeng lumaki sa isang ina na kagaya mo!” wika ni Drew.

Hindi na kumuha pa ng mga gamit ng bata si Drew at dali-dali na niyang binitbit ang kaniyang mga anak. Labis ang sama ng loob niya sa ginawa ni Stella.

Napag-alaman ni Drew na matagal na palang may ibang karelasyon itong si Stella. Gabi-gabi pala ay kaya nakapustura ito ay may mal@swang ginagawa ito kasama ang kaniyang ka-video call. Madalas din niyang mapabayaan na lamang ang kaniyang mga anak.

Nagsumbong ang panganay na anak na palagi daw silang hindi inaasikaso ng ina at madalas kung saktan sila nito. Tinatakot daw sila ni Stella upang hindi magsumbong sa kanilang ama.

Labis na panlulumo ang naramdamam ni Drew. Ni sa hinagap ay hindi niya talaga naisip na pwede itong gawin ni Stella sa kaniya. Labis ang kaniyang naging tiwala sa asawa.

Mula noon ay hindi na ibinalik pa ni Drew ang kaniyang mga anak kay Stella. Nakipaghiwalay na rin siya rito.

Dahil kailangan niyang bumalik sa ibang bansa upang magtrabaho at masuportahan ang mga anak ay pansamantalang iniwan niya muna ang mga bata sa pangangalaga ng kanilang lola.

Samantala, kahit kailan ay hindi na nakita pa ni Stella ang kaniyang mga anak. Ang masakit pa doon ay niloko rin siya ng lalaking ipinagpalit niya sa kaniyang mag-aama. Nagsisisi man ay hindi na nabuo pa muli ang kanilang pamilya dahil sa kaniyang kagagawan.

Advertisement