Isang Estranghero ang Binigyan Niya ng Payong; Isang Sorpresa ang Balik Nito sa Kanila
Alas nuwebe na ng gabi. Hindi mapakali ang binatilyong si Benny dahil alam niya na hinihintay siya ng kaniyang nakababatang kapatid na si Jelly.
Hindi kasi siya makaalis sa tindahan dahil malakas ang ulan at wala siyang payong.
Kipkip niya sa kaniyang dibdib ang plastik na naglalaman ng isang balot na tinapay at gatas para sa kaniyang kapatid.
“Naku, baka umiyak na si Jelly dahil mag-isa siyang naiwan. Umuulan pa naman. Sugurin ko na lang kaya ang ulan?” sa isip isip niya.
Akmang tatakbo na binatilyo nang marinig niya ang sigaw ng isang pamilyar na boses.
“Benny!”
Nalingunan niya ang guwardiya ng tindahan na pinagbilhan niya ng tinapay. Kilala na siya ng lalaki dahil matagal na siyang suki ng naturang tindahan.
“Bakit po, Kuya Gary?” takang tanong niya rito.
“‘Wag kang sumugod sa ulan,” wika nito bago iniabot sa kanya ang isang puting payong.
“Hala! Salamat po, Kuya! Pero paano ka po mamaya pag-uwi niyo?”
Ayaw niya namang kunin ang payong nito kung ito naman ang mababasa ng ulan.
Nakangiting umiling lang ito. “Sa’yo na ‘yan, Benny. May isang customer na nakaiwan niyan dito higit isang buwan na ang nakararaan. Wala namang kumuha kaya sa’yo na ‘yan. Sige na, baka hinahanap ka na ni Jelly,” taboy nito sa kaniya bago muling pumasok sa tindahan.
Naiwan na lamang na nakangiti si Benny.
Ulilang lubos na sila ng kaniyang kapatid na si Jelly. Bagaman mahirap ang buhay dahil maaga silang nawalan ng pamilya, positibo pa rin ang pananaw ni Benny sa mundo.
Saksi kasi siya sa maraming kabutihan na kayang gawin ng kaniyang kapwa.
Kagaya na lang ng guwardiya na si Gary. Napakabait nito sa kanilang magkapatid. Madalas sila nito abutan ng paunti-unting tulong.
Isa lamang si Gary sa maraming tao na araw araw ay pinapakitaan sila ng kabutihan.
Akmang maglalakad na siya pauwi nang mahagip ng kaniyang tingin ang isang matandang lalaki. May hawak itong kape na umuusok pa na sa tingin niya ay binili nito mula sa tindahan.
Mukhang naghihintay ang matanda na tumila ang ulan dahil maliban sa kape ay wala na itong iba pang hawak.
Simpleng short, puting T-shirt, at tsinelas lamang ang gayak nito.
Napako ang tingin niya sa puting payong na hawak.
“‘Tay!” tawag niya rito.
Napalingon ito sa kaniya. Kumunot ang noo bago animo’y naguguluhang itinuro nito ang sarili.
“Ako ba, hijo?” kumpirma nito.
“Opo, kayo po,” tumango siya rito bago iniabot rito ang payong.
“Bakit mo ako binibigyan ng payong?” tila napapantiskuhang tanong nito.
“Wala po kasi kayong payong. Baka po magkasakit kayo ‘pag sumugod kayo sa ulan,” paliwanag niya.
Nagliwanag naman ang mukha nito bago muling napalitan ng pag-aalala.
“Pero paano ka naman?” muli ay tanong nito.
“Ok lang po ako. Bata pa po ako at hindi naman ako sakitin. Tatakbuhin ko na lang po ang bahay namin!” nakangiting sagot niya rito bago sumugod sa ulanan.
“Hijo, sandali. Hindi ko naman…”
Hindi niya na narinig pa ang ibang sinabi ng matanda dahil mabilis na siyang tumakbo pauwi.
Walang pagsisisi na nadama si Benny sa ginawa. Hindi naman kahit na kailan maling ibalik sa iba ang kabutihang kaniyang natanggap.
Pag-uwi niya sa kanilang maliit na barong-barong ay naabutan niya ang kapatid na nakatalukbong sa matigas na papag. Marahil ay natakot ito sa malakas na ulan.
“Jelly! Nandito na si Kuya!” malakas na tawag niya rito.
Mabilis itong bumalikwas bago nagtatakbo palapit sa kaniya.
