Ayaw nang Pumasok ng Batang Basurero sa Eskwelahan dahil Lagi Siyang Tinutukso; Tagumpay Pala ang Naghihintay sa Kaniya

Unang araw ng klase at nagdadalawang-isip ang batang si Onyok kung tutuloy pa siya ng pagpasok sa eskwelahan. Nahihiya kasi siya dahil nakita niya ang ibang mag-aaral na bago ang mga uniporme at gamit. Samantalang ang suot niya ay pinagpasa-pasahan na ng ilang bata. Makikita mo na ang kalumaan nito sa mga mantsang hindi na matanggal at nangungutim na nitong kulay.

Ilang sandali pa ay nagsalita na ang inang si Lourdes.

“Anak, tatandaan mo na wala sa gamit o sa suot ang basehan ng pagiging magaling sa eskwela. Nandito sa isip at sa puso. Pasensiya ka na kung iyan lang ang nakayanan kong ipasuot sa iyo. Hayaan mo, kapag nakaluwag-luwag ay bibilhan kita ng bagong uniporme,” saad naman ni Aling Lourdes na nabanaag sa mukha ng anak ang hiya. 

“H-hindi po, nanay! Hindi naman po ako nagpapabili ng bago. Natatakot lang po kasi ako at baka tuksuhin nila ako lalo na kapag nalaman nilang taga-iskwater tayo at pagbabasura ang pinagkukunan natin ng kabuhayan,” tugon naman ni Onyok. 

“Basta wala tayong inaapakan at nilolokong tao, anak. Walang masama roon. Sige na’t pumasok ka na sa eskwela at baka mahuli ka pa! Galingan mo sa pag-aaral, Onyok, dahil paulit-ulit kong sasabihin sa iyo na ang edukasyon ang magpapabago ng buhay mo. Iba kapag may kaalaman ka,” sambit pa ng ina.

Dahil sa sinabing iyon ni Aling Lourdes ay nabuhayan ng loob itong si Onyok. Binigyan ni Onyok ng isang mahigpit na yakap at matamis na ngiti ang ina saka siya tumakbo papasok ng eskwela.

Mahirap lamang ang buhay ng mag-inang Lourdes at Onyok. Maagang namayapa ang kanilang padre de pamilya kaya napilitan silang tumira sa iskwater. Binubuhay niya ngayon ang nag-iisang anak sa pangangalakal ng basura.

Dahil nga hindi man lang nakatungtong ng eskwela itong si Aling Lourdes ay mariin niyang binilin sa anak na mag-aral itong mabuti.

Advertisement

Samantala, hindi naging madali para kay Onyok ang unang araw ng kaniyang klase. Mayroon kasi siyang kamag-aral na nakakakilala sa kaniya dahilan para maging tampulan siya ng tukso. 

“Hindi ba ikaw ‘yung kasama ng ale na kumuha ng basura sa amin? Bakit ang dumi-dumi ng uniporme mo? Siguro ay hindi ka pa naliligo! Ikaw ‘yung mabahong kanina pa namin naaamoy, ‘no?” pang-aalaska ng batang si Patrick. 

“Luma man ang damit ko ay nilabhan naman ito ng nanay ko nang mabuti! Hindi ako ‘yung mabaho,” nakayukong sagot ni Onyok. 

“Nakita kita noong isang araw, kinakain mo ‘yung mga tira sa basura! Kumakain ka ng basura! Baka ang laman lang ng bag mo ay puro basura! Huwag ka nang papasok bukas kasi ang baho mo! Naaamoy ka namin!” dagdag pa ng tumatawang kaklase.

Hindi na napigilan ni Onyok ang maluha dahil sa pang-aalipusta sa kaniya.

Pag-uwi niya sa bahay ay napansin ni Aling Lourdes na nakasimangot ang anak.

“Bakit ka malungkot, anak? May nangyari bang hindi maganda sa eskwela?” tanong ng ina.

