Inday TrendingInday Trending
Kumuha ng Credit Card ang Binata upang Mabili ang Kaniyang mga Gusto; Pagsisisihan din pala Niya Ito sa Bandang Huli

Kumuha ng Credit Card ang Binata upang Mabili ang Kaniyang mga Gusto; Pagsisisihan din pala Niya Ito sa Bandang Huli

“Pare, nakita mo na ba ang bagong selpon ni Jeric? Grabe, ang ganda! Balita ko ‘yun daw ‘yung pinakabagong modelo ngayon. Iba talaga si Jeric, dagdag puntos na naman ‘yun para sa mga babae,” kwento ni Eduard sa kaibigan at kasamahan sa trabaho na si Alvin.

“Pabayaan mo na siya. Puro yabang naman ang alam niyang si Jeric. Palagi na lang niyang pinagmamalaki ang mga bago niyang gamit pero tingnan mo dito sa trabaho ay wala naman siyang binatbat,” tugon naman ni Alvin.

“Hindi kaya naiinggit ka lang sa kaniya kaya ganiyan kang magsalita? Hayaan mo, pare, huwag kang mag-alala balang araw ay magkakaroon din tayo ng ganoon. Tiyak ako marami tayong mahahatak na mga babae,” kantiyaw pa ni Eduard.

“Hindi ako naiinggit. Tigilan mo na nga iyang mga sinasabi mo at oras ng trabaho. Dapat ay nagtatrabaho tayo!” sambit muli ni Alvin.

Malaki ang paghanga ni Eduard sa kasamahan niya sa trabaho na si Jeric. Madalas kasi ay bago ang mga gamit nito kaya marami ang nahuhumaling din sa kaniya. Kung ano ang uso’y tiyak mong mayroon siya nito. Kaya ganoon na lamang ang inggit na nararamdaman ni Eduard sa binata. Matagal niya na kasing ninanais na magkaroon ng magagarang gamit at nais niyang lapitan din siya ng mga babae.

Isang araw ay hindi na nakatiis pa si Eduard at kinausap na niya si Jeric. Malaki kasi ang kaniyang pagtataka kung saan kinukuha ng binata ang kaniyang pinambibili.

“Siguro ay may iba ka pang sideline, ano? Kasi pare-pareho naman tayo ng sweldo at ng trabaho pero ikaw ay nakukuha mong bumili ng ganiyang mga bagay. P’wera na lang kung may nobya kang matandang nagbibigay sa iyo ng mga gamit,” pabirong wka ni Eduard sa katrabaho.

“Loko! Wala akong ganun. Pero parang masaya yata kung mayroon talagang nahuhumaling sa akin bigla tapos bibigyan niya ako ng kung anu-anong gusto ko,” natatawang tugon naman ni Jeric.

“Pero pwera biro, wala akong sideline at lalong higit na walang nobyang matandang mayaman. Ang mayroon ako ay credit card. Bibilhin ko ito ng utang at saka ko binabayaran ng hulugan. Kaya ko nabibili ang lahat ng gustuhin ko,” paliwanag ni Jeric.

Sa puntong iyon ay nais din ni Eduard ang magkaroon ng isang credit card.

Tinanong niya sa kaibigang si Alvin kung paano siya makakakuha nito.

“Sige na, pare. Tulungan mo na ako. Hindi ba may kilala ka sa bangko. Para ma-aprubahan kaagad,” pangungulit ni Eduard sa kaibigan.

“Tigilan mo nga ako. Saka, alam mo bang hindi basta-basta ang pagkakaroon ng isang credit card. Malaking responsibilidad iyan dahil babayaran mo pa rin naman ang mga bibilhin mo,” saad ni Alvin.

“Oo nga! Babayaran ko naman. Mas maayos nga kasi hindi ako magigipit dahil hulugan,” sambit muli ni Eduard.

“Kung gagamitin mo lang sa pagbili ng mga kung anu-anong bagay ay h’wag mo nang atimin na magkaroon ng credit card. Sinasabi ko sa’yo, nakakaadik ang pagkaskas nito. Lalo na kung hindi ka responsable sa paggamit. Baka mabaon ka pa sa utang,” muling wika ni Alvin.

“Bahala ka nga. Kung ayaw mo akong tulungan ay magpapatulong na lang ako sa iba. Pero hindi mo ako mapipigilan na kumuha ng credit card,” wika naman ni Eduard.

