Isang Binatang Suki ng Lolang Nagtitinda ng mga Kakanin at Meryenda ang Araw-Araw na Bumibili sa Kaniya; Bakit Kaya Magaan ang Loob Nito sa Kaniya?
“Hello po… pabili po ulit ng turon.”
Napangiti si Lola Mira nang masilayan si Jeloy, ang binatang suki niya sa kahit na anumang kakaning itinda niya. Walang mintis na dumaraan ito sa kaniyang munting puwesto tuwing hapon, pagkagaling nito sa kaniyang trabaho sa opisina. De-kotse ito at mukhang mayaman; hindi na nito kinukuha ang sukli. Minsan ay pinapakyaw pa nito ang kaniyang mga paninda.
“O Jeloy, kumusta ka naman iho? Ikaw talaga ang pinakapaborito kong suki eh, aba, at may mga prutas ka pa para sa akin!” saad ni Lola Mira.
“Para po talaga sa inyo iyan, ‘Nay. Kainin po ninyong lahat iyan. Huwag po ninyong ibigay sa mga batang lansangan. Ang ibig ko pong sabihin, huwag lahat,” saad ni Jeloy.
Matapos ibalot ang limang pirasong turon sa dahon ng saging at isilid sa plastik, napansin ni Lola Mira na tila malungkot ang mga mata ni Jeloy.
“Iho, mukhang malamlam ang mga mata mo ah. May problema ka ba?” usisa ni Lola Mira sa suki.
“Wala ho, ‘Nay. Nalulungkot lang ho ako doon sa kakilala ko. Kasi ayaw na niyang makilala yung taong nag-iwan sa kaniya sa maraming panahon. Nalulungkot lang ho ako para sa kaniya, na hanggang ngayon ay malalim pa rin ang galit niya sa taong iyon,” paliwanag ni Jeloy sa dahilan ng kaniyang kalungkutang nararamdaman.
“Ganiyan talaga ang buhay. Mahirap naman talaga ang magpatawad. Ako, naniniwala akong nasa takdang panahon ang lahat. Ang mga sugat ay pinaghihilom ng panahon. Darating din ang araw na mapapatawad ng kakilala mo yung taong nakasakit sa kaniya. Magkakapatawaran din sila. Kailangan lamang huwag ipilit: parang sa bunga ng isang punongkahoy, mapakla kapag hilaw pa,” paliwanag ni Lola Mira.
“Tama naman po kayo sa sinabi ninyo, lola. Kaya lang, siyempre, gusto ko sana magkaayos na sila, para mas maraming panahon pa silang magkasama. Hindi kasi natin alam kung kailan kukunin ng Diyos ang ating buhay, kaya dapat sulitin ito sa mga taong mahal natin,” pahayag ni Jeloy.
“Teka nga muna iho, sino ba yang kakilala mo? Aba’y papuntahin mo nga rito at nang madagukan ko. Baka naman kasi maaaring makompromiso iyang galit na iyan? Baka naman maaari niyang mababaan ang pride niya,” sabi ni Lola Mira. Natahimik naman si Jeloy.
“Siguro po sa takdang panahon, lola. Ipapakilala ko po sa inyo para mapayuhan ninyo. Sige po, lola, salamat po sa masarap na turon! Bukas po dadaan po ulit ako para bumili. Dating gawi, keep the change!” paalam ni Jeloy. Sumakay na ito sa loob ng kaniyang kotse, at nagmaneho na pauwi.
Makalipas ng isang linggo, nagkasakit si Lola Mira. Hindi ito nakapagtinda. Hindi rin nakadaan si Jeloy dahil naging abala sa trabaho. Kaya nang sumapit ang Biyernes, saka lamang napag-alaman ni Jeloy ang nangyari sa matanda, batay na rin sa kuwento ng mga kadikit nitong nagtitinda sa maliit na puwesto nito.
“Saan po ba ang tirahan ni Lola Mira?”
Itinuro ng isang tinderang malapit kay Lola Mira ang lugar kung saan matatagpuan ang tinutuluyang maliit na bahay-kubo ng matanda. Nakaramdam ng awa si Jeloy sa kalunos-lunos na kalagayan ng maliit na bahay nito.
“Lola Mira, Lola Mira… tao po…” katok ni Jeloy sa pinto. Walang sumagot. Kinabahan si Jeloy. Kaya naman, ipinasya na niyang pumasok sa loob ng bahay nito sa pamamagitan ng bintana. Dumiretso siya sa hinihigaan ni Lola Mira na papag na yari sa kawayan. Inaapoy ito ng lagnat. Kinukumbulsyon. Nakapulupot sa ulo nito ang malaking tuwalyang tinigmak sa sukang paumbong.
