Kinuhang Ninang ng Isang Ginang ang Kapitbahay dahil sa Negosyo Nito; Mapapahiya Siya sa Sasabihin ng Dalaga
“Lileth, kukuhain kitang ninang ng bunso kong si Grey sa binyag niya sa katapusan ah? O, bawal tumanggi kaya aasahan kita sa binyag,” wika ni Nancy sa kaniyang kapitbahay.
“S-sige, Nancy. Dalhin mo na lang sa bahay ang imbitasyon nang sa gayon ay alam ko kung saan at anong oras. Natutuwa ako dahil kahit hindi tayo ganung kalapit sa isa’t isa ay napili mo ako para maging ninang ng anak mo,” tugon naman ni Lileth.
“Siyempre ganyan talaga ang magkakapitbahay. Saka kahit paano naman ay naging kababata kita. Hindi lang basta kung sinu-sino ang kinuha kong ninong at ninang ng anak ko kaya maswerte ka,” sambit pa ni Nancy.
“O siya, sige, uuwi na ako at marami pa akong kailangang gawin. Basta sa katapusan, Lileth, aasahan kita ah,” sambit pa nito.
Matagal nang magkapitbahay sina Lileth at Nancy ngunit sa totoo lamang ay hindi naman sila malapit sa isa’t isa. Madalang nga kung kausapin ni Nancy itong si Lileth. Kaya ganun na lang ang gulat niya nang bigla siyang kuning ninang ni Nancy para sa binyag ng kaniyang anak.
Isang linggo bago ang binyag ay ibinigay ni Nancy ang imbitasyon kay Lileth.
“Siya nga pala, Lileth. Hindi ba ay nagdidisenyo at nag-aayos ka para sa mga pagdiriwang? Baka pwede mo namang gayakan ang party sa binyag ng anak ko?” tanong ni Nancy.
“Oo, ba! Walang problema. Gusto mo bang makita ang mga disenyo na pwedeng gawin at kung magkano ang bayad?” tanong naman ng dalaga.
“Ay may bayad? Hindi ba pwedeng dahil ninang ka naman ni Grey ay iyon na lang ang regalo mo sa kaniya sa binyag. Sige na, pakiusap,” saad muli ng kapitbahay.
“A, malaki kasi ang kailangan na puhunan doon. Hindi pa naman ganun kadami ang mga nagpapagawa sa akin kaya hindi din malaki ang naiipon ko. Kung gusto mo ay bigyan na lang kita ng diskwento?” pahayag naman ni Lileth.
“Kaya mo na ‘yan! Kahit hindi gaano kabongga. Gusto ko ay napapalibutan ng lobo ang papasukan at sa stage kung saan naka-display ang cake. Kayang-kaya mo na ‘yun, Lileth. Para naman sa inaanak mo!” pagkumbinsi ni Nancy.
Dahil nahihiya si Lileth ay napa-oo na lamang siya. Mag-iisip na lang siya ng paraan kung paano mapapaganda ang nasabing lugar na hindi gaanong gagastos nang malaki.
“Sige, bahala na, Nancy. Basta kung ano lang ang makakayanan ko ay pagpasensiyahan mo na. Wala pa talaga akong masyadong kinikita kasi,” paliwanag ni Lileth.
“Basta ‘yung hindi ako mapapahiya sa bisita. Maraming salamat, Lileth. Tama talaga na kinuha kitang ninang ng anak ko!” saad pa ng ginang.
Sa araw mismo ng binyag ay hindi na magkandaugaga itong si Lileth sa pag-aayos ng nasabing lugar. Hindi na nga siya nakadalo sa simbahan sa mismong binyag ng bata para lang masigurado na magiging kaaya-aya ang lugar sa mga bisita.
“Pasensiya ka na, Nancy, at hindi na ako nakapunta ng simbahan. Ang dami ko pa kasi kailangang ayusin dito,” wika ni Lileth.
“Akala ko ba ay pupunuin mo ito ng mga lobo at iba pang disenyo. Bakit parang ang konti lang ata? Mapapahiya ako niyan sa mga bisita. Ipinagmalaki pa naman din kita,” saad namanni Nancy.
“Pasensiya ka na, Nancy, ito lang talaga ang nakayanan ng pera ko,” tugon naman ni Lileth.
Sa mismong party ay ipinakita ni Nancy ang kaniyang pagkadismaya sa mga naging disenyo ni Lileth. Halos gusto na nga ng dalaga na lumubog sa kaniyang kinauupuan dahil sa pamamahiyang ginagawa nito.
“Pasensiya na kayo, a. Hindi ko talaga alam na ganito lang ang gagawin ng isang ninang ni Grey. Nalulungkot talaga ako sapagkat akala ko pa naman magiging bongga ang handaan namin. Kaso nasira lang ‘yung nakaplano sa isip ko,” wika ni Nancy sa isang ninang.
“Maganda naman ang disenyo, mare,” tugon ng babae.
“Kahit na. Hindi ganito talaga ang iniisip ko. Akala ko kasi ay magaling siya ngunit wala naman palang binatbat. Kaya pasensiya na kayo kung ganito lang ang ayos ng party,” sambit pa ni Nancy.
Sa pagkakataong ito ay labis ng nasaktan si Lileth at hindi na niya maiwasan na ipagtanggol ang sarili. Tumayo siya sa kaniyang kinauupuan at saka niya kinumpronta si Nancy.
“Tatahimik na lamang ako sana, Nancy, dahil ayaw kong gumawa ng eskandalo dito sa binyag ng anak mo. Pero sumusobra ka na kasi. Imbis na magpasalamat ka ay kanina mo pa ako hinihiya kung kani-kanino,” saad ni Lileth sa ginang.
“Totoo naman, Lileth. Tanggapin mo na hindi maganda ang gawa mo. Hindi ko nga alam kung bakit ito ang negosyo mo. Hindi naman nakakaakit sa mga bisita! Dapat ay hindi na lang kita kinuhang ninang!” sambit naman ni Nancy.
“Dapat nga. Kasi sa totoo lang ay hindi naman tayo talaga magkaibigan. Magkapitbahay tayo pero hindi tayo magkaibigan. Ni hindi mo nga ako pinapansin noon tapos noong nalaman mong may negosyo ako ng pagdidisenyo sa mga pagdiriwang ay bigla mo na lang akong kinausap at kinuha mo pa akong ninang.
Minamaliit mo ang gawa ko pero hindi mo nga makuhang magbayad para sa disenyo ng party mo. Ni hindi mo nga ako binayaran kahit singko dito. Ipinasagot mo sakin lahat ng ito kahit alam mong kakasimula palang ng negosyo ko.
Kinuha mo lang naman akong ninang para sa akin mo ipasagot ang mga bagay na ito, hindi ba? Pwes, dahil hindi naman ako nakapunta sa simbahan ay hindi ko inaanak ang anak mo at hindi kita kumare. Sige, palibre ko na lang ito sa’yo. Regalo ko na lang din sa anak mo,” pahayag pa ni Lileth.
“Isang bagay pa, tandaan mo na hindi ka kumukuha ng mga ninong at ninang dahil lamang sa antas nila sa buhay at kung anong materyal na bagay ang kayang ibigay sa anak mo. Ang mga ninong at ninang ay nagsisilbing pangalawang magulang na gagabay sa kanila,” pagtatapos ng dalaga sabay alis sa party.
Dahil sa pag-aaway na iyon ay walang humpay ang bulung-bulungan ng mga nagsipagdalo. Mayroon pang isang ninang na nagrereklamo dahil pinilit lang din daw siya ni Nancy na sagutin naman ang cake para sa binyag ng anak kahit na hindi naman din talaga sila magkaibigan.
Rinig na rinig ni Nancy kung paano siya tawaging manggagamit at oportunista ng mga bisita. Halos malunod na siya sa kahihiyan. Hindi niya akalain na ganito ang magiging kaganapan sa binyagan ng kaniyang anak. Alam niyang matagal itong maglalaho sa isipan ng mga nagsipagdalo.
Samantala, hindi pinagsisisihan ni Lileth ang ginawa niyang pamamahiya kay Nancy. Umuwi na lang siya ng kaniyang bahay at pilit kinalimutan ang nangyari. Kahit na maraming masasamang bagay ang sinabi ni Nancy tungkol sa kaniyang negosyo ay hindi pa rin siya huminto sa kaniyang ginagawa at lalo pa niyang ginalingan dito.