Kahit anong sabihin ni Alvin ay hindi niya napigilan ang kaibigan.

Nag-apply sa mga bangko itong si Eduard ng credit card. Nang magkaroon siya ay hindi niya alam kung saan at kung paano niya ito gagamitin.

Sinubukan niyang bumili ng ilang kailangan sa grocery. Nakakatuwa at wala kang ilalabas na pera at sa susunod na buwan mo pa ito babayaran. Kaya kahit wala kang dalang pera ay maiuuwi mo ang mga pinamili mo.

Sa una ay naging maayos naman si Eduard sa pagbabayad ng kaniyang credit card lalo na at sa maliliit na halaga lamang ang pinagagamitan niya nito.

Hanggang sa isang araw habang nasa mall ang magkaibigan ay nakakita si Eduard ng isang magandang sapatos.

“Tutal luma naman na itong sapatos ko ay bibili na ako ng bago,” saad ni Eduard kay Alvin.

“Sigurado ka bang iyang mahal na sapatos na iyan ang bibilhin mo, pare? Kulang ang sweldo natin d’yan!” pagpapaalala ni Alvin.

“Gagamitin ko naman ang credit card ko kaya magiging hulugan. Saka h’wag ka ngang laging kontrabida. Ako naman ang magbabayad nito at hindi ikaw!” sambit pa ng binata.

Masayang binili ni Eduard ang nasabing mahal na sapatos. Napapailing na lamang si Alvin.

“Baka masanay ka na basta bilhin mo na lang ang mga bagay na gusto mo, pare, kahit hindi na kaya ng kinikita mo. Pinapaalala ko lang sa’yo na ang lahat ng bagay na nakuha mo gamit sa credit card ay babayaran mo pa rin. Kaya pag-isipan mo pa rin nang mabuti,” dagdag pa ng kasamahan.

Hindi nakinig dito si Eduard. Kaliwa’t kanan ang kaniyang pagbili gamit ang credit card. Dahil nagkakaroon na rin siya ng maraming magagarang bagay ay dumarami na rin ang mga babaeng nakakapansin sa kaniya. Nasisiyahan siya sa atensyon na kaniyang nakukuha.

Hanggang sa isang araw ay hindi na lamang namalayan ni Eduard na lumobo na pala ang kaniyang utang at hindi niya alam na kung paano ito babayaran.

Dahil hindi na nakakabayad ay lalong lumalaki ang kailangan bayaran ng binata dahil sa mga tubo. Halos mabiyak na ang ulo ni Eduard sa kakaisip kung saan siya kukuha ng ipambabayad.

Dumating na rin ang sulat mula sa mga bangko na kaniyang pinagkakautangan. Maaaring malagay pa sa kahihiyan ang kaniyang pangalan dahil lamang sa hindi niya pagbabayad.

“Nagsisisi na ako at hindi ako nakinig sa iyo. Ayoko nang gumamit ng credit card. Tama ka kung hindi responsable ang paggamit mo nito ay malulubog ka sa utang! Ngayon ay hindi ko na alam ang gagawin ko, Alvin. Tulungan mo ako!” pakiusap niya sa kaibigan.

“Sa tingin ko ay kailangan mong harapin ang problemang kinahaharap mo. Kung palagi mo itong tatakbuhan ay lalong lalaki ang interes nito. Simulan mong kausapin ang bangko at makiusap ka kung paano mo babayaran ng unti-unti ang lahat ng pagkakautang mo. Tapos ay ibenta mo ang mga mamahaling gamit na binili mo para maipambayad mo sa utang mo. Sana ay maging leksyon na ito sa’yo, pare,” pahayag ni Alvin.

Sa wakas ay sumunod din si Eduard sa bilin ng kaniyang kaibigan. Ginupit niya sa gitna ang kaniyang credit card. Nagsimula na rin siyang ibenta ang ilan niyang gamit upang makadagdag sa kaniyang pambayad.

Matagal-tagal pang pagbabayaran ni Eduard ang lahat ng kaniyang pagkakautang. Nangako siya sa kaniyang sarili na mabubuhay lamang sa kung ano ang mayroon siya at hindi na siya kukuha pa ng credit card kung hindi siya responsable sa paggamit nito.

Advertisement