Akala Niya’y Matibay ang Pagsasama Nilang Mag-asawa; Hindi Niya Lubos Akalaing Mawawasak pa Sila

Akala Niya’y Matibay ang Pagsasama Nilang Mag-asawa; Hindi Niya Lubos Akalaing Mawawasak pa Sila

FamilyHeartbreakingStories

Sampung taon nang mag-asawa sina Jayson at Jusmine at may isa silang anak na si Karl, walong taong gulang na ito at nag-aaral na ng elementarya. Mula noong ikinasal sila at nagsama’y masaya ang pamilya nila. Kaya nga labis na pagpapasalamat ang palaging ginagawa ni Jusmine dahil ibinigay sa kaniya si Jayson bilang kaniyang asawa’t katuwang sa buhay.

“Kumain ka na, mahal,” ani Jusmine.

“Busog na ako, mahal, kumain na ako kanina sa trabaho,” anito.

Lihim na nagsalubong ang kilay ni Jusmine ngunit hindi na lamang niya ito pinansin. Baka nagutom na ang asawa sa trabaho dahil anong oras na rin naman itong umuwi. Dahil gutom na rin siyang hintayin ito’y kumain na lamang siyang mag-isa.

Kinabukasan ay nagpasya si Jusmine na hatiran ng pagkain si Jayson, dahil baka gutumin ito’t para hindi na rin nito kakailanganin pang bumili ng pagkain sa labas. Mas maiging hatiran na lamang niya ito ng pagkain para kahit papaano’y hindi masayang ang niluluto niya.

Dahil alam na niya ang opisina ng asawa’y dere-deretso na siyang pumunta roon. Nakangiti at masayang naglalakad. Sigurado siyang masasarapan si Jayson sa ulam na niluto niya, dahil siniguro naman niyang masarap iyon, upang wala itong masabi.

Ngunit imbes na masurpresa niya ito’y siya ang nasorpresa sa nakitang tagpo na kailanman ay hindi niya inaasahang makikita. May ibang kayakap na babae si Jayson sa loob ng opisina nito.

“J-jusmine?” gulat na sambit ni Jayson.

Hindi nakapagsalita si Jusmine sa sobrang gulat. Imbes na gumawa ng eksena’y umatras siya at naglakad palabas ng gusali. Kaya naman pala wala na itong ganang kumain sa bahay nila, dahil may ibang babae na pala ang nagpapakain sa asawa.

Sa bilis ng pangyayari ay hindi niya namalayan na nakauwi na pala siya sa bahay nila. Agad niyang hinanap ang maleta at nag-empake. Naguguluhan siya at hindi niya alam kung ano ang gagawin. Ngunit iisa lamang ang alam niya— ayaw niyang makita ang mukha ni Jayson. Ayaw niyang pakinggan ang kasinungalingang sasabihin nito. Gusto niyang magpakalayo-layo muna upang mas makapag-isip-isip silang dalawa. Nasasaktan siya at hindi niya lubos maisip na magagawa siyang saktan ng mister.

Dala ang malaking maleta at ang anak niya’y saka naman dumating si Jayson upang pigilan ang pag-alis nila. Ngunit kahit anong pigil nito ay buo na ang desisyon niya. Aalis siya at lalayo upang mas makapag-isip silang pareho.

“Aalis ako, para mas makapag-isip sa tamang gagawin,” aniya. Pigil ang pagpatak ng luha. “Hindi ko ipagdadamot sa’yo ang anak natin, pero pakiusap, Jayson, hayaan mo munang umalis kami. Kasi sa totoo lang, sa ngayon ay namumuhi ako sa’yo at ayaw kitang makausap. Galit ako sa’yo, ang daming tanong na nag-uunahan sa isipan ko, at nasasaktan ako,” humihibi niyang sambit.

“Patawarin mo ako, Jusmine,” maluha-luhang wika ni Jayson.

Umuwi na muna si Jusmine sa bahay ng pamilya niya. Doon na muna sila nanatili ng kaniyang anak at doon rin siya nag-isip kung ano ba ang gagawin niya sa relasyon nila ni Jayson. Sa tagal ng pagsasama nila, ito ang pinakamabigat na pagsubok na pakiramdam niya’y humati nang tuluyan sa pagkatao niya.

“Anak, nandito si Jayson,” anang kaniyang ina.

Mula noong umuwi siya sa bahay ng pamilya niya’y palagi ring pumupunta roon si Jayson upang humingi sa kaniya ng kapatawaran. Ayon rito’y naakit lamang ito at labis na pinagsisisihan ang nagawang kasalanan. Nakipaghiwalay na raw ito sa babaeng iyon at nakikiusap na ayusin ang pamilya nila.

Pero para kay Jusmine ay hindi gano’n kadaling magpatawad. Pinagkatiwalaan niya ang asawa. Ibinigay ang buong buhay rito, kaya hindi niya lubos maisip na magagawa nitong lokohin siya. Ang hirap magpatawad at hindi madali ang lumimot. Kaya imbes na bumalik at patawarin ito’y nagdesisyon siyang manatili sa bahay nila at ayaw niya munang ayusin ang kung anuman ang mayroon sa kanila.

Hindi naman niya ipinagdadamot ang anak nila. Kung nais nitong makita at makasama ang anak ay hindi naman niya ito pinagbabawalan. Sa lumipas na sampung taon ay kay Jayson umikot ang buhay niya. Si Jayson ang naging sentro ng buhay niya, ibinuhos niya ang lahat ng pagmamahal sa asawa. Kaya noong nalaman niyang niloko lamang siya nito’y kalahati ng pagkatao niya ang gumuho.

Siguro naman sa ngayon ay walang masama kung mamahalin na muna niya ang kaniyang sarili. Kung sila talaga ang nakatadhana sa isa’t-isa ay sila talaga. Kung totoong mahal siya ng asawa’y hihintayin nito kung kailan ulit niya kayang buksan ang puso at papasukin ito ulit sa buhay niya.

Sa ngayon ay mas mamahalin na muna niya ang kaniyang sarili. Kung kaya ni Jayson na maghintay hanggang sa kaya niya na ulit itong tanggapin ay mas maigi. Pero kung kailan man iyon mangyayari’y hindi niya rin alam. Basta sa ngayon ay pareho silang magpapaka-magulang sa nag-iisa nilang anak. Hanggang doon na lang muna. Paghihilumin niya muna ang malalim na sugat na bunga ng minsang pagtataksil ni mister.

More Stories