May Itinatagong Lihim ang Anak sa Kaniyang Ina Hinggil sa Pag-aaral Niya sa Kolehiyo; Kailan Kaya Sasambulat Ito?
“Teka mga kumare, narito pala ang aking bunso, si Charles, ang matalino kong anak! Charles, anak… mabuti naman at dumating ka na. Halika muna rito saglit.”
Napahinto sa pagpanhik sa hagdan si Charles; tila naparalisa siya nang mapansin ng kaniyang inang si Aling Marissa upang ipakilala sa mga kaibigan nito. Bantulot namang lumapit ang tinawag na teenager, bilang pagbibigay-galang sa mga kaibigan ng kaniyang ina.
“Naku Charles, ang laki-laki mo na at ang guwapo-guwapo mo! Maliit ka pa noong huli kitang nakita!” sabi ni Aling Agnes, na natatandaan ni Charles na laging kasa-kasama ng kaniyang ina noon.
“Hindi lang guwapo, matalino pa! Huwag ka muna mag-aasawa ha? Magtapos ka muna ng pag-aaral mo. First year college ka na, hindi ba?” tanong naman sa kaniya ni Aling Dolores.
“O-Opo, t-tama po kayo…” nahihiyang tugon ni Charles.
“Iskolar iyong anak ko ng DOST dahil mahusay na mahusay talaga sa Science at Math! Itong batang ito ang pag-asa ko eh. Siya talaga ang nakikita kong mag-aahon sa amin sa kahirapan, hindi ba anak?” Huwag kang gagaya sa mga kuya at ate mo na matapos makapag-aral ay nagsipag-asawa na,” saad naman ni Aling Marissa.
Tumango-tango lamang si Charles. Magalang siyang nagpaalam, at pumanhik na sa kaniyang silid-tulugan upang magpahinga. Ibinalibag niya ang kaniyang bag sa kama, at patihaya siyang humiga.
Paano ba niya ipagtatapat sa kaniyang ina ang katotohanan?
Kinuha niya ang cellphone sa bulsa ng kaniyang bag. Tinawagan ang kaniyang kaibigang si Andres.
“‘Tol, napatawag ka?” tanong ni Andres sa kabilang linya.
“Kailangan ko lang ng makakausap, ‘tol… hindi ko na alam gagawin ko. Paano ko ba sasabihin kay Nanay ang totoo?”
“Hanggang ngayon ba, hindi mo pa nasasabi sa kaniya na hindi ka na iskolar? Na bumagsak ka sa dalawang subjects noong first semester kaya hindi ka na nag-enrol ngayong second sem?”
Napabuntung-hininga si Charles. Hindi niya masabi-sabi kay Aling Marissa, na ang tinitingala niyang anak na iniisip nitong pag-asa ng pamilya, na mag-aahon sa kanila sa kahirapan, at pumalpak.
Sa tanang buhay niya, ngayon lamang siya nakakuha ng dalawang bagsak na marka, at sa dalawang major pa. Nasanay kasi siya na umiinog ang kaniyang mundo sa academics noong hayskul. Siya ang naging pambato ng kanilang paaralan kapag may inter-school competition na may kaugnayan sa Science at Math. Siya ang naging class salutatorian nang siya ay magtapos, kaya nakuha niya ang scholarship sa state university na pinangarap niyang mapasukan.
Subalit “nasabik” siya sa panibagong mundong pinasok niya sa kolehiyo. Nakilala niya ang unang babaeng nagpatibok sa kaniyang puso. Subalit ito rin ang nagbigay sa kaniya ng unang “heartbreak” na naging dahilan upang mawala siya sa pokus.
Nang matanggap niya ang class cards ng dalawang asignatura, at nakita niya ang mga bagsak na marka, pakiramdam niya ay pinagbagsakan siya ng langit at lupa. Hindi niya alam kung paano ipaaalam sa kaniyang ina ang nangyari. Naguluhan at nalito siya. Hindi siya nakapag-isip nang tama. Kaya naman, hindi siya nakapag-enrol sa ikalawang semestre kahit nagbigay naman ng pangmatrikula si Aling Marissa. Kay Andres niya sinasabi ang lahat ng kaniyang mga iniisip.
Upang hindi mahalata, araw-araw pa ring pumapasok sa paaralan si Charlie subalit hindi siya opisyal na mag-aaral. Maghapon lamang siyang tumatambay sa loob ng pamantasan. Inggit na inggit siya sa kaniyang mga kamag-aral. Gulong-gulo na ang isip ni Charles. Natatakot siyang sabihin sa magulang ang nangyari sa kaniya.
Sa tuwing nagkakalakas ng loob si Charles na ipagtapat ang totoo, saka naman nangyayari ang pagmamalaki ng ina sa mga kaibigan nito tungkol sa kaniya. Ito ang humaharang kay Charles upang sabihin ang katotohanan: ayaw niyang maguho ang itinayong pangarap sa kaniya ng pamilya.
“Kung ako sa iyo, Charles, sabihin mo na, kaysa malaman pa nila sa iba. Mas lalong nakakahiya. Sigurado ako ‘tol maiintindihan naman iyan ng Nanay mo. Pamilya mo sila. Kahit anong mangyayari, susuportahan ka nila,” payong-kapatid ni Andres.
Nang gabing iyon, hindi makatulog si Charles. Halo-halong emosyon ang kaniyang nararamdaman. Gusto niyang ipagtapat na ang totoo dahil sinusundot na siya ng konsensiya. Araw-araw, para niyang niloloko ang sariling ina sa isang bagay na hindi naman totoo. Pero sa kabilang banda, hindi niya kayang aminin sa sarili na isa siyang talunan. Na binigo niya ang kaniyang pamilya na maging Summa Cum Laude, dahil sa unang taon pa lamang sa kolehiyo ay lagapak na siya.
Upang makatulog, naalala niyang may sleeping pills siya. Kumuha siya ngisa upang uminom nito… Subalit tila may narinig siyang mga tinig sa kaniyang isip na nagsasabing laklakin niya ang lahat upang makalimutan niya ang iniindang problema. Nagpatianod siya sa tinig na ito. Hanggang sa magdilim ang lahat sa kaniya…
Pagmulat niya ng mga mata, nasa isang ‘di pamilyar na silid na siya. Silid pala sa ospital. Agad na lumapit sa kaniya ang lumuluhang si Aling Marissa, kinuha ang kaniyang mga kamay, at dinala sa kaniyang mga labi.
“Anak… anak ko… bakit mo ginawa iyon? Anong nangyari… may problema ka ba?”
At ipinagtapat na nga ni Charles ang lihim na kaniyang itinago.
“Patawarin po ninyo ako, ‘Nay… binigo ko po kayo! Isa po akong malaking talunan!” umiiyak na sabi ni Charles.
“Anak, naiintindihan ko naman kung bakit mo nagawa iyan… pero maniwala ka sa akin, kahit na ano pa ang nagawa mo, kahit na ano pa ang grades mo, kahit na bumagsak ka pa nang pauli-ulit, narito lang ako para gabayan kang makatayo at makaahon ulit…”
At niyakap ni Aling Marissa ang kaniyang anak.
“Sa susunod huwag ka nang maglilihim anak, ha? Sasabihin mo kaagad sa akin kung may problema.”
Tila nabunutan ng malaking tinik sa kaniyang dibdib si Charles. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na magsisimula ulit siya. Hindi pa huli ang lahat. Sa susunod, hinding-hindi na siya maglilihim sa kaniyang ina. Hinding-hindi na.