“Lola Mira, dadalhin ko na po kayo sa ospital,” natatarantang sabi ni Jeloy. Binuhat niya ang matanda at isinakay sa kaniyang kotse, at nagmaneho siya sa pinakamalapit na ospital.
Mahalaga si Lola Mira kay Jeloy. Hindi lamang ito basta matandang nagtitinda ng mga kakanin at meryenda para sa kaniya. Hindi lamang siya basta suki nito. Agad niyang tinawagan ang kaniyang Mama.
“Ma… may sakit si Lola Mira. Puntahan mo na siya ngayon din dito sa ospital na itetext ko sa iyo. Parang awa mo na. Ako na ang nakikiusap sa iyo,” pahayag ni Jeloy sa kaniyang Mama.
Si Jeloy ay ang nawawalang apo ni Lola Mira. Nawawala dahil naglayas noon ang kaniyang Mama, noong bata pa lamang ito, dahil ayon sa kuwento ng Mama niya, naging pabayang ina si Lola Mira. Malalim ang galit ng kaniyang Mama kay Lola Mira, kaya tiniis nitong hindi magpakita sa loob ng mahahabang panahon.
Inalam naman ni Jeloy ang lahat ng impormasyon hinggil sa kaniyang lola, at hindi naman siya nabigo. Ipinasya niyang pagbatiin ang kaniyang Mama at si Lola Mira subalit ayaw ng una. Ipinasya naman ni Jeloy na huwag munang magpakilala kay Lola Mira bilang tunay nitong apo, upang mas makilala pa ang matanda, batay sa mga kuwento nito.
Batay sa kuwentuhan nila noon ng lola niya, napag-alaman niyang may katotohanan ang mga kuwento ng kaniyang Mama, na ultimo si Lola Mira ay aminadong naging pabayang ina. Pinagsisihan na raw nito ang lahat, simula nang lumayas at hindi na magpakita sa kaniya ang anak, na siyang Mama nga ni Jeloy. Hindi alam ni Lola Mira ang kinahinatnan ng anak.
Makalipas ang tatlong araw, lubusan nang gumaling mula sa trangkaso si Lola Mira. Sa pagmulat ng mga mata, mukha ni Jeloy ang natunghayan nito.
‘J-Jeloy, iho… maraming salamat sa pagliligtas mo sa akin” naiiyak na pasasalamat ni Lola Mira.
“Lola, maraming salamat po at ligtas na kayo. May kailangan po kayong malaman,” sabi ni Jeloy. Umalis ito at saglit, lumabas ng kuwarto, na tila ba may tinawag. Maya-maya, pumasok ang isang ginang, ang Mama ni Jeloy.
“Frida? Frida, anak… ikaw na ba iyan?” naluluhang pagkukumpirma ni Lola Mira sa kaniyang nawawalang anak na babae.
“Opo ‘Nay, ako po ito, si Frida. At ito naman po ang anak ko, si Angelo, na apo ninyo…” umiiyak na pagtatapat ni Frida.
“Paanong nangyaring apo ko si…”
“Lola, una pa lang po, alam ko na po na kayo ang lola ko. Minabuti ko pong mapalapit sa inyo, para mas makilala pa kayo. Kinaibigan ko po kayo para malaman ko ang side ng kuwento ninyo, para mapagbati ko na po kayo ni Mama. Sana po magkaayos na kayo,” saad ni Jeloy.
“Kaya pala magaan ang loob ko sa iyo Jeloy dahil tunay pala kitang kadugo! Apo pala talaga kita, at kaya pala napakabait mo sa akin. Frida anak, sana mapatawad mo ako sa mga kasalanan ko sa iyo. Pinagsisihan ko na ang lahat ng mga nagawa ko sa iyo, anak ko…” umiiyak na paghingi ng tawad ni Lola Mira.
“‘Nay, huwag na po kayong mag-alala. Pinatatawad ko na po kayo, at magsasama-sama na po tayo nina Jeloy sa bahay. Kaya magpalakas na po kayo dahil doon na po kayo titira sa amin,” saad ni Frida at nagyakap ang mag-inang nagkawalay nang maraming mga taon.
Nang makabawi na ng lakas, hinakot na nga ni Jeloy ang mga gamit ng kaniyang Lola Mira at inihatid sa kanilang bahay. Sa wakas, nagkasama-sama na rin silang magpamilya!