Inday TrendingInday Trending
Laging Nakikipagtalo ang Apo sa Kaniyang Lolo; Dahil sa Isang Lumang Radyo ay Mauunawan Niya ang Ibig Sabihin ng Matanda

Laging Nakikipagtalo ang Apo sa Kaniyang Lolo; Dahil sa Isang Lumang Radyo ay Mauunawan Niya ang Ibig Sabihin ng Matanda

“Abot-tenga ang ngiti mo, apo. Sino ba iyang ka-text mo sa telepono mo?” bati ni Lolo Seryo na nasa tarangkahan ng bahay habang nakikinig sa kaniyang radyo sa kaniyang binatang apong si Dwayne.

“Selpon po, lolo. Saka hindi po text. Chat na po ang uso ngayon,” tugon naman ng binata.

“O siya, sige. Pero bakit nga ngiting-ngiti ka riyan? Siguro ay sinagot ka na ng nililigawan mo, ano?” pag-usisa pa ng matanda.

“Si lolo talaga, tsismoso,” natatawang sambit ni Dwayne.

“Opo. Sa tagal ng panliligaw ko ay sinagot na rin niya ako,” pahayag pa ng binata.

“Sinagot ka riyan sa telepono este sa selpon mo? Aba’y huwag mong sabihing sa ganiyang paraan ka rin nanligaw? Gaano mo ba katagal niligawan ang kasintahan mo?” wika naman ni Lolo Seryo.

“Matagal, lolo, isang buwan po! Siya na nga ata ang pinakamatagal kong niligawan. ‘Yung iba kasi talaga sinasagot na ako kaagad kapag nalamang may gusto ako sa kanila. Siyempre, iba ata itong apo mo, masyadong gwapo!” sagot pa ng binata.

“Noong panahon namin ay hindi maaari ‘yan! Pupunta ka sa bahay para ipakilala ang sarili mo. At saka kailangan mong patunayan sa kaniya at sa kaniyang mga magulang na tapat ang hangarin mo sa kaniya,” kwento pa ng matanda.

“Hindi na po uso ang ganun, lolo. Saka noong panahon niyo naman ay walang selpon. Ni wala pa nga rin atang telepono nun. Hindi na uso ang mga ligawan. Kung gusto mo at gusto ka, papatagalin niyo pa ba? Sayang naman ang oras nun, ‘lo!” natatawang tugon ng apo.

Napailing na lamang si Lolo Seryo. Maya-maya ay bigla na lamang hindi tumunog ang kaniyang transistor.

“Naubusan na naman ng baterya itong radyo ko. Pagkakain mo nga, apo, ay ibili mo ako sa tindahan ng baterya. Maganda pa naman ang istorya ng pinapakinggan ko,” pakiusap ni Lolo Seryo.

“Sige po, lolo. Kain lang ako saglit. Tapos ay ibibili ko na ‘yang makaluma niyong radyo. Marami na pong uso ngayon dapat ay palitan niyo na ‘yan!” saad pa ng binata.

Parehong OFW ang mga magulang ni Dwayne kaya ang Lolo Seryo na niya ang nagpalaki sa kaniya. Dahil sa agwat ng kanilang edad ay madalas magkataliwas ang opinyon ng maglolo. Pilit mang pinangangaralan ng matanda ang kaniyang apo ay hindi nito lubos maunawaan dahil na rin sa ipinanganak ito sa modernong panahon.

Isang araw ay nakita ni Dwayne ang kaniyang lolo na abalang kinukumpuni ang kaniyang lumang transistor.

“’Lo, anong nangyari? Nasira ba ang radyo nyo?” usisa ni Dwayne sa matanda.

“Nasagi ko lang ng konti. E, nang pulutin ko at buhayin ulit ay ayaw nang tumunog. Kaya heto, tinitignan ko kung ano ang sira,” wika naman ni Lolo Seryo.

“Itapon nyo na kasi ‘yan. Sobrang luma na niyan e. Sabihin ko kila mommy at daddy ay bilhan kayo ng makabagong radio ngayon. Ayaw niyo pa kasing magpabili ng bagong selpon. Makakapakinig din kayo ng radyo doon,” wika muli ng binata.

