Hinamak ng Isang Sekretarya ang Aplikanteng Probinsiyana; Bandang Huli’y Kakainin Niya ang Kaniyang mga Sinabi

Hinamak ng Isang Sekretarya ang Aplikanteng Probinsiyana; Bandang Huli’y Kakainin Niya ang Kaniyang mga Sinabi

InspiringKarmaStories

Nagtatrabaho bilang isang sekretarya sa isang sikat na kompanya ang dalagang si Angie. Bago pumasok ng opisina ay dumaan muna siya sa isang mamahaling kapehan. Habang nilalakad niya ang daan patungong opisina ay may isang babaeng nagmamadali at hindi sinasadya na nabangga siya. Bahagyang tumapon tuloy ang kape sa manggas ng kaniyang damit.

“Ano ba?! Bakit hindi mo tinitingnan ang dinadaanan mo?! Napakamahal ng damit kong ito para mamantsahan!” pasigaw na sambit ni Angie sa babae. 

“Naku! P-pasensiya na talaga, miss! Nagmamadali lang ako kasi kanina pa ako paikot-ikot dito pero hindi ko pa rin makita ang gusali na pupuntahan ko. May interview kasi ako at natatakot ako na baka mahuli ako,” natatarantang tugon naman ng dalaga.

Tiningnan ni Angie ang babae mula ulo hanggang paa. At saka siya biglang natawa.

“Sa palagay mo ay matatanggap ka sa lugar na ito sa ganiyang ayos mo? Nag-aaksaya ka lang ng panahon, miss! Walang puwang ang kagaya mo sa lugar na ito. Kaya kung ako sa iyo ay umatras ka na. Umuwi ka na lang sa probinsyang pinanggalingan mo at doon ka humanap ng trabahong nararapat sa iyo!” paismid na sambit muli ni Angie.

“H-hindi ko alam na totoo pala ang sinabi ng ilang kapitbahay ko na may pagkamapangmata ang mga taga-Maynila sa mga tulad naming taga-probinsiya. Hindi naman siguro masama kung susubukan ko para sa pamilya ko,” tugon muli ng babae.

“Ikaw ang bahala, miss! Ang sa akin lang naman ay ayaw kong masayang pa ang oras mo. P’wede kang sumubok pero huwag kang umasa dahil masasaktan ka lang. O siya, aalis na ako. Nga pala, parang tama ka! P’wede kang makapasa at makapagtrabaho sa lugar na ito pero bilang isang tagalinis!” pang-iinis pa ni Angie.

Nakasimangot na tinalikuran ni Angie ang babae saka ito nagpatuloy sa paglalakad patungo sa kaniyang trabaho.

Pagdating ng opisina ay nahalata agad ng ilang kasamahan ang pagkaaburyo nitong si Angie.

“O, bakit parang nalugi ‘yang mukha mo? Hindi pa man nagsisimula ang oras ng trabaho ay mainit na ang ulo mo! Napagalitan ka ba ni boss?” saad ng isang katrabaho.

“Naku, hindi! Minalas ako kanina! May isang tatanga-tangang babae ang hindi tumitingin sa dinadaanan niya. Natapunan tuloy ako ng kape sa damit. Bagong bili ko pa naman ito! Nakakatawa lang at mag-a-apply raw kasi siya ng trabaho dito! Hindi papasa ang kabobohan niya dito sa Maynila!” kwento pa ni Angie.

Ilang sandali pa ay dumating na ang kanilang boss. Agad na nagtungo si Angie sa tanggapan upang simulan ang kaniyang trabaho. 

“Ma’am, ito nga po pala ang mga kailangan n’yong pirmahan. Hapon po ang meeting n’yo ni Ginoong Reyes para sa contract signing. Pero bago po iyon ay may naka-schedule po kayong pag-iinterbyu para sa ilang aplikante. Sa tingin ko nga po ay narito na sila,” wika pa ng dalaga. 

“Sige, akin na iyang pipirmahan ko nang masimulan ko na ang interbyu. Kailangan ko na talagang mapunan ang posisyon ng marketing head dahil gahol na gahol na tayo sa mga proyekto,” pahayag pa ng boss.

Paglabas ni Angie sa tanggapan ng amo ay isa-isa niyang kinausap ang tatlong aplikanteng naghihintay. 

“Apat ang nakasulat dito para sa pinal na interbyu. Wala pa si Ms. Editha Roque. Siguro ay umayaw na. Sige, magsihanda na kayo dahil magsisimula na ang interbyu,” saad ng sekretarya.

Ilang sandali pa ay dumating ang isang babae at humahangos ito.

“Ma’am, kasama po ako sa interbyu. Pasensiya na at nahuli ako dahil nahirapan po talaga akong makita ang lugar na ito,” hinihingal na sambit ng babae.

