Inday TrendingInday Trending
Dalawang Beses Tinanggihan ng Nobya ang Alok Niyang Kasal; Ito Pala ang Tunay na Dahilan ng Babae

Dalawang Beses Tinanggihan ng Nobya ang Alok Niyang Kasal; Ito Pala ang Tunay na Dahilan ng Babae

“Handa na ba ang lahat?” kinakabahang tanong ni Dom sa mga kaibigang abala sa paghahanda.

Tinawanan siya ng kaibigang si Theo nang makita nito ang kaniyang labing namumutla sa kaba. Tinapik nito ang kaniyang balikat bago ito sumagot. “Oo, pare. Chill lang diyan, kami na ang bahala.”

Pinanood niya ang mga ito na ayusin ang disenyo ng lugar. Mula sa bulsa ay inilabas niya ang kahita kung saan nakalagay ang singsing na ilang buwan din niyang pinag-ipunan.

Iyon ang araw na aalukin niya ng kasal ang nobya niyang si Giselle upang kaya naman halos lumabas ang kaniyang puso sa bilis ng pagtibok nito.

Tatlong taon na rin ang kanilang relasyon at nasisiguro niya na sa kaniyang sarili na mahal niya ito at gusto na niyang bumuo ng pamilya kasama ito.

Kaya naman tinipon niya ang lahat ng pinakamalapit nilang kaibigan sa lugar na iyon nang hindi nito nalalaman.

Ang akala nito ay simpleng date lang ang ay gagawin nila nang araw na iyon ngunit hindi nito alam na mayroon siyang inihandang isang malaking sorpresa.

“Pare, nandiyan na si Giselle!” narinig niyang bulong ng kaibigan na noon ay nakatago na sa madilim na bahagi ng lugar na iyon.

“Goodluck!” naulinigan niya pang bulong ng isa bago tuluyang nanahimik ang mga ito.

Siya naman ay ilang beses na tumikhim at huminga ng malalim para tipunin ang kaniyang lakas ng loob.

“Dom, anong meron?” agarang tanong nito habang iginagala nito ang mga mata sa mga bulaklak at lobo na nakapalibot sa lugar.

Hindi na siya nagpatumpik tumpik pa. Hinawakan niya ang kamay ng kasintahan at dinala ito sa gitna kung saan pinakamaliwanag.

Unti-unti ay lumuhod siya, binuksan ang kahita sa harap nito.

“Giselle. Mahal kita, pakakasalan mo ba ako?” ninenerbiyos na tanong niya rito.

Narinig niyang naghiwayan ang kanilang mga kaibigan bago isa isang nagsilabasan ang mga ito. Ang lahat ay naghihintay ng matamis na “oo” mula kay Giselle.

Namayani ang katahimikan. Kinakabahang hinuli niya ang tingin ng kasintahan.

Kitang kita ni Dom ang pamumuo ng luha sa mga mata ni Giselle bago ito marahang umiling. Kasabay ng pagtanggi nito ay ang ang pagkadurog ng kaniyang puso.

“Hindi. Hindi ko kaya,” garalgal na bulalas nito bago ito tumakbo palabas ng lugar na iyon.

Walang nagawa si Dom kundi ang sundan ng tanaw ang dalaga habang may naglalandas na luha sa kaniyang mga mata.

Hindi naman doon natapos ang kanilang relasyon.

Naisip niya kasi na maaaring nabigla lamang ito o hindi pa handa kaya naman sa sumunod na dalawang taon ay tahimik siyang naghintay para rito. Gayunpaman ay parati siyang nagpapahiwatig dito.

Ngunit kailanman ay hindi nag-komento ang babae sa usapang kasalan, kahit pa napakarami nang nagtatanong kung may plano na ba silang lumagay sa tahimik.

“Kailan niyo balak magpakasal? Aba’y excited na talaga ako magka-apo,” usisa ng kaniyang ina nang minsan nitong imbitahan si Giselle sa kanilang bahay.

Tahimik na hinintay niya na itong sumagot ngunit wala. Pasimple lamang na iniba ni Giselle ang usapan, bagay na ikinalungkot niya.

Isang makahulugang tingin ang ipinukol sa kaniya ng ina. Alam kasi nito ang kaniyang plano para sa gabing iyon.

Nang gabing iyon kasi, sa ikalawang pagkakataon ay lalakasan niyang muli ang loob. Bagaman walang kasigaruduhan ay gusto niyang malaman kung handa na ba ang kasintahan na bumuo ng sariling pamilya kasama siya.

Sa pagkakataong iyon ay wala siyang inimbitahan na kahit na sino para hindi ito ma-pressure.

“Giselle, mahal kita. Please, pakasalan mo ako. Gusto kong bumuo ng pamilya kasama ka,” sinsero niyang sinabi rito habang nakalahad ang singsing.

Ngunit imbes na ang inaasam niyang “oo” ay mga salitang tuluyang dumurog ng kaniyang puso ang narinig niya mula sa babae.

