Nagtaka Siya Dahil Napakaraming Sapatos ang Gustong Ipabili ng Anak; Nagulat Siya nang Matuklasan Kung Para Saan Talaga ang mga Iyon
“Mama! Nandito na po ako!”
Malawak na napangiti si Emily nang marinig niya ang tinig ng nag-iisang anak na si Justin.
Akmang yayakap sa kaniya ang binatilyo nang pigilan niya ito.
“Hep, hep! Pawis na pawis ka, magpalit ka muna ng damit!” utos niya sa anak.
“Mama naman, napakaselan!” nakangusong wika ng binatilyo bago tumalima.
Natatawang sinundan niya na lamang ito ng tingin.
“Wow! Spaghetti! Ang paborito ko!” natutuwang wika ng binatilyo nang hainan niya ito ng merienda.
Magana itong kumain.
“Ikaw na bata ka, saan ka ba nagpupupunta at pawis na pawis ka na naman?” maya maya ay sita niya rito.
Napakamot ito ng ulo bago sumagot. “Diyan lang po, Mama. Naglalaro kami ng basketball,” nakangiting sagot nito bago sunod sunod na sumubo ng spaghetti.
Nakuntento naman si Emily sa sagot ng anak. Alam niya kasi mas maganda nang aktibo sa mga pisikal na aktibidad ang kaniyang anak kaysa magaya ito sa mga kaedaran nito na puro computer games lang ang alam.
“‘Ma…” maya maya ay narinig niya tawag ni Justin.
“Bakit?”
“‘Ma baka pwede po ako magpabili ng sapatos…” tila nahihiyang sabi nito.
Nagliwanag ang mata niya. Bibihira kasi manghingi ng kung ano ano si Justin sa kanila. Maluwag ang pamumuhay nila ngunit lumaki itong hindi materyalistiko kaya naman proud na proud siya sa anak.
“Oo naman, anak. Tapusin mo na ‘yang pagkain mo at ngayon rin ay bibili tayo ng sapatos na gusto mo!” nakangiting wika niya sa anak.
Nagmamadali naman nitong tinapos ang pagkain. Halatang halata sa mukha ng anak ang pagkasabik, bagay na ipinagtaka niya.
Kahit naman kasi hindi ito materyoso ay sinisiguro pa rin nilang mag-asawa ang bata na magkaroon ng mga bagay na uso sa mga kabataan.
“Mama, tara na po!” nagmamadaling yaya nito bago nagmamadaling tumakbo palabas ng bahay.
Pagdating nila ng mall ay mabilis ang lakad ni Justin papunta sa bilihan ng sapatos.
“Justin, bakit ka ba nagmamadali, anak?” hinihingal na untag niya sa binatilyo nang maabutan niya itong namimili na ng sapatos.
“Sorry, Mama. Excited lang po ako na bumili ng sapatos,” natatawang sagot nito.
Gulat na gulat naman siya nang makitang nasa tatlong pares na ang napipili ng anak.
Bagaman nagtaka siya ay pinili niyang hindi magsalita. Naisip niya na baka kasi hindi makapili si Justin kaya hinintay niya itong makapag ikot ikot at makapagdesisyon.
“Mama, nakapili na po ako.”
Mula sa sa binabasang magazine ay iniangat niya ang tingin nang marinig niya ang boses ng anak.
Nanlaki ang mata niya ang makita ang hawak nito. Hindi isa, hindi dalawa, kundi anim na pares ng sapatos ang gusto nitong bilhin!
“A-anak? Ipapabili mo lahat ‘yan?” takang usisa niya sa anak.
Marahan itong tumango habang nagkakamot ng ulo.
“Opo sana, Mama,” tila nahihiyang sagot nito.
Wala namang kaso kay Emily dahil may pambili naman sila. Ang tanong ay, magagamit ba iyon lahat ni Justin?
“Anak, bakit napakarami naman yata niyan? Hindi mo naman magagamit lahat ‘yan dahil dadalawa lang naman ang paa mo,” natatawang komento niya.
“Sige na po, Mama. Please po. Wala na po akong ibang ipapabili na iba, ito lang po,” maamo namang pakiusap nito.
Tama naman ang anak. Minsan lang talaga itong manghingi sa kanila kaya naman kahit anong hingin nito ay pinagbibigyan nilang mag-asawa.
“Anak, ngayon lang ito ha. Hindi maganda na mayroon kang sobra sobra. Mayroon kasing iba na hindi man lang makabili ng kahit isang pares man lang,” seryosong sermon niya sa anak.
Tumango naman ito at ngumiti. Alam niyang naunawaan nito ang sinasabi niya.
Wala siyang nagawa kundi bayaran ang lahat ng sapatos na gustong bilhin ng anak.
Sulit naman ang mahal niyang ginastos dahil nakita niya ang matamis na ngiti ng anak. Halos magtatalon ito sa tuwa nang pauwi na silang mag-ina.
Habang kumakain silang mag-anak ng hapunan nang gabing iyon ay isang sorpresa ang hatid ni Justin.
“Mama, may laban po kami sa Sabado. ‘Yun po ang unang unang laban na sasalihan ng team namin. Makakanood po kaya kayo ni Papa?” wika nito.
“Aba! Oo naman, pwede ko ba namang hindi panuorin ang unang laro ng unico hijo ko?” malawak ang ngiting sagot ng kaniyang asawa.
“Siyempre naman anak, sa laki ba naman ng ginastos ko sa mga sapatos mo?” biro naman niya.
Nagkatawanan silang tatlo.
Sabado. Maaga pa lamang ay nakagayak na ang mag-anak. Alas nuwebe ng umaga kasi ang simula ng laro nina Justin.
Nang makarating sila kung saan gaganapin ang laro ay halos mapaluha si Emily sa nasaksihan.
Nang makita niya kasi ang mga sapatos na suot ng kagrupo ng kaniyang anak ay noon niya napagtanto kung para saan talaga ang napakaraming sapatos na ipinabili ng kaniyang anak – para sa mga kagrupo nito.
Hindi niya na pala kailangan pang pangaralan ang kaniyang anak ukol sa pagkakaroon ng sobra sobra dahil marunong naman pala ito magbahagi sa iba.
Nang matapos ang laro ay lumapit sa kanilang mag-asawa si Justin kasama ang mga kagrupo nito.
“Congrats! Ang gagaling niyo,” bati sa mga ito ng asawa niya.
“Salamat po, Ma’am! Buti na lang po binilhan niyo rin kami ng sapatos. Mahirap din po kasing makabili ng ganitong sapatos kasi wala po kaming pambili,” nakangiting wika ng isa sa mga kagrupo ni Justin, na sinang-ayunan naman ng iba pa.
Si Justin naman ay nakatingin lamang sa kaniya, tila tinitingnan ang magiging reaksyon niya.
Tila nakahinga ito nang maluwang nang ngumiti siya.
“Walang anuman. Masaya ako na may naitulong kami sa team niyo,” sagot niya sa mga ito.
Hinawakan niya naman nang mahigpit ang kamay ng anak.
“Proud na proud ako sa’yo, anak,” bulong niya rito.