Inday TrendingInday Trending
Nagbulakbol ang Anak ng OFW Bilang Tanda ng Pagrerebelde sa Ina; Ano ang Gagawin ng Ina Upang Maisaayos ang Buhay ng Anak at Maibalik ang Loob sa Kaniya?

Nagbulakbol ang Anak ng OFW Bilang Tanda ng Pagrerebelde sa Ina; Ano ang Gagawin ng Ina Upang Maisaayos ang Buhay ng Anak at Maibalik ang Loob sa Kaniya?

“Hindi ko na alam ang gagawin ko sa anak kong si Jerome, Loida. Hindi ko alam kung bakit siya nagpapasaway sa akin. Hindi ko alam kung bakit hindi niya maintindihan na para sa kanila ang ginawa kong pagpapakahirap sa ibang bansa,” umiiyak si Jasmin sa kaniyang kaibigang si Loida, na isa ring OFW.

Dalawang buwan pa lamang sila sa Pilipinas dahil tapos na ang kanilang kontrata sa Abu Dhabi. Hindi na nag-renew pa si Jasmin ng kaniyang kontrata dahil balak na lamang niyang manatili sa Pilipinas upang matutukan ang kaniyang pamilya. Balita kasi ng kaniyang kapatid na si Joana na siyang nag-aalaga kay Jerome na kaniyang kaisa-isang anak, nagbubulakbol na raw ito.

“Ganiyan nga talaga yata ang buhay nating mga OFW. Akala kasi nila nagpapasarap lang tayo sa ibang bansa. Hindi nila naiisip na napakahirap para sa ating mawalay sa ating pamilya, na para rin naman sa kanila. Huwag mong sukuan ang anak mo, Jasmin. Huwag kang gumaya sa akin…” at nangilid na naman ang luha ni Loida nang maalala ang nangyari sa anak, na winakasan ang sariling buhay dahil sa naranasang depresyon.

Si Loida naman ang inalo ni Jasmin.

“Tama na Loida… iiyak ka na naman eh. Nasa langit na si Raymond kaya huwag ka nang mag-alala. Pero alam mo tama ka eh… kailangang gumawa ako nang paraan para makabawi kay Jerome. Pakiramdam ko kaya siya nagrerebelde nang ganito, dahil akala niya, pinagpalit ko siya sa pera sa ibang bansa. Simula kasi nang iwan kami ni Arturo at ipagpalit kami sa ibang babae, siyempre kailangan kong gumawa nang paraan para mabuhay kami.”

At iyon nga ang ginawa ni Jasmin. Araw-araw, lagi niyang nilulutuan ng masasarap na pagkain ang anak: subalit hindi naman nito kinakain. Lagi itong umaalis ng bahay nang napakaaga, at umuuwi naman ng halos gabing-gabi na.

“Joana… ano bang nangyari sa anak ko?” minsan ay natanong niya sa kaniyang kapatid na nag-aalaga rito.

“Ginawa ko na ang lahat ng makakaya ko ate, para hindi siya mapariwara. Pero kalingang ina talaga siguro ang kailangan niya. Hindi ko iyan magagawa, ikaw lamang ang makakapagbigay niyan,” saad ni Joana.

Nag-isip nang paraan si Jasmin kung paano ba matututukan at masusubaybayan si Jerome, bagama’t nasa unang taon na ito sa kolehiyo sa kursong Industrial Engineering. Pangatlong kurso na niya ito dahil lagi siyang bumabagsak, hindi dahil sa wala siyang alam o tamad mag-aral, kundi hindi niya pinapasukan. Isang desisyon ang ginawa ni Jasmin. Noon, papasok na ang pangalawang semestre. Siya ang nag-enroll kay Jerome.

Ganoon na lamang ang gulat ni Jerome nang mapagtanto niyang papasok din sa kolehiyo ang kaniyang ina. At sa malas, magiging magkaklase sila.

“Anong ginagawa mo?” untag nito sa kaniya nang malaman nito ang ginawa nitong pag-eenrol.

“Mag-aaral… masama bang mag-aral?” sabi ni Jasmin sa anak.

“Tigilan mo ako. Hindi mo kailangang gawin iyan. Hindi na ako mag-aaral sa paaralan na iyan!” sabi ni Jerome, at akmang aalis ng bahay, subalit pinigilan siya ni Jasmin.

“Saan ka pupunta? Iiwas ka na naman? Tatalikuran mo na naman ako? Mag-usap nga tayo! Ano bang nangyayari sa iyo? Hindi naman tayo ganito dati, Jerome! Sabihin mo sa akin kung may galit ka sa akin para maayos natin ito, anak!”

“Oo! Oo, galit ako! Galit ako sa iyo! Bakit ka pa bumalik? Hindi ba masarap naman buhay mo sa ibang bansa? Bakit babalik-balik ka pa rito? Hindi mo naman ako mahal, hindi ba? Hindi ba?” umiiyak na sumbat sa kaniya ni Jerome.

“Hindi totoo iyan, anak. Tiniis ko ang mawalay sa iyo para lamang mabigyan kita ng magandang buhay. Tiniis ko ang lahat para lamang mapalaki ka nang maayos. Mahal na mahal kita. Alam mo ba kung paano ako naghirap sa ibang bansa? Muntik ko nang tapusin ang buhay ko, pero ikaw ang pumigil sa akin! Sa isipin pa lamang na mauulila ka sa ina, hinding-hindi ko kayang gawin iyon! Mahal na mahal kita, anak!” pagpapaliwanag ni Jasmin. Ngayon lamang niya nailabas ang mga nais sabihin kay Jerome, dahil hindi naman uso sa kanilang dalawa ang pagdadrama.

Hindi sumagot si Jerome. Nanatili lamang siyang umiiyak. Napaupo ito sa sofa. Sinamantala naman iyon ni Jasmin. Bantulot siyang lumapit sa anak, naupo, tumabi rito, at niyakap. Hindi naman pumalag si Jerome.

“Hayaan mo akong bumawi sa iyo, anak. Hayaan mo akong samahan ka. Babawi ako sa maraming mga taong hindi tayo nagkasama,” tigmak na ang mga luha sa mukha ni Jasmin. Tumango-tango naman si Jerome at gumanti ng yakap sa ina.

Itinuloy ni Jasmin ang kaniyang pag-aaral. Naging magkaklase sila ni Jerome. Sinamahan niya ang anak sa pag-aaral nito, at kahit siya ay nag-aral din. Makalipas ang apat na taon, parehong nakatapos ng pag-aaral ang mag-ina.

Para kay Jasmin, pangalawang kurso na niya ito na pinagtapusan, subalit ayos lamang sa kaniya, dahil alam niyang mapapakinabangan din naman niya ito, upang maging propesyunal, at hindi na niya kailangan pang mangibang-bansa. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na hinding-hindi na niya iiwanan ang anak. Naiayos naman ni Jerome ang kaniyang buhay, at naibigay ang lubusang pagpapatawad sa kaniyang ina.

Advertisement