Inday TrendingInday Trending
Nilait at Pinagtawanan Nila ang Kaeskuwela Dahil sa Hitsura Nito; Nganga Sila nang Bigla Itong Magbago!

Nilait at Pinagtawanan Nila ang Kaeskuwela Dahil sa Hitsura Nito; Nganga Sila nang Bigla Itong Magbago!

“Ano kamo? Sasali ka sa prom?”

Tinanguan ni Elina ang tanong na iyon ng kaeskuwela at itinuturing niyang kaibigang si Jessica. Malawak ang kaniyang pagkakangiti at halata ang pagkasabik sa kaniyang mga mata. “Oo, Jessica, pinayagan ako ni mama!” aniya pa.

Isang malakas na paghagalpak ang noon ay biglang pinakawalan ni Jessica sa kaniyang harapan. Isang tawang puno ng sarkasmo at ang tono ay nang-iinsulto!

Nawala ang kanina ay malapad na pagkakangiti ni Elina. Bigla siyang nakaramdam ng pagkapahiya sa kaniyang sarili. Napayuko siya at halos hindi na maiangat ang kaniyang tingin.

“Seryoso ka ba, Elina? Ano ang naisipan mo at sasali ka sa prom?” mapang-insultong tanong pa ni Jessica. “Hindi ka ba humaharap sa salamin? Alam mo ba kung anong hitsura mayroon ka, Elina?” Ikinatawa pa iyon ng mga nakaririnig sa kanila.

Hindi naman na makasagot si Elina sa sinabi ng kaibigan—kung kaibigan nga bang matatawag ang babaeng kausap niya ngayon at tahasang nanlalait sa kaniya nang harapan!

Hindi niya akalain na pagkatapos ng mga ginawa at ipinakita niyang kabutihan dito ay hindi pa rin pala niya nakuha ang respeto man lang nito. Napapailing na lamang siya sa sobrang panghihinayang.

Dumating ang iba pang mga kaibigan ni Jessica. Nang mga sandaling iyon ay natatawa pa nitong inimporma sila tungkol sa sinabi niyang pagsali sa nalalapit nilang J.S. Prom, ngunit katulad ni Jessica ay nilait lamang din siya ng mga ito.

Ipinamukha nila sa kaniya kung gaano siya kapangit dahil lamang hindi siya katulad nila kung manamit. Bukod doon ay ni walang kakole-kolerete ang kaniyang mukha na hindi katulad nila Jessica na kulang na lamang ay mapagkamalang naglalakad na make up, dahil sa kapal ng kolorete nito sa mukha, araw-araw sa tuwing papasok ito sa eskuwela.

Nang hindi na makayanan ni Elina ay nagpasiya na lamang siyang tumakbo palayo sa mga mapanlait niyang kaklase. Dahil nakayuko siya kahit noong siya ay tumatakbo, hindi niya napansing mayroon pala siyang kasalubong…

“Ano ba ’yan!” ang mataray na hiyaw ng beki na siyang nabunggo ni Elina. “Bakit naman hindi ka tumitingin sa dinaraanan mo?” inis na dagdag pa nito.

Humihikbi namang nagsalita si Elina… “P-pasensiya ka na, hindi ko sinasadya,” sabi niya sa pagitan ng pagpapahid niya ng luha.

“Ay, bakit ka umiiyak, ’te?” tanong ng beki na mukhang biglang nag-alala sa kaniya.

“Kasi, pangit ako at hindi bagay sa isang katulad ko na sumali sa prom,” animo batang pagsusumbong naman niya sa kausap.

“Pangit? Sino’ng may sabi? Kulang ka lang sa ayos, pero, hindi ka pangit!” naiinis namang anang beki. “Isa pa, bagay kang sumali sa prom! Para sa ating lahat ’yon!”

Ikinuwento ni Elina sa bagong kakilala ang mga sinabi sa kaniya ng grupo nina Jessica upang maintindihan nito ang iniiyak niya. Inaya kasi siya nitong mag-merienda upang tumahan na siya. Nagpakilala itong Aaron. Mabait ito kaya naman mabilis niya itong nakagaanan ng loob.

“Hay, naku, Elina! Sinasabi ko sa ’yo, sumali ka na ng prom. Huwag kang mag-alala dahil ako ang mag-aayos sa ’yo!” maya-maya’y biglang ani Aaron sa kaniya. Natuwa naman si Elina sa narinig, lalo na nang sabihin nitong handa rin siyang maging escort niya!

Bahagya pang nakaramdam ng kilig si Elina sa sinabi ng bagong kaibigan. Napansin niya kasing guwapo pala ito! Kung hindi lang ito malambot kung kumilos at magsalita ay tiyak na pagkakaguluhan ito ng mga babae sa kanilang eskuwela!

Simula nang araw na iyon ay palagi nang magkasama sina Elina at Aaron kaya’t mas naging malapit sila sa isa’t isa. Hanggang sa dumating na nga ang araw ng kanilang J.S. Prom at katulad ng kanilang pinag-usapan ay tinupad ni Aaron ang pangako nitong aayusan siya…

Hindi akalain ni Aaron ang kalalabasan ng pagpapaganda niya sa kaibigang si Elina. Tila naging ibang tao ito kaagad kahit bahagya lamang niyang nilapatan ng kolorete ang mukha nito. Lumabas ang itinatago nitong ganda sa likod ng makakapal na salaming sandali muna nilang pinalitan ng contact lenses…

Namangha ang lahat nang dumating sina Elina sa venue ng prom. Nganga sila nang siya ay kanilang makilala!

Lalo pa silang namangha nang makitang napakaguwapo ng kaniyang escort na nang mga sandaling iyon ay hindi maialis ang tingin kay Elina!

Kinainggitan siya ng karamihan ng mga babae, kasama na si Jessica na biglang naetsapuwera. Sa huli ay itinanghal na King and Queen of the Night sina Elina at Aaron. Matapos ng gabing iyon ay nagpatuloy ang kanilang pagiging matalik na magkaibigan.

Advertisement