Tumaas ang Kilay ng Dalaga Nang Hindi Papasukin ang Dalawang Kaibigang Binabae sa Hotel; Uso pa pala ang Diskriminasyon Hanggang Ngayon?

Masaya silang tatlong magkakaibigan dahil sabay silang naimbitahan upang dumalo sa kasal ng isa sa mga kaibigan nilang ngayon ay nahanap na ang kaniyang mister right. Kaya naman kanina pa silang tatlo abala sa pagpapaganda sa mga sarili nila.

“Beks, ang ganda-ganda mo na d’yan. Baka mamaya niyan ay kabugin mo ang friendship natin ah. Baka mas magmukhang ikaw ang bride kaysa sa kaniya,” ani Albert, ang kaniyang kaibigang beki.

Isang matamis na ngiti ang pinakawalan ni Alona, palibhasa sa kanilang tatlo’y siya lamang ang nag-iisang tunay na babae. Kaya hindi kataka-takang maganda siya sa gabing ito. Libre kasi ang kaniyang make-up artist at ang kaniyang stylist.

“Hindi naman siguro, beks. Si Sharon pa ba? Magpapakabog ba iyon?” aniya.

“Ay! Sabagay, tama ka riyan,” sang-ayon ng dalawang binabae niyang kaibigan.

Nang matapos silang mag-ayos ay agad na silang sumakay sa sasakyan ni Albert at dederetso na sa lugar kung saan gaganapin ang kasal ni Sharon, isa sa mga matalik nilang kaibigan. Pareho silang sabik at masaya para sa kaibigan. Nararapat lamang kay Sharon ang makahanap ng lalaking kagaya ni Manuel.

“May invitation card po ba kayong dala, ma’am?”

Magalang na tanong ng lalaking nakatayo sa harap ng may pasukan. Agad namang ipinakita ni Alona ang invitation card na ibinigay ni Sharon sa kaniya. Nang matapos tingnan ang kaniyang iniabot ay hinayaan na siya nitong pumasok sa loob.

Advertisement

“I’m sorry po, sir, pero hindi po kayo pwede sa loob,” anito.

Agad na tumaas ang kilay ni Alona sa narinig na sinabi nito. Pareho namang gumuhit ang pagtataka sa mukha nina Albert at Sandy. Bakit naman hindi pwede? Kung tutuusin ay pareho lang naman ang invitation card na dala nila.

“Ang sabi po kasi ni Mr. Reyes, bawal sa loob ang mga kagaya ninyo na mga hindi tunay na babae. Ayaw raw ho niyang masira ang mahalagang kasal ng kaniyang anak. Kaya hangga’t maaari’y ayaw niyang magpapasok ng b@kla o t*mboy sa loob ng pagdiriwang,” paliwanag ng lalaki.

Mas lalong hindi makapaniwala si Alona sa sinabi nito. Si Mr. Reyes ang ama ni Manuel.

“Pero bestfriend po namin ang bride, sir,” magalang na wika ni Alona sa lalaking humaharang sa bawat taong papasok.

“Pasensya na ma’am, sumusunod lamang ako sa utos,” anito sabay yuko.

Mangiyak-ngiyak niyang tiningnan sina Albert at Sandy. Paano siya magiging masaya kung ganitong maiiwan sa labas ang dalawa niyang kaibigan?

Ngumiti ang dalawa sa kaniya saka sinabihan siyang pumasok na sa loob at huwag na silang alalahanin. Pero pwede ba naman iyon? Papasok siya sa loob at magsasaya habang ang dalawang kaibigan niya’y nasa labas?

Advertisement

“Hahanapin ko si Sharon,” aniya. Sa isip niya’y baka sakaling pagbigyang makapasok sina Albert at Sandy, kung sakaling si Sharon na mismo ang magpapasok sa kanila.

“Hayaan mo na, beks. Okay lang naman kami ni Albert dito sa labas. Hintayin ka na lang namin sa loob ng kotse,” ani Sandy, nakangiti ito ngunit malungkot ang mga mata.

“Hindi! Papasok kayo, hahanapin ko lang si Sharon at sasabihin ko sa kaniya ang nangyari. Hindi pwedeng dito lang kayo sa labas habang nagkakasayahan kami sa loob.”

Pagkapasok niya sa loob ay agad niyang hinanap ang kaibigan. Kailangan nitong malaman ang ginawang pang-didiskrimina ng manugang nito sa mga kaibigan nila. Sa awa naman ng Diyos ay hindi siya nahirapang hanapin ito.

“Ano? Bakit naman ginawa ni papa, iyon?” ani Sharon.

Ang batang mukha nito’y biglang tumanda sa stress na naramdaman nang malamang naiwan sa labas ang dalawang matatalik na kaibigan.

Walang sabi-sabing biglang lumabas si Sharon sa silid kung saan ito naghahanda para sa kasal na gaganapin. Agad itong bumaba patungo sa may entrada, at nakita nga nito mismo sina Albert at Sandy na ayaw papasukin ng mga taong nakatoka sa pagbabantay ng mga bisita. Agad nitong inutusan ang mga itong papasukin ang dalawa, ngunit ayaw pumayag ng mga ito.

“Pasensya na ma’am, pero mahigpit na utos iyon ng manugang niyong si Mr. Reyes,” anito.

Advertisement

“Pero mga kaibigan ko sila!” inis ng wika ni Sharon.

Saka naman dumating ang ama ni Manuel, nakarating yata rito ang naging problema kaya bumaba at nakiusisa kung ano man ang kaguluhang nangyari.

“Ako ang nag-utos sa kanila, Sharon, na huwag silang papasukin sa pagdiriwang ng kasal ninyo. Alam kong kaibigan mo sila, pero ayokong mahawa ng kamalasang dala nila ang kasal ninyo. Ayoko sa mga taong binabago ang tunay na kasarian, at hindi sila maganda para sa inyong mag-asawa,” puno ng awtoridad na wika ng manugang.

“Pasensya na po kayo sir, pero hindi po ako sasang-ayon sa sinasabi niyong iyan. Noong unang panahon pa po nangyaring iniisip ng iba na salot ang mga binabaeng kagaya ng mga kaibigan namin, sir. Sa panahon ngayon ay mas marami po ang naniniwalang mabubuti at mababait sila. Ang totoong salot po ay ang mga kagaya ninyong may makikitid na utak at hindi matanggap na ka-isa sila sa lipunan natin. Tao sila, sir, hindi po sila mga daga, para isiping pwede nilang masira ang pagdiriwang na ito nina Sharon at Manuel!” ani Alona.

“Kasal ko ito, papa, kasal namin ni Manuel, at hindi ako makapaniwalang kayo mismo ang sumisira sa masayang araw namin na ito,” mangiyak-ngiyak na sambit ni Sharon.

Akmang aalis na sana si Alona kasama ang dalawang kaibigan nang pigilan sila ni Sharon at Manuel. Walang magawa ang ama nito at ang mga nakabantay sa may pintuan nang papasukin ni Manuel sila Albert at Sandy.

Sa inis ng ama ni Manuel ay umuwi ito at mas piniling huwag nang sumali sa pagdiriwang ng kasal. Mas nanaisin nitong umuwi kaysa may makitang salot sa paningin nito. Hindi naman ito pinigilan ni Manuel. Alam ni Manuel na may mali sa parteng iyon ang kaniyang ama.

Hindi salot ang pagiging kakaiba. Mas salot ang mga taong hindi marunong umunawa at nang-aapak ng ibang tao.