Pakiramdam ng Anak ay Walang Bilib sa Kaniya ang Amang CEO; Kailan Kaya Niya Maririnig Mula Rito na Ipinagmamalaki Siya Nito?
“Pa, good evening. Puwede po ba kayo maabala saglit?”
Napahinto sa pagtipa sa kaniyang laptop si Don Federico nang lumapit sa kaniya ang anak na si Paulo Juancho, 17 taong gulang, na nasa Senior High School. Nakangiti ang mga labi ni Paulo Juancho.
“Bakit?” matigas na tanong ni Don Federico. Takot na takot si Paulo Juancho sa kaniyang ama, na siyang CEO, founder, at presidente ng kanilang negosyo, na pinakamalaking construction firm sa bansa. Sila ang laging nananalo sa bidding para sa mga tulay at gusaling nais ipagawa ng pamahalaan.
“R-Report card ko po, ‘Pa…” bantulot na sabi ni Paulo Juancho. Iniabot niya ang kaniyang report card sa ama. Alam niyang matutuwa ito sa mga makikita niya. Sa unang markahan pa lamang, puro nasa line of nine na ang kaniyang mga marka. Ang pinakamababa niya ay 95, at iyon ay Filipino, MAPEH, at TLE habang ang pinakamataas naman niya ay 97, at iyon ay Science at Math. Sumampa naman sa 96 ang general average niya.
“Good grades, pero bakit 97 lang ang Science and Math? Anong klase iyan?” galit na tanong sa kaniya nito. Kung kanina ay masayang-masaya si Paulo Juancho, ngayon ay napalitan na ito ng pagkatakot sa kaniyang istriktong ama.
“P-Pa, first grading period pa lang naman po, I still have four chances para mas mapataas ko pa po. I can make it 98 or ma-retain ko po sa 97, pero pangako ko po to not make it 96 or lower…”
“Aba dapat lang. I am not satisfied with your grades yet. Do better,” saad ni Don Federico. Iniabot na nito sa kaniya ang report card, at bumalik na sa kaniyang ginagawa. Kabisado na ito ni Paulo Juancho. Kailangan na niyang umalis.
“Do better.”
Laging ganiyan ang litanya ng kaniyang ama. Kahit kailan, tila hindi nito kinilala ang kaniyang mga naabot sa usaping akademiko. Kilalang istrikto at matigas ang puso ng kaniyang ama pagdating sa negosyo. Kahit sa kaniya, pakiramdam niya ay hindi siya nito itinuturing na anak, dahil parang hindi naman nito pinahahalagahan ang efforts niya.
Mabuti na lamang at nariyan ang kaniyang Yaya Pacita, na ayon sa kuwento nito mismo, bata pa lamang ang kaniyang Papa ay ito na ang nag-alaga. Sumakabilang-buhay raw ang kaniyang Mama dahil sa pagkakasilang sa kaniya.
“Yaya, bakit ganiyan si Papa? Parang hindi naman niya nakikita ang efforts ko. Should I give up?” laging sinasabi ni Paulo Juancho sa kaniyang Yaya Pacita.
“Huwag, anak. Hindi ganiyan. Mahal na mahal ka ng Papa mo. Gusto lang niyang maging maayos ang paglaki mo. Tough love ang tawag doon,” lagi namang sasabihin sa kaniya ng Yaya.
Lumaki si Paulo Juancho na laging naghahangad sa balidasyon at pagkilala ng kaniyang Papa, na mahusay rin siya, at gusto rin niyang maabot ang mga narating nito, subalit tila napakailap nito. Lagi lamang nitong sinasabi, “That’s good… but it could be better. Do better next time.” Kailan kaya niya maririnig ang mga litanyang “That’s the best. I’m proud of you, son!”
Isang umaga, habang nagkasabay sila sa hapag-kainan sa oras ng almusal, binanggit ni Paulo Juancho ang pagnanais niyang maging CEO ng kanilang kompanya.
“Do you think ibibigay ko sa iyo ang pagka-CEO? No way. Baka ibagsak mo lang ito,” saad ni Don Federico.
“Hindi ibig sabihin na anak kita, ikaw na ang magmamana nito. Hindi ganoon. Puwede kong ibigay ang kompanya sa deserving na tao, those people who have been working with me, who are loyal to me, and have proven themselves. Marami ka pang kakaining bigas, Paulo Juancho. You have to do better.”
Tinandaan ni Paulo Juancho ang mga pahayag na iyon ng kaniyang ama. Pinili niyang magpakatatag. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na hinding-hindi niya susundan ang yapak o anino natin. Nagkaroon siya ng hinanakit sa kaniyang ama. Patutunayan niyang mali ito, at kayang-kaya niyang pantayan o higitan ang mga nagawa nito.
Kaya nag-aral mabuti si Paulo Juancho. Kumuha siya ng kursong Business Administration sa kolehiyo, at sinikap na huwag i-asa sa kaniyang ama ang kaniyang allowance, batay sa kaniyang mga naipon. Habang nag-aaral, nagtayo siya ng sariling negosyo: isang online coaching para sa mga nangangarap na maging negosyante, at pumatok naman ito dahil sa mahusay na pagsasalita ni Paulo Juancho. Kumuha rin siya ng mga lehitimong mga negosyante na magiging katuwang niya sa kaniyang negosyo, hanggang sa naisipan na rin niyang magkaroon ng YouTube channel upang mas madagdagan pa ang kaniyang sariling kita.
Kaya bago pa man matapos ni Paulo Juancho ang kaniyang pag-aaral, may sarili na siyang negosyo, at madali niyang nai-aaplay ang mga natutuhan niya sa paaralan. Nang makatapos, dumiretso na kaagad siya sa pagkuha master’s degree. Naisipan niyang magtayo ng isang negosyong pisikal na malayong-malayo sa negosyo ng kaniyang ama. Isang international buffet restaurant. Marami naman siyang nahikayat na investors kaya lumawak pa ang kaniyang negosyo at dumami ang mga branches.
Nang minsang makasabay niya sa hapag-kainan ang ama, nagulat siya ng binati siya nito.
“Really? Totoo ba iyan ‘Pa? Pinupuri mo ako?” gulat na tanong ni Paulo Juancho sa kaniyang ama.
“Yes. Bakit hindi? Alam mo son, I’m rooting for you noon pa man, at alam kong kaya mo. Thank God dahil ginawa mong positive reinforcement ang mga sinabi ko sa iyo noon, to always strive for the better. Ang look at you now— you’re the best! I’m proud of you, Paulo Juancho. Hindi ka sumunod sa anino ko. You made your own legacy.”
Para kay Paulo Juancho, siya na yata ang pinakamatagumpay na tao ng mga oras na iyon, hindi dahil sa lumalawak niyang mga negosyo, online man o pisikal, o dahil sa dami ng subscriber niya sa kaniyang YouTube channel, kundi dahil sa mga sinabi ng kaniyang ama, na proud ito sa kaniya.