“I-ikaw? Ikaw si Editha? Napakaliit talaga ng mundo, ano? Akalain mong dito ka pala nag-apply ng trabaho! Ngayon pa lang ay sinasabi ko nang hindi ka papasa kaya umuwi ka na. Tingnan mo itong mga kalaban mo, wala kang binatbat sa kanila. Nag-aaksaya ka lang ng oras dito! Umuwi ka na lang sa probinsiya n’yo!” sambit pa ni Angie.

Tiningnan ni Editha ang itsura ng mga ibang aplikante at saka siya napayuko dahil sa kahihiyan.

Napanghihinaan man ng loob ay si Editha ay pinilit niyang magpakatatag. Inisip niya ang kaniyang pamilya sa probinsiya na nangangailangan ng kaniyang tulong.

“Tanging ako lang ang maaasahan ng pamilya ko kaya kailangan kong subukan at galingan! Gagawin ko ang lahat para makuha ko ang trabahong ito,” saad ng dalaga sa sarili. 

Nang matapos ang tatlong aplikante ay tinawag na ang pangalan ni Editha para sa interbyu. 

“Huwag ka nang tumuloy dahil wala kang pag-asa. Itsura mo pa lang ay hindi na nababagay dito sa kompanya! Bakit kasi ang hilig ng mga taga-probinsiya na tulad mo na ipagsiksikan ang sarili dito sa Maynila?! Wala kayong lugar dito!” panghahamak muli ni Angie.

Nais na sana ni Editha na patulan itong si Angie ngunit nagpigil siya. Hindi na lamang niya ito sinagot at dumeretso na lang sa loob ng tanggapan.

Sampung minuto lamang ang tinagal ng interbyu ni Editha at lumabas siya kaagad. Taliwas sa interbyu ng mga nauna na mas matagal.

Paglabas ni Editha ay naroon si Angie at naghihintay sa kaniya. 

“Sinabi ko naman sa iyo na wala kang pag-asa. Nagsayang ka lang ng oras. O siya, umuwi ka na sa probinsiya. Huwag mong kalimutang kumuha ng larawan para maipakita at maipagmalaki mo sa mga kapitbahay mong nakatungtong ka sa lugar na ito!” pangungutya pa ng sekretarya.

Maya-maya ay nariyan na rin ang amo ng kompanya.

“Siya nga pala, Angie, ito si Ms. Editha Roque, siya na ang bagong Marketing Head natin. Ipakita mo sa kaniya ang kaniyang tanggapan at asikasuhin mo siya sa mga kailangan niya. Ms. Roque, kinagagalak kong mapabilang ka sa aming kompanya! Naniniwala akong sa galing at angking kakayahan mo ay matutulungan mo ang aking kompanya na mas mapaunlad pa,” pahayag pa ng amo.

Hindi makapaniwala si Angie sa kaniyang narinig. Hindi niya maintindihan kung bakit tinanggap ng kaniyang amo ang isang aplikanteng gaya ni Editha. 

Hindi nakatiis si Angie kaya tinanong niya ito sa kaniyang amo. 

“Hindi mo ba nabasa ang kaniyang resume? Nagtapos siya ng may pinakamataas na karangalan sa isang kilalang unibersidad. Isa siyang iskolar at napakaganda ng kaniyang mga ideya. Nakikita ko sa kaniya ang sarili ko. Galing din ako sa hirap at walang kompanyang nais na tumanggap sa akin dahil hindi kaaya-aya ang kasuotan ko. Hiniram ko lang kasi ang damit ko noon mula sa kapitbahay. Ilang araw akong naglalakad sa lugar na ito para maghanap ng trabaho. Hanggang ‘yung unang amo ko’y binigyan ako ng pagkakataon. Kaya naman ginalingan ko talaga at tingnan mo na ako ngayon. May-ari na ng isang kompanya. Kaya wala sa ganda ng porma ‘yan, Angie. Nasa galing ‘yan at diskarte,” pahayag pa ng amo.

Naiinis si Angie sapagkat alam niyang mapapahiya siya.

Sa pananatili ni Editha sa kompanya ay lagi siyang hinihintay ni Angie na magkamali upang mapatalsik ng kanilang amo. Ngunit patuloy sa pamamayagpag itong si Editha. Lalong natuwa ang amo sa kaniya dahil sa magaganda niyang proyektong nakatulong sa pag-unlad ng kompanya.

Pahiyang-pahiya si Angie sa maling inasal niya laban kay Editha. Nang mapagtanto ni Angie na magaling talaga ang probinsiyanang dalaga ay humingi na rin siya ng kapatawaran upang sila ay makapag-ayos.

“Wala na sa akin iyon, Angie. Ang nais ko lang naman talaga ay maghanapbuhay nang sa gayon ay mabigyan ko ng magandang buhay ang pamilya ko,” sambit ni Editha.

Nagsilbing malaking aral para kay Angie ang nangyaring ito.

Mula noon ay naging maganda na ang pakikitungo ni Angie kay Editha. Naging magkaibigan pa ang dalawa.

Napatunayan ni Editha kay Angie na wala sa itsura at sa lugar na pinanggalingan ang kakayahan at galing ng isang tao.

More Stories