Inday TrendingInday Trending
“Nag-Invest” daw ang Isang OFW sa Negosyo ng Kasamahan Kapalit ang Malaking Halaga; Hindi Niya Akalaing Ito ang Kahihinatnan Niya

“Nag-Invest” daw ang Isang OFW sa Negosyo ng Kasamahan Kapalit ang Malaking Halaga; Hindi Niya Akalaing Ito ang Kahihinatnan Niya

“Kumusta ka diyan, mahal? Hindi ako makapaghintay na sa wakas matapos ang ilang taon mo riyan sa ibang bansa ay makakauwi ka na!” masayang bati ni Emily sa asawang si Danilo habang kausap sa kaniyang selpon.

“Hindi na rin ako makapaghintay, mahal, nasimulan na natin ang prutasan natin. Tiyak ko ay papatok ito rito sa ating lugar sapagkat tayo lang ang nakaisip ng makabagong ideyang ito,” saad pa ng ginang.

“Masaya ako na makakauwi na rin ako. Pero alam mo ba, mahal, sa totoo lang nagdadalawang-isip ako sa negosyong gusto nating pasukin. Baka mamaya ay malugi. Baka tayo lang ang nag-aakala na kikita talaga ‘yun,” sambit naman ni Danilo.

“Ngayon ka pa kakabahan, mahal. Plantsado na ang lahat at matagal na nating napag-usapan ito, hindi ba? Ganun naman talaga ang negosyo, walang kasiguraduhan kaya nga inaral natin ito masyado,” wika naman ni Emily sa kaniyang asawa.

“Hay, sige, bahala na, mahal. Pagbalik ko na lang diyan sa Pilipinas saka natin pag-usapan. Sana ay may maisip pa tayong ibang ideya para nang sa gayon ay sigurado nang hindi ko na kailangan pang bumalik dito sa ibang bansa. Miss na miss ko na kasi kayo ng mga anak natin. Mahirap ang malayo sa inyo,” pahayag pa ni Danilo.

“Basta magkasama tayo, mahal, kakayanin natin,” wika naman ng misis.

Halos labing dalawang taong nagtrabaho rin si Danilo sa ibang bansa kaya ganoon na lamang ang pag-aasam niyang makauwi at tuluyan nang makasama ang kaniyang mga mag-anak. Tiniis niya ang mapalayo sa mga ito upang mabigyan sila ng magandang kinabukasan.

Ngayong nagkaroon na sila ng sapat na ipon ay nagdesisyon na ang mag-asawa na uuwi na si Danilo at magtatayo na lamang sila ng isang prutasan. Ngunit hindi lamang ito bilihan ng prutas. Isa rin itong isang maliit na restawran kung saan ihahain nila ang masusustansyang pagkain at inumin.

Matagal na itong nais gawin ni Emily ngunit dahil salat pa sila sa puhunan ay napatagal ang pagsasagawa nito. Ngayon ay laking tuwa nila na sa wakas ay masasakatuparan na ang munting pangarap na negosyo.

Isang araw ay muling tumawag si Danilo sa kaniyang asawa.

“Mahal, may isang kasamahan ako rito na inaalok ako na mag-invest daw sa negosyo na pinasok niya. Isang linggo lang daw ay mababawi ko na ang lahat ng ibibigay ko sa kaniyang pera. Nagbigay ako sa kaniya ng dalawangpung libong piso para subukan kung totoo ang kaniyang sinasabi,” saad ng ginoo.

“Ano bang negosyo iyan, mahal? Parang nakalayo naman sa katotohanan niyan. May ganiyan bang negosyo na sa isang linggo lang ay dodoble na ang pera mo? Baka mamaya ay niloloko ka lang niyan,” wika ni Emily.

“Kaya nga hindi malaking pera agad ang ibinigay ko sa kaniya. Titingnan ko muna kung maibabalik nga niya ng doble ang pera,” paliwanag ng ginoo.

“Sa tingin ko, mahal, ay huwag ka nang pumasok sa ganiyan. Nakakatakot at baka itakbo na lang bigla ang pera mo,” saad ng misis niya.

