Inday TrendingInday Trending
Nabulag sa Pangako ng Nobyo ang Isang Kabit; Nakakabilib ang Kaniyang Ginawa nang Matauhan

Nabulag sa Pangako ng Nobyo ang Isang Kabit; Nakakabilib ang Kaniyang Ginawa nang Matauhan

“Harold, pwede ba tayong mag-usap? Baka kasi sa pagkakataong ito ay masabi mo na sa akin kung ano ba talaga ang plano mo,” pakiusap ni Diane sa kaniyang nobyo.

“Tungkol na naman ba ‘to sa amin ni Sheila? Ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na hindi ko na siya mahal at ikaw ang mahal ko,” tugon naman ng ginoo.

“Alam ko naman ‘yan. Ang sa akin lang ay kailan mo ba talaga siya hihiwalayan? Masakit sa akin ang sitwasyon natin. Kahit na mahal mo nga ako ay siya pa rin naman ang legal na asawa. Ayokong maging isang kabit lang, Harold,” sambit pa ng dalaga.

“Huwag mong itatawag ‘yan muli sa sarili mo dahil hindi ka ganiyan! Bigyan mo pa ako ng panahon. Marami pa kaming kailangang ayusin ni Sheila lalo na tungkol sa mga bata. Maghintay ka pa ng sandali, Diane. Pasasaan ba at magiging sa iyo rin ako,” saad naman ni Harold.

“Habang tumatagal kasi, Harold, mas lalong sumasakit. Patuloy kitang minamahal pero wala ka naman sa tabi ko pagdating ng gabi. Sa kanila ka pa rin umuuwi at ako, naiiwan pa ring mag-isa dito at naghihintay kung kailan ka na lang dadalaw. Mahal mo nga ako pero hindi ako ang inuuwian mo at hindi ko na alam kung saan pa ilalagay ang sarili ko. Ayaw mong tawagin akong kabit pero iyon naman ang totoo,” naluluhang wika pa ni Diane.

Dahan-dahang niyakap ni Harold ang nobya.

“Sandaling panahon na lang, Diane. Pinapangako ko sa’yo, makakasama mo na rin ako ng kahit kailan mo gustuhin,” pahayag naman ng ginoo.

Pitong taon na ang relasyon nina Diane at Harold. Noong una ay hindi alam ni Diane na may asawa itong si Harold. Noong malaman niya ang katotohanan ay nais na sana niyang humiwalay sa ginoo ngunit pinilit siya nitong manatili. Masyado na ring malalim ang kanilang pinagsamahan at lubos na ang pagmamahal na kaniyang nararamdaman para kay Harold kaya hindi na siya nakabitaw pa.

Ngunit sa pagdaan ng panahon ay nararamdaman ni Diane na tila binubusog na lamang siya ng kasintahan ng mga pangako. Dahilan para kumprontahin na niya si Harold tungkol sa kalagayan ng kanilang relasyon.

“Hindi ko alam sa’yo, Diane, ang ganda-ganda mo at may pinag-aralan ka. Marami ring nahuhumaling sa iyo na mga kalalakihan. Bakit sa may sabit ka pa kasi nagkagusto?” tanong sa dalaga ng kaibigan niyang si Marie.

“Hindi ko nga alam, Marie. Sa totoo lang nahihirapan na rin ako. Kaso masyado kong mahal si Harold. At alam kong mahal rin naman niya ako. Sa tuwing magkasama kami ay pinaparamdaman niya naman iyon sa akin,” saad ni Diane.

“Sa tuwing magkasama kayo. Pero paano ang mga panahon na wala ka sa tabi niya? Tandaan mo may mga anak sila, Marie. Maaatim mo bang mawalan ng ama ang mga anak niya? Saka sa tingin mo ba talaga ay pipiliin ka niya kaysa sa pamilya niya? Ilang taon na kayong magkasama pero huwag kang masasakatan, kabit pa ka pa rin hanggang ngayon,” sambit pa ng kaibigan.

Masakit man sa kalooban ni Diane ay nagsasabi lamang ng totoo ang kaibigan niyang si Marie. Kahit na pagbali-baligtarin kasi ang mundo’y kasal pa rin si Harold.

“Kung ako sa’yo ay magdesisyon ka na. Kailangan niyang pumili, Diane. At kailangan tanggapin mo sa kalooban mo kapag hindi ikaw ang piliin niya,” dagdag pa ni Marie.

Dahil sa pag-uusap na ito ay nakapagdesisyon na si Diane na kausapin si Harold sa huling pagkakataon. Habang pauwi siya galing sa pagtatagpo nila ng kaibigan ay nakita niya si Harold at ang mag-ina nito na nasa isang restawran.

Masaya silang nagsasalu-salo na tila walang kaalam-alam ang babae sa kanilang relasyon. Napakalambing ng mag-asawa sa isa’t isa. Iba ang mga tingin ng misis ni Harold at ganun din naman ang ginoo.

Upang matiyak ang kaniyang hinala ay pumasok siya sa restawran at umupo malapit sa mag-anak. Nangangatog man ay nilakasan ng dalaga ang kaniyang loob. Nang mapansin siya ni Harold ay halatang namutla ito.

Ngunit laking gulat niya nang makita din siya ng misis ng nobyo na tila hindi siya kilala. Sa puntong iyon ay alam niyang maayos pa ang pagsasama ng mag-asawa.

Kinagabihan ay nagtungo si Harold sa tinitirahan ni Diane. Kinumpronta kaagad siya ng ginoo sa kaniyang ginawa.

“Aminin mo nga sa akin, Harold, mahal mo pa ba siya?” tanong ni Diane sa nobyo.

“Mas mahal kita! Mahal kita kaya nga narito ako sa’yo ngayon!” tugon ng ginoo.

“Tama na, Harold! Tama na! Huwag mo nang bilugin pa ang ulo ko. Nagsasawa na ako sa mga pangako mo! Ang sabi mo sa akin ay hindi na kayo maayos ng asawa mo pero nang makita ko kayo sa restawran ay parang hindi niya alam na may namamagitan sa atin!” sigaw pa ng dalaga.

Natahimik na lamang si Harold dahil totoo ang sinasabi ni Diane.

“Mahal kita pero kailangan kong unahin naman ang sarili ko. Hindi ko rin makakaya na masira pa ang pamilya mo dahil sa akin. Palalayain kita para mapalaya ko na rin ang sarili ko mula sa pagkabulag ko sa pag-ibig ko sa iyo,” umiiyak man si Diane ay buo ang kaniyang loob nang sabihin niya ito.

“Umalis ka na, Harold. Pinuputol ko na ang lahat ng namamagitan sa atin. Bumalik ka na sa pamilya mo at ayusin mo ang buhay mo. Maging mabuti kang asawa at maging mabuti kang ama. Kalimutan mo na ako,” saad pa ni Diane.

Kahit anong pagmamakaawa ni Harold ay buo na ang desisyon ng dalaga. Masakit man para sa kaniya ang paghihiwalay na ito ay parang nakahinga na rin siya ng maluwag sapagkat wala na siyang natatapakang tao.

Hindi na kailanman nakipagkita si Diane kay Harold. Hindi na niya sinasagot pa ang mga tawag nito. Desidiso siyang kakalimutan na niya ang namagitan sa kanila ng nobyo.

Sa puntong ito ay handa na niyang itama ang lahat ng kaniyang mga kamalian. Buong pag-asa niyang haharapin ang bukas ng may kalayaan.

Advertisement