“Kuya!”
“‘Wag kang lalapit sa akin dahil basang basa ako ng ulan. Maliligo lang ako saglit at ititimpla kita ng gatas, ok ba ‘yun?” malambing na tanong niya sa kapatid.
Maamong tumango tango naman ang bata.
Ilang sandali pa ay minamasdan niya na ang kapatid na tahimik na kumakain.
“Kuya, ayaw mo?” inosenteng tanong nito habang inaabutan siya ng piraso ng tinapay.
“Busog pa si Kuya,” pagsisinungaling niya rito.
Sa totoo lang ay kumakalam na rin ang sikmura niya subalit ayaw niya na na hatian pa ang kaniyang kapatid sa kakarampot na pagkain nito. Didiskarte na lang siguro siya kinabukasan para sa sarili niya. Ang mahalaga ay malamnan ang sikmura ng kaniyang kapatid.
Matapos ang taimtim na pagdarasal ng gabing iyon ay niyaya niya nang matulog ang nakababatang kapatid.
Kailangan niya rin kasing gumising nang maaga para makadilehensiya ng kakainin nila ni Jelly. May mga kapitbahay na hindi nakakalimot magbigay ngunit ayaw niya rin naman umasa sa iba.
Nagising ang magkapatid ng malakas na katok sa kanilang pinto na halos giba na.
Pupungas pungas niyang binuksan ang pinto.
Nagulat siya sa hindi inaasahang bisita na bumungad sa kaniya – walang iba ang matandang binigyan niya ng payong!
“Tatay?” gulong gulong tanong niya. Ibang iba kasi ang ayos niyo nang mga sandaling iyon kumpara sa ayos nito nang nagdaang gabi. Magara ang suot nito at mukhang may sinasabi ito sa buhay.
Sa likod nito ay nakita niya ang isang magarang sasakyan habang may driver na nakatayo sa gilid nito.
Nananaginip ba siya?
“Oh hijo, pasensiya na at mukhang nabulabog ko yata ang pagtulog niyo,” bungad nito. Nagkakamot pa ito ng ulo na tila nahihiya.
Nang magsalita ito ay doon niya napagtanto na hindi siya nananaginip.
“N-naku, hindi po! P-pasok po kayo!” natatarantang yaya niya rito.
“Bakit po?” kinakabahang tanong niya nang makaupo ito sa kanilang lumang silya.
“‘Wag kang matakot, hijo, wala akong masamang intensyon. Nagtanong tanong ako sa mga kapitbahay at napag-alaman ko na ulilang lubos na pala kayong magkapatid?”
“Tama po, dalawang taon na rin po ang lumipas simula nang mawala si Nanay. Si Tatay naman po ay pumanaw na noong bagong silang pa lang po si Jelly,” kwento niya sa matanda.
“Hindi na ako magpapatumpik tumpik pa, hijo. Naparito ako upang sabihin sa inyong magkapatid na handa akong ampunin kayo kung papayag kayo,” maya maya ay kaswal na wika ng matanda.
Nanlaki ang mata niya. “P-po? Pero bakit po kami, Tatay?” naguguluhang tanong niya rito.
“Lolo. Tawagin mo akong Lolo Enero. Mabait kang bata. Sigurado akong ganun din ang kapatid mo. Humanga ako sa kabaitang ipinakita mo sa akin kagabi. Nakita ko na kung kaya mong maging mabuti sa kabila ng sitwasyon mo sa buhay, paano pa kaya kung magkakaroon ka ng masaganang buhay? Magiging malaking biyaya kayo sa mundo. Ang mga batang kagaya niyo ay dapat nararanasan ang tamis ng buhay,” simpleng paliwanag ng matanda.
Hindi makapaniwala si Benny sa bilis ng pangyayari. Sa isang iglap kasi ay nabago ang buhay nilang magkapatid.
Nakakakain na sila nang higit sa tatlong beses isang araw at nakakatulog sila sa komportableng higaan.
Makakapag-aral na rin daw silang magkapatid sa susunod na pasukan!
At higit sa lahat, mayroon silang natatawag na pamilya sa katauhan ni Lolo Enero, na lubhang napakabait sa kanila ni Jelly. Tunay na apo ang turing nito sa kanila.
Masayang masaya si Benny. Hindi niya alam na ang simpleng kabaitang ipinakita niya kay Lolo Enero nang gabing iyon ay may hatid na malaking biyaya na nagpabago sa buhay nilang magkapatid.