“Naku h’wag na. Magagawa ko rin ito. Saka alam mo namang matanda na ako para sa mga makabagong gamit na iyan. Ayos na ako rito,” sambit pa ni Lolo Seryo.

Lumipas ang ilang araw at hindi pa rin nagagawa ang transistor ng matanda. Nais na ni Dwayne na palitan ito ng bago ngunit tutol dito ang matanda. Kaya palagi niyang naaabutan ang kaniyang Lolo Seryo na kinukumpuni ang nasirang transistor.

Isang araw habang nagkukumpuni ng kaniyang radyo si Mang Seryo ay napansin niya ang apo na kakauwi lamang ng bahay at nakabusangot ang mukha nito.

“Bakit para kang nalugi riyan, apo? May problema ba?” tanong ng matanda.

“‘Nag-away po kasi kami ng kasintahan ko. Nanghingi na nga ako ng pasensiya pero ayaw niya pa rin akong kausapin. Naiinis na ako sa kaartehan niya!” tugon naman ng binata.

“Sinuyo mo na ba? Baka naman mamaya, apo, ay ikaw talaga ang may kasalanan,” payo ng lolo.

“Walang tigil na nga po ako sa kakahingi ng tawad sa kaniya pero ayaw niya pa rin akong kausapin. Alam ko nasaktan siya pero hindi ko naman ‘yun sinasadya! Bahala nga siya! Kung ayaw niya akong kausapin, e ‘di, huwag! Marami naman diyang iba! Makakakita pa ako nang mas higit sa kaniya!” sagot muli ni Dwayne.

“Alam mo iyan ang hirap sa inyong mga kabataan. Parang ang dami nyo laging pinaglalaban. Mabilis uminit ang mga ulo at numinipis ang pang-unawa. Sa tingin mo ba ay magkakabati kayo ng kasintahan mo kung ganiyan ang pinapakita mo?” sambit ni Lolo Seryo habang patuloy siyang nagkukumpuni ng radyo.

“Sayang lang sa oras ang ganiyang babae. Napakaarte!” lahad pa ng binata.

“Hindi mo ba siya mahal? Hindi pa siya mahalaga sa’yo?” tanong ng matanda habang patuloy pa rin ang pagkukumpuni.

“Hindi ko na po alam. Ayan, tulad ng ginagawa nyo, lo! Ilang araw nyo nang ginagawa ang radyo na iyan. Luma na masyado ‘yan. Kung bumili na lang kayo ng radyo ay hindi na sana kayo nagtiis ng matagal na walang napapakinggan,” pahayag ng apo.

“Mahala kasi ang radyong ito sa akin. Isa pa matagal ko na itong kasa-kasama. Marami itong mga magagandang alaala kaya hindi ko na lamang basta bitiwan. Pagtitiyagaan ko na kumpunihin siya kasi alam kong may pag-asa pa,” pahayag ni Lolo Seryo.

“Nabuhay kasi ako sa panahon, apo, kung saan hindi lamang namin basta itinatapon ang mga bagay. Hanggang maaari ay kukumpunihin, aayusin pa kung pwede pa at kung may pag-asa pa. Tulad din sa isang relasyon, kung tunay itong mahalaga para sa iyo at kung ito ay may pag-asa pa, bigyan mo ng panahon, paglaanan mo ng oras.

Maya-maya ay biglang tumunog ang radyo ng matanda.

Isang matamis na ngiti ang ibinigay ni Lolo Seryo sa kaniyang apo.

Doon ay napagtanto ni Dwayne ang kahalagahan ng nais ipabatid sa kaniya ng kaniyang lolo. Magkaiba man ng panahon na kinabibilangan ay naintindihan din ng binata ang lahat.

Dali-dali siyang pumitas ng bulaklak at tsaka pumunta sa bahay ng kaniyang kasintahan. Lakas loob niyang hinarap ang mga magulang ng dalaga upang patunayan ang tapat niyang hangarin. Humingi rin siya ng pasensiya sa kaniyang kasintahan at nangakong aayusin na ang kaniyang sarili.

Hindi akalain ni Dwayne na ang isang luma at maliit na transistor ng kaniyang lolo ay ang magdadala ng isang malaking aral sa kaniyang buhay.

Advertisement