“Hindi naman siguro. Saka matagal ko nang kilala ang kasamahan kong iyon. Hindi nun magagawa na lokohin ako,” pahayag ni Danilo.

Makalipas ang isang linggo ay masayang ibinalita ni Danilo sa asawa na nakabalik na ang pera niya nang doble.

“Masaya ako para sa iyo kung ganun kahit papaano ay makakadagdag din ‘yan sa maiuuwi mo,” wika naman ng ginang.

“Tama ka. Kung patuloy ang pagbibigay ko at pagtubo nito ay malaki talaga ang maiuuwi ko. Kaya naman ay nagbigay ako sa kaniya ng isang daang libong piso. Sa susunod na linggo ay kukunin ko agad. Dodoble na ang pera ko. Tamang tama sa pag-uwi ko sa susunod na buwan,” sambit ng mister.

“Sigurado ka ba sa desisyon mo, mahal? Sa tingin ko ay dapat ilaan na lang natin ang pera sa sisimulan nating negosyo. Masama pa rin kasi ang kutob ko riyan sa sinasabi mo,” saad ng asawa.

“Masama ka namang mag-isip, Emily. Ito na nga, kumikita na tayo ng doble sa maikling panahon ay gusto mo pang pahirapan ang sarili mo sa pagtitinda ng prutas. Ito, wala kang gagawin kung hindi ipaubaya mo ang pera sa kanila, wala kang gagawin at tutubo na ito,” pagtatanggol ni Danilo.

“Kaya nga ako kinakabahan, Danilo. Wala kang gagawin ngunit daig mo pa ang mga ilang kumpanyang lubos ang hirap sa pagtatrabaho para kumita. Hindi talaga ako panatag diyan,” sambit muli ng ginang.

Ngunit kahit anong sabihin ng asawa ay hindi nakinig si Danilo. Habang lumalaki ang kaniyang tubo ay lalong lumalaki rin ang nilalagay niyang pera. Hanggang sa hindi niya namalayan na naibigay na pala niya ang lahat ng kaniyang ipon.

Tatlong araw na lamang ay uuwi na si Danilo sa Pilipinas. Lubos siyang nasasabik na kuhain ang perang kaniyang ininvest para maiuwi niya. Labis na rin ang kaniyang saya na ibalita sa kaniyang asawa na lubos niyang napalago ang perang kaniyang naipon.

Ngunit laking pag-aalala niya nang hindi na niya makausap pa ang kasamahan sa trabaho. Hindi na rin niya ito mahagilap at ang sabi ng marami ay matagal na rin daw itong hindi nagpapakita.

Pilit niyang tinatawagan ang kasamahan ngunit hindi na niya ito matagpuan. Halos gumuho ang mundo niya nang malamang nagtatago na pala ito sa ibang bansa kasama ang perang naloko niya kay Danilo at sa iba pa nilang kasamahan.

Halos mapaluhod ang ginoo dahil halos nasimot ang lahat ng kaniyang ipon. Labis ang kaniyang pagsisisi na hindi siya nakinig sa kaniyang asawa at naging gahaman siya sa pera. Ngayon tuloy ay ni singko ay wala siyang maiuuwi sa kaniyang pamilya at hindi na matutupad pa ang pangarap nilang negosyo.

Nanlumo si Emily nang malaman ang sinapit ng mister at ng kanilang ipon.

“Wala na tayong magagawa pa, Danilo. Nariyan na iyan. Nais man kitang sisihin ay hindi na maibabalik ang perang nakuha sa atin. Sana lang sa susunod ay mag-isip ka kapag may alok sa iyo na tila hindi makatotohanan,” saad ng misis.

Natutunan ni Danilo ang isang malaking aral sa isang masakit na paraan.

Natuloy pa rin ang pag-uwi ni Danilo sa Pilipinas. Ngunit kailangan niyang bumalik sa ibang bansa upang patuloy na magtrabaho at maitaguyod ang pamilya.

Advertisement