Inday TrendingInday Trending
Pilit na Pinapauwi ng Mister ang Asawang OFW para Alagaan ang Kanilang mga Anak; Ito ang Kinahantungan ng Kaniyang Pag-Uwi

Pilit na Pinapauwi ng Mister ang Asawang OFW para Alagaan ang Kanilang mga Anak; Ito ang Kinahantungan ng Kaniyang Pag-Uwi

“Kailan ka ba talaga uuwi, Melissa? Hahayaan mo na lang ba na lumaki ang mga anak mo rito na walang ina? Napapagod na ako na mag-alaga sa kanila. Ikaw ang dapat na gumagawa nito at hindi ako,” galit na sambit ni Rey sa kaniyang misis na isang OFW.

“Kung uuwi ako, Rey, sige nga? Ano ang ipangbubuhay natin sa mga anak natin? Babalik ka na naman sa trabaho mo sa sabungan? Tapos ang kikitain mo ay ipangsusugal mo ulit? Kung hindi naman naubos ang ipon natin sa kakasugal mo ay hindi naman ako mananatili dito, ‘di ba? Sinong ina ang gustong malayo sa kaniyang mga anak?” naiinis ding tugon ni Melissa.

“Sino? E, ‘di ikaw! Aminin mo na kasi na mas gusto mo pa riyan kaysa alagaan itong apat na anak natin! Nagpapakasasa ka riyan habang ako narito at nag-aalaga sa kanila. Umuwi ka na kung hindi ay hindi mo na makikita pa ang mga anak mo!” pananakot ng ginoo.

Magsa-sampung taon na si Melissa bilang isang domestic helper sa ibang bansa. Kahit na hindi gaanong kalakihan din ang sahod ay tinitiis niyang malayo sa kaniyang pamilya masiguro lamang na may kakainin at ipanggagastos ang mga ito.

Ngunit hindi maintindihan ng kaniyang asawang si Rey na hindi magawang makauwi ni Melissa dahil nga sa dami at lumalaki nilang pangangailangan. Idagdag mo pa riyan ang utang dahil sa pagsusugal ng asawa. Ang nais ni Rey ay siya na ang maghahanap-buhay at si Melissa na lang ang manatili sa bahay para mag-alaga at mag-asikaso sa kanilang mga anak.

Subalit kung babalikan ang buhay nila noong ang padre de pamilya pa ang naghahanap-buhay ay halos isang kahig isang tuka ang pamilya. Madalas ay wala pa silang makain dahil isinusugal lang din ni Rey ang kaniyang kita.

Halos araw-araw ay pinagtatalunan ng mag-asawa ang pag-uwi ni Melissa sa Pilipinas. Nais man kasi ng ginang ay hindi niya ito magawa dahil ayaw na niyang bumalik pa sila sa dating buhay.

“Rey, kung uuwi ako, paano ang mga bata? Paano ang pag-aaral nila at mga pangangailangan nila. Akala mo ba ay nagpapakasaya lang ako dito sa ibang bansa? Nakakalungkot na nag-aalaga ako ng bata at nagsisilbi sa ibang pamilya gayong kayo riyan ay hindi ko maalagaan,” naiiyak na pahayag ni Melissa.

“Ngayon ay nanunumbat ka na hindi ko kayang magdala ng pera dito sa bahay? Porket mas malaki ang nadadala mong salapi sa pamilyang ito ay ganyan ka na magsalita?” sambit naman ng mister.

“Hindi ko alam, Rey, kung bakit hindi mo ako maintindihan. Para ito sa pamilya natin. Para ito sa mga anak mo! Kung uuwi ako ay babalik na naman tayo sa dati. Walang makain at puno ng utang!” sambit pa ni Melissa.

Minsan ay ayaw na lang sagutin ni Melissa ang tawag ng kaniyang asawa dahil paulit-ulit lamang silang nag-aaway tungkol sa bagay na ito. Kahit anong pilit na ipaunawa niya sa asawa na ang tanging hangad lang niya ay ang kapakanan ng pamilya ay hindi naniniwala si Rey.

