Halos Lahat ng mga Desisyon at Galaw ng Ginang ay Nakabatay sa Pamahiin; Magsisi Kaya ang Bayaw Niya Kung Hindi Siya Nito Susundin?
Likas na mapamahiin si Aling Nelia. Halos lahat ng kaniyang mga galaw at desisyon sa buhay, hindi maaaring walang kinalaman ang pamahiin, o kaya naman ay isinangguni sa horoscope.
“Uy Rose, huwag ka ngang kumanta habang nagluluto at baka makapangasawa ka ng matandang uugod-ugod na!”
“Alex, huwag ka munang magwalis at gabi na, baka maitaboy mo ang suwerte. Bukas na lamang. O kaya naman, ilagay mo muna sa tabi at bukas na lamang natin dakutin at itapon sa basurahan.”
“Natoy! Ang mga anak mo aalis na at baka mahuli sa eskuwela, pakiikot-ikot natin ang mga pinggan para ligtas sila!”
Kapag bumanat na nang ganito si Aling Nelia, napapakamot na lamang sa ulo ang mag-aamang Mang Natoy, Rose, at Alex.
“Pabayaan na ninyo ang Nanay ninyo. Sundin na lang natin, wala naman mawawala,” laging pinapaalala ni Mang Natoy sa kanilang mga anak.
Ilang araw bago ang pagsalubong sa Bagong Taon, kompleto na sa mga naipamili si Aling Nelia. Napuno na niya ang mga basyo ng kape, asukal, gatas, asin, mantika, mga condiments, at bigas. Nakabili na rin siya ng 12 piraso ng magkakaibang bilog na prutas gaya ng mansanas, peras, poncan, longgan, chico, lansones, dalandan, melon, pakwan, santol, bayabas, at pinya.
Inihanda na rin niya ang kaniyang daster na may mga polka dots. Nilagyan na rin niya ng mga pera ang lahat ng kaniyang mga pitaka, barya man o bills. Handang-handa na talaga si Aling Nelia.
Dalawang araw bago ang Bagong Taon, dumating ang kapatid ni Mang Natoy na si Nonoy. Dahil wala naman itong sariling pamilya, pinili na lamang nitong ipagdiwang at palipasin ang pagdiriwang ng Bagong Taon sa sambahayan ng kaniyang Kuya. Mula pa ito sa lalawigan ng Guimaras.
Natawa na lamang si Nonoy nang makita ang mga bilog na prutas na nasa planera. Nakalagay ito sa gitna ng mesang kainan.
“Hanggang ngayon pala, hindi pa nagbabago ang Ate Nelia. Mapamahiin pa rin! Sa probinsiya nga hindi na masyado eh,” komento ni Nonoy.
“Huwag kang maingay at baka marinig ka. Ikaw talaga. Basta sundin mo na lang, wala namang mawawala,” paalala ni Mang Natoy sa kapatid.
Habang sila ay nasa hapag-kainan para sa hapunan, kinumusta ni Aling Nelia si Nonoy.
“Parang nananaba ka yata, Nonoy. Hiyang ka. Kaya pala noong nakaraan, nabitiwan ko ang tinidor. Sa isip-isip ko, baka may darating na bisitang lalaki. Sakto, nariyan ka na…”
“Ikaw talaga Ate Nelia! Hanggang ngayon ay hindi ka pa rin nagbabago. Naniniwala ka pa rin sa mga pamahiin. Noong papunta nga ako rito, nakasalubong ko ang isang itim na pusa. Inisip ko, sabi mo noon, huwag nang tumuloy sa pupuntahan kasi mamalasin o may pinahihiwatig na masama. Kaya lang kung hindi naman ako tutuloy, sayang naman ang ipinamasahe ko sa ro-ro,” natatawang kuwento ni Nonoy. Lihim naman siyang pinandilatan ni Mang Natoy.
“Hoy totoo iyan! Ikaw talaga. Oo nga pala, huwag kayong masyadong mag-inuman ni Natoy ha? Ayoko nang lasing sa unang araw ng Bagong Taon. Baka kung anong mangyaring hindi maganda.”
Sa pagsapit ng bisperas ng Bagong Taon, tila hindi natupad ang paalala ni Aling Nelia dahil naparami ng inom ang magkapatid.
“Baka magalit na ang ate mo, hindi ba sabi niya huwag tayong maglalasing…” natatawang saway ni Mang Natoy sa kapatid.
“Kuya naman… pati ba naman ikaw paranoid na rin sa mga pamahiin na iyan? Ano naman masamang mangyayari sa atin kapag nakainom tayo sa Bagong Taon? Isang buong taon na ba tayong lasing o wala sa katinuan? Kuya, hindi lahat kailangan mong sundin ang sinasabi ni ate, maliban na lang kung takusa ka,” pabirong sabi ni Nonoy.
“Takusa?” takang tanong ni Mang Natoy.
“Takusa, takot sa asawa!” natatawang banat ni Nonoy.
“Hoy kayong dalawa, hindi ba sinabi ko sa inyo huwag masyadong magpakalasing? Malapit na ang Bagong Taon,” paalala ni Aling Nelia. Katatapos lamang nitong mag-ihaw ng barbecue.
“Kaunti na lang mahal, I love you…” saad ni Mang Natoy. Pumalakpak naman si Nonoy.
“Lasing na nga ang mga bugoy na ito,” bulong ni Aling Nelia.
30 minuto bago ang pagsapit ng Bagong taon, nagkakaputukan na. Kaliwa’t kanan na ang mga pailaw at mga ingay. May baon palang rebentador si Nonoy. Gamit ang kaniyang lighter, sinindihan niya ang isa, subalit hindi niya agad nabitiwan sa pag-aakalang wala pang sindi. Pumutok ang rebentador sa kaniyang kanang kamay.
Tila nawala naman ang tama ni Mang Natoy at agad na itinakbo sa ospital si Nonoy. Wasak ang kanang kamay ng kapatid.
“Sinabi ko naman kasi sa inyo, huwag kayong magpapakalasing sa pagpasok ng Bagong Taon! Ang kulit kasi ninyo! Hindi kayo nakikinig sa akin,” galit ngunit nag-aalalang sabi ni Aling Nelia.
“Bakit Nanay? Buong taon silang magiging lasing?” inosenteng tanong ni Alex sa ina.
“Hindi ganoon. Syempre kung lasing ka, baka mamaya, hindi mo na alam ang ginagawa mo. Tingnan ninyo ang nangyari sa Tito Nonoy ninyo. Hindi niya nabitiwan kaagad ang rebentador sa labis na kalasingan. Walang kinalaman ang pamahiin sa paalala ko,” paglilinaw ni Aling Nelia.
“Sa halip tuloy na nagsasaya tayo, hayan, nasa ospital tayo. Patawain ninyo ako Ate, Kuya, naging matigas ang ulo ko,” paghingi ng tawad ni Nonoy.
Nasa huli talaga ang pagsisisi. Totoo man o hindi ang pamahiin, sana ay nakinig na lamang si Nonoy sa paalala ng kaniyang Ate Nelia: eh ‘di sana, buo pa ang kanang kamay niya.