Inday TrendingInday Trending
Malas ang Tingin ng Dalaga sa Kaniyang Sarili; Isang Matandang Kaibigan ang Magpapatunay ng Kaniyang Swerte

Malas ang Tingin ng Dalaga sa Kaniyang Sarili; Isang Matandang Kaibigan ang Magpapatunay ng Kaniyang Swerte

Hindi maiwasan ni Jenny ang malungkot dahil sa pang-ilang pagkakataon ay natanggal na naman siya sa kaniyang trabaho. Hindi naman dahil sa hindi siya magaling kung hindi kailangan magbawas ng pinagtatrabahuhan niya ng mga tauhan dahil unti-unti na itong nalulugi.

Halos hindi makapag-isip ng maayos ang dalaga habang binabagtas ang daan pauwi sa tahanan.

Maya-maya ay natanaw niya ang matandang kapitbahay na si Aling Sima na kinukutya ng ilang kabataan. Sobrang tanda na kasi nito at minsan ay bumabalik na ang isip sa pagkabata. Kaya lagi na lamang itong pinaglalaruan ng kung sinu-sino.

“Tigilan niyo nga iyang ginagawa niyo! Magsiuwi na kayo! Bakit ba ayaw niyong tigilan si Aling Sima?” sigaw niya sa mga kabataan sabay pulasan ng mga ito.

“Ayos lang po ba kayo, Aling Sima? Pumasok na po kayo sa bahay niyo. Baka mamaya ay bumalik na naman ang mga kabataang iyon at kung ano na naman ang gawin sa inyo,” pag-aalala niya sa matanda.

Nang masigurong nakapasok na ng bahay si Aling Sima ay saka naman umuwi ng bahay si Jenny.

“O, bakit parang Biyernes Santo ‘yang mukha mo? May nangyari ba sa trabaho?” tanong ni Aling Mildred sa kaniyang anak.

“Opo, ‘nay. Ayun, wala na naman akong trabaho,” naiinis na tugon ni Jenny.

“Hindi ko alam, ‘nay, wala naman akong balat sa pwet pero bakit sa tuwing magkakatanggalan ay kasama ako? Hindi ba ako ganung kagaling? Gusto ko lang naman na kumita para makatulong sa inyo,” pahayag pa ng dalaga.

“Hayaan mo na, anak. Mabilis ka lang din namang nakakahanap ng trabaho. Ayun nga lang madali ka lang ding natatanggal. Baka mamaya ay may nakalaan talagang para sa iyo. H’wag ka lang mawawalan ng pag-asa,” wika pa ng ina.

“Grabe na nga ang pagkapit ko sa pag-asa, ‘nay. Umaasa ako na magtatagal ako sa trabaho pero ito na naman. Kailangan ko na namang humanap ng panibago. Pasensiya na kayo, ‘nay, at hindi pa ako masyadong nakakatulong dito sa bahay,” saad muli ng dalaga.

“Wala iyon. Nakikita ko naman na ginagawa mo ang lahat, anak. Hayaan mo isasama ko sa mga dalangin ko ang paghahanap mo ng trabaho ulit,” nakangiting sambit ni Aling Mildred.

Napagpasyahan ni Jenny na magpalipas muna ng ilang linggo bago muli siya maghanap ng trabaho. Nagsasawa na rin kasi siya na palipat-lipat.

Habang nakatanaw sa labasan ay nakita niyang muli si Aling Sima na pinaliligiran ng mga kabataan at pinaglalaruan ng mga ito. Dali-daling lumabas ng kanilang bakuran si Jenny upang tulungan ang matanda.

“Bastos talaga kayo! Wala ba kayong mga lolo at lola? Bakit palaging si Aling Sima ang pinagti-tripan niyo?” sigaw niyang muli sa mga kabataan.

“Halina po kayo, Aling Sima, pumasok na po tayo sa bahay niyo. H’wag na po muna kayong lalabas kung hindi kailangan,” saad ni Jenny sa matanda.

Tinulungan niya itong makapasok sa bahay. Dahil wala din naman gagawin si Jenny ay naisipan niyang samahan muna sandali ang matanda.

“Wala po ba kayong mga kamag-anak, Aling Sima? Alam ko pong wala na po ang asawa ninyo at hindi po kayo nagkaroon ng anak pero wala po ba man lang kayong kapatid o mga pamangkin?” tanong ng dalaga.

“Wala. Ako lang ang anak ng mga magulang ko. Wala na rin sila. Baka malapit na rin ako,” tugon naman ni Aling Sima.

Nahabag si Jenny sa tugon ng matanda. Alam niyang minsan ay nagiging ulyanin na ito. Nangangamba siyang baka mamaya ay kung saan ito mapadpad at kung magkasakit man ay sino ang titingin dito.

“Tutal wala pa naman akong trabaho, sasama-samahan ko muna kayo rito paminsan-minsan. Ako muna ang titingin sa inyo para hindi na kayo gambalain ng mga kabataan,” wika pa niya.

Napangiti si Aling Sima.

“Ang swerte siguro ng mga magulang mo at ikaw ang naging anak nila. Swerte ka sa buhay, Jenny,” saad ng matanda.

“Hay naku, malas nga po ako. Ni hindi ako makahanap ng matinong trabaho. Pero ayos lang po, hindi ako susuko,” sambit pa ni Jenny.

Kahit na palaging sinasabi ni Jenny sa matanda ang kaniyang kamalasan ay palagi namang sinasabi sa kaniya ni Aling Sima na swerte ang nararamdaman niya kay Jenny.

Habang wala pang trabaho si Jenny ay madalas niyang dalawin at samahan si Aling Sima sa bahay nito. Minsan ay ipinagluluto na rin niya ang matanda. Palagi din niya itong kinukwentuhan ng mga bagay-bagay. Dahil doon ay napalapit na siya sa matanda.

Isang araw ay tila nanghihina itong si Aling Sima. Kahit na walang pera si Jenny sapagkat wala nga siyang trabaho ay dinala niya sa ospital ang matanda. Inalagaan niya ito at siya rin ang bumibili ng gamot.

“Hindi mo na kailangang gawin ito para sa akin, Jenny. Lalo ka lang mahihirapan,” saad ng matanda sa dalagang kaibigan.

“Hindi ko naman po basta pwedeng pabayaan na lang kayo, Aling Sima. ‘Wag niyo na po akong intindihin at magpahinga na lamang kayo para mapabilis ang paggaling ninyo,” saad pa ni Jenny.

Umaga hanggang gabi ay naroon si Jenny sa ospital upang bantayan at alagaan ang matanda.

“Natutuwa ako sa’yo, Jenny. Hindi mo naman ako kaanu-ano pero kung alagaan mo ako’y parang magkadugo tayo. Kaya h’wag mong sasabihing malas ka kasi napakabait mo. Sa kabutihan mo, alam kong balang-araw ay susuwertehin ka rin,” sambit ni Aling Sima.

Nakalipas ang isang linggo ng pananatili ni Aling Sima sa ospital ay binawian na rin ito ng buhay dahil na rin sa katandaan. Labis ang kalungkutan na naramdaman ni Jenny. Ngunit alam niyang masaya na ito sapagkat kasama na ng matanda sa langit ang kaniyang asawa.

Isang araw ay nagulat na lamang si Jenny nang isang lalaki ang naghahanap sa kaniya.

“Ano po ang kailangan nila?” tanong ng dalaga.

“Ako nga pala ang abogado ni Aling Sima. Sa akin niya ipinagkatiwala ang lahat ng papeles sa kaniyang kayamanan at ari-arian,” pahayag ng ginoo.

“Nais ko lang sabihin sa iyo na ang lahat ng ito ay iniiwan na sa iyo ni Aling Sima. Napakaswerte mo, Jenny. Hindi mo alam kung gaano kalaki ang mga pag-aari ng matanda,” dagdag pa ng abogado.

Hindi makapaniwala si Jenny at kaniyang ina sa kanilang narinig. Hindi nila lubos akalain na magiging tagapagmana pa si Jenny. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita ang lahat ng kaniyang mamanahin.

“H-hindi ko po ata matatanggap ang lahat ng ito. Napakalaki po nito, ginoo,” sambit pa ng dalaga.

“Nasa matinong pag-iisip si Aling Sima ng ipinagawa niya sa akin ang lahat ng ito. Nais niyang makatulong sa iyo. At alam niyang hindi mababalewala ang lahat ng ito sa iyong pangangalaga. Kaya tanggapin mo ito bilang pasasalamat ni Aling Sima,” paliwanag ng ginoo.

Napaiyak na lamang si Jenny. Naalala niya ang palaging sinasabi sa kaniya ni Aling Sima na balang-araw ay susuwertehin siya dahil sa kaniyang kabutihan. Hindi niya lamang akalin na ang matanda pa pala ang magdadala nito sa kaniya.

Ginamit ni Jenny ang pera para sa pagpapatayo ng negosyo. Dahil dito ay nabigyan na rin niya ng magandang buhay ang kaniyang ina na tangi niyang pangarap. Lubos ang kaniyang pagpapasalamat sa kaibigang matanda sapagkat binago nito nang lubos ang kanilang buhay.

Advertisement