Hanggang sa dumating ang araw na tumatawag si Melissa at hindi na sinasagot pa ng ginoo ang kaniyang mga tawag. Kahit na ang mga anak niya ay hindi na niya mga nakakausap pa.

Isang beses nang tumawag siya ay nasagot ng panganay na anak ang telepono.

“Ayaw po namin kayong makausap. Sabi ni papa ay hindi nyo naman daw kami mahal,” saad ng bata.

“Hindi totoo ang sinasabi ng papa mo. Narito ako dahil sa inyo. Para mabigyan ko kayo ng magandang buhay, anak,” saad pa ng ginang.

“Kung mahal mo kami ay bakit hindi ikaw ang nag-aalaga sa amin. Huwag ka ng tatawag pa kasi mas sinasaktan mo lang kami. Pinapaasa mo lang kami sa wala,” saad pa ng panganay na anak.

Halos madurog ang puso ni Melissa sa sinabi ng kaniyang anak. Maging ang kaniyang mga anak ay ayaw na rin siyang makausap. Nabilog na ang mga isip nito ng kanilang ama.

Simula noon ay nagdesisyon na si Melissa na tuluyan nang lisanin ang kaniyang trabaho at umuwi ng Pilipinas.

Noong una ay naging maayos naman ang pagsasama muli ng mag-anak. Kahit na ilag ang kaniyang mga anak sa kaniya ay sinikap ni Melissa sa ibalik ang tiwala at pagtingin ng mga ito sa kaniya.

Samantala, si Rey na ang muling nagtrabaho para sa pamilya.

Hanggang isang araw ay napansin na naman ni Melissa ang pagbabago ng mister. Hindi na nga ito nakakapag-uwi ng pera sa bahay ay puno na naman sila ng utang dahil sa kaniyang bisyo.

Sa tuwing kokomprontahin niya ang asawa ay pananakit sa misis ang tanging sagot nito.

Isang araw ay bigla na lamang nagkasakit ang bunso nilang anak. Ni singko ay wala mahugot si Melissa sa kaniyang pitaka ngunit kailangan na nitong dalhin sa ospital. Napaiyak na lamang nang matindi si Melissa.

Kahit walang pera ay dinala niya sa ospital ang anak. Nanlalambot ang kaniyang mga tuhod at walang patid ang pagbagsak ng kaniyang mga luha habang pinagmamasdan niyang walang umaasikaso sa kaniyang anak dahil wala silang pera.

Labis ang pagsisisi niya na umuwi pa siya ng bansa.

“Kaya kong isakripisyo ang pagtingin at pagmamahal ng mga anak ko sa akin. Ang hindi ko lang kaya ay bawiin sila kaagad sa akin ng Panginoon. Diyos ko, tulungan niyo po kami,” pagtangis ng ginang.

Tinulungan si Melissa ng ilang kaanak at kaibigan. Sa pagkakataong iyon ay nakapagdesisyon na siya na iwanan na ang asawa at bumalik muli sa ibang bansa para magtrabaho.

“Dito muna kayo sa lola niyo, mga anak. Kahit na malayo ang nanay ay tatandaan niyo na mahal na mahal ko kayo. Alam kong ngayon ay hindi niyo pa ito naiintindihan pero balang araw ay mararamdaman nyo rin ang nais kong ipabatid,” sambit niya sa mga anak habang nasa paliparan paalis ng bansa.

Malungkot man ay muling iiwan ni Melissa ang mga anak baon ang pag-asang isang araw ay makakaipon din siya at tuluyang makauwi sa Pilipinas upang makasama ang kaniyang mga anak.

Talagang napakasakit sa mga magulang ang iwan ang kanilang mga anak upang magtrabaho sa malayo. Ngunit ang tunay na pagmamahal ng ina ay hahamakin ang ano man at sino man, ibibigay ang buong puso at kaluluwa, para lamang maibigay sa anak ang lahat ng pangangailangan ng mga ito.

Advertisement