Galit ang Binata sa Inang OFW dahil Sumama Ito sa Iba; Mabibiyak ang Kaniyang Puso Kapag Nalaman Niya ang Katotohanan

Galit ang Binata sa Inang OFW dahil Sumama Ito sa Iba; Mabibiyak ang Kaniyang Puso Kapag Nalaman Niya ang Katotohanan

FamilyHeartbreakingStories

Hindi pa man natatanggap ng binatang nars na si Roy ang kaniyang sahod ay paulit-ulit na niya itong kinukwenta para sa mga gastusin nila sa bahay. Kaunti na lang kasi ang kailangan niyang pera para makapag-apply ng bisa at makapag-ayos ng mga papeles para makapunta siyang Amerika at doon magtrabaho. Ngunit kahit anong kwenta niya ay tila hind pa rin sasapat ang sahod niya sa buwang ito para sa lahat ng kanilang pangangailangan.

Panganay sa apat na magkakapatid itong si Roy. Nagkaroon kasi ng matinding depresyon ang ama niyang si Raul dahil sa paglisan ng inang si Lumeng. Mula noon ay hindi na nakapagtrabaho ang ama ni Roy at lagi na lang nakakulong sa kaniyang silid. Makailang ulit na nga na nagtangka si Mang Raul na wakasan ang kaniyang buhay.

Dahil dito ay nasa balikat ni Roy ang lahat ng responsibilidad sa kaniyang mga kapatid. Ngunit ang kaniyang sinasahod bilang isang nars dito sa Pilipinas ay hindi sasapat kaya nais niyang pumunta ng Amerika. Isa pa sa mga dahilan ay upang harapin mismo niya ang kinamumuhiang ina. 

Habang abala sa pagkukwenta itong si Roy ay lumapit ang kaniyang kaptatid na si Suzie. 

“Kuya, nakausap mo na ba si nanay? Sabihin mo sa kaniya na graduation ko na sa isang buwan. Sigurado akong darating ‘yun dahil pangarap niya ‘yun para sa akin, e!” pakiusap ng nakababatang kapatid.

“Suzie, ilang beses ko bang sasabihin na tanggapin na lang natin na kahit kailan ay hindi na uuwi si nanay?! Maraming mahahalagang pangyayari sa buhay natin ang lumipas nang wala siya! Bakit ba hindi pa kayo nasanay? Hindi na uuwi ‘yun dahil masagana ang buhay niya sa ibang bansa. Hindi na nga niya tayo naaalala, ‘di ba? Kaya huwag kang umasa na dahil lang sa graduation mo ay uuwi siya!” nagtaas na ng boses itong si Roy. 

“Gusto ko lang naman na subukan mo baka magbago ang isip niya. Baka mamaya ay ito na ang magpapauwi sa kaniya. Para na rin mabuo ang pamilya natin. Alam ko mahal tayo ni nanay at hindi niya tayo matitiis,” dagdag pa ni Suzie. 

“Mahal? May mahal bang iniiwan