“Maghiwalay na lang tayo dahil hindi kita pwedeng pakasalan, Dom,” malamig na tugon nito.

Iyon ang huling pagkakataon na nakita niya si Giselle.

Sa awa ng Diyos ay nakatagpo siya ng isang babae na minahal niya nang lubos. Si Shirley.

Nagpakasal sila at nagkaroon ng anak.

Mahal niya ang kaniyang pamilya at masaya siya sa estado ng kaniyang buhay.

Halos tuluyan niya nang malimutan ang mapait na alaala niya kay Giselle nang makatanggap siya ng tawag mula sa isang ‘di kilalang numero.

“Dom, may tumatawag sa’yo,” wika ng kaniyang asawang si Shirley.

Sa kaniyang pag-uusisa ay nalaman niya na si Chris iyon, isa sa mga pinakamalapit na kaibigan ni Giselle noon. Simula ng maghiwalay sila ay hindi na rin niya masyadong nakausap ang mga ito kaya’t nakapagtataka na biglaan siya nitong tinawagan.

Akala niya ay isang simpleng kamustahan lamang ang dahilan ng pagtawag nito ngunit nawala ang kaniyang ngiti at binalot ng kung anong lungkot ang kaniyang sistema nang iparating nito sa kaniya ang isang masamang balita.

“Wala na si Giselle, pare.”

Nanlumo siya sa nalaman. Kahit kasi naghiwalay sila noon ay hangad niya pa rin na makatagpo ito ng lalaking magmamahal dito.

Kinabukasan ay nagpunta sila sa burol nito, kasama ang kaniyang pamilya dahil maging ang kaniyang magulang ay sumama lalo pa’t matagal nang nakasama ni Giselle ang mga ito.

“Ikaw pala ‘yan, Dom! Ngayon na lang ulit kita nakita,” sinalubong sila ni Tita Teresa, ang ina ni Giselle.

Naging malapit ang loob niya rito noong sila pa ni Giselle kaya naman ginawaran niya ito ng isang mahigpit na yakap. Alam niya kasi na mahal na mahal nito ang anak.

“Kumusta po?” pilit ang ngiting tanong niya sa matandang mugtong mugto ang mata.

“Ito na ba ang asawa at anak mo? Kagandang bata!”

Saglit silang nagkumustahan bago siya nagkalakas ng loob na magtanong.

“Ano po ang nangyari kay Giselle, Tita?”

Hindi niya rin maiwasan ang malungkot dahil kahit na hiwalay na sila ay matagal din silang nagkasama at hindi maitatanggi na minsan niya ring minahal nang sobra ang babae.

“May k@nser siya sa matr*s. Namana niya iyon sa kaniyang Lola na siyang ikinam@tay nito. Hindi siya pwedeng magkaanak, Dom. Iyon rin ang rason kung bakit hindi ayaw niyang magpakasal sa’yo, lalo pa’t ang sabi niya ay gustong gusto mo magkaroon ng anak at alam niyang hindi niya kayang ibigay iyon sa’yo. Kung magkakaroon man ng himala at makabuo kayo, natatakot siyang maipasa rin dito ang parehong sakit,” paliwanag nito.

Natulala siya sa rebelasyon nito at kusang napahagulgol para sa dating katipan. Iyon pala ang sagot sa tanong niya noong sila pa ng babae.

“Patawarin mo si Giselle. Ayaw niya lang na ikulong ka sa isang relasyon na hindi ka magiging masaya,” sabi nito at hinawakan ang kaniyang kamay.

“Alam kong masaya ang anak ko para sa’yo. Mukhang mabait ang asawa at anak mo. Alagaan mo nang mabuti ang pamilya mo, Dom,” dagdag pa nito saka ito tumayo upang asikasuhin ang ibang bisita.

Naramdaman niyang niyakap siya ng kaniyang asawa. Alam nito ang nakaraan nila ni Giselle, kaya naiintindihan nito kung bakit siya umiiyak nang mga sandaling iyon.

Nang kumalma siya ay saka lamang siya nagkaroon ng lakas ng loob na lapitan ang ataul kung saan ito nakahimlay. Nais niyang magpaalam sa dating katipan.

“Napakatapang niya,” komento ng kaniyang asawa.

Ngumiti siya rito at tumango.

Masayang masaya siya na nahanap niya si Shirley at kasama niya itong bumuo ng pamilya.

Ang tangi niya lang pinagsisisihan ay hindi niya nasabi kay Giselle na mamahalin niya pa rin ito kahit na wala itong kakayahan na bigyan siya ng anak.

Isinakripisyo nito ang sariling kaligayahan para sa alam nitong ikaliligaya niya.

“Maraming salamat sa iyong pagmamahal, Giselle. Hinding hindi kita makakalimutan,” pagpapaalam niya sa babaeng minsan niyang minahal.

Advertisement