‘’Yung mga kaklase ko po kasi tinutukso po akong basurero. Mabaho raw po ako, ‘nay! Lahat po sila ay pinagtatawanan ako! Hindi raw po ako nababagay sa eskwelahan. Ang dapat daw po sa akin ay sa basurahan,” lumuluhang pahayag ng bata. 

Advertisement

“Totoo namang basurero tayo, anak. Marumi man ang mga bagay na binubungkal natin ay malinis na trabaho ‘yun! Huwag mong hayaang dahil lamang sa mga pang-iinis nila sa iyo ay hihinto ka na sa pag-aaral. Tandaan mo, anak, marami ka pang taong makikilala na hihiyain ka, aalipustahin ka o hindi naman ay tatapak-tapakan ka. Huwag kang gumanti nang pisikal, anak. Hayaan mong ang Diyos ang gumanti para sa iyo. At kung nais mo man silang gantihan ay gumanti ka sa pamamagitan ng pagpapaunlad mo sa iyong sarili. Ipakita mo sa kanila kung ano ang kakayahan ng isang basurerong tulad mo. Matalino ka, anak. Huwag mong hayaan na ang tulad lang nila ang sumira sa mga pangarap mo,” payo pa ni Aling Lourdes sa anak.

Tinibayan ni Onyok ang kaniyang dibdib. Kahit na palagi siyang inaasar ng mga kaklase ay hindi siya gumanti. Bagkus ay lalo niyang ginalingan sa eskwela. Kada kuhaan ng marka ay nilalampaso niya ang mga ito dahil siya ang palaging nangunguna sa klase.

Isa-isang tumigil ang pang-iinis at pang-aalipustang natatanggap ni Onyok. Sa paglipas ng mga araw ay napapalitan na ang mga ito ng papuri. Hindi na rin ikinahihiya ni Onyok na makita siya ng ilang kamag-aral na nagkakalkal ng basura dahil ang marangal na trabahong ito ang bumubuhay sa kanila.

Lumipas ang panahon at magtatapos na ng elementarya itong si Onyok. Siya ang class valedictorian at kailangan niyang magbigay ng talumpati.

Nang tanungin si Onyok kung paano niya nakuha ang unang karangalan ay ito lamang ang kaniyang isinagot.“Dahil maraming nagsabing hindi ko kaya. Tulad nga po ng sabi ng nanay ko, kahit kailan ay hindi naman ako mamarkahan sa eskwela dahil lang sa bago kong kasuotan o sa ganda ng gamit na dala ko. Mamarkahan ako kung ano ang laman ng isip at puso ko. Nais ko pong bigyan ng inspirasyon ang mga kabataang tulad ko na magpursige sa buhay. Mas madali pong maaabot ang mga pangarap kung mayroong pinag-aralan. Kahit na sabihin pa po ng iba na hindi ko kaya ay patuloy akong magsisikap dahil mas masarap makamit ang tagumpay na pinaghirapan,” pahayag ni Onyok.

Pinalakpakan ng lahat si Onyok dahil sa kaniyang talumpati. Lahat ay humanga sa kaniya dahil hindi akalain ng iba na isang basurero ang makakakuha ng pinakamataas na karangalan.

Dahil sa angking talino at dedikasyon sa pag-aaral ni Onyok ay nakakuha siya ng iskolaryip sa isang prestihiyosong paaralan.

Marami rin ang nakaalam ng kaniyang nakaaantig na istorya kaya naman marami rin ang nagbigay sa kaniya ng tulong.

Advertisement

Ngayon ay malapit nang magtapos si Onyok ng kolehiyo sa isang unibersidad sa ibang bansa. Balak niyang bumalik ng Pilipinas upang makapagturo sa mga batang mahirap na tulad niya noon.

Tunay ngang isang inspirasyon si Onyok sa marami. Pinatunayan niya na hindi hadlang ang kahirapan upang makamit mo ang inaasam mo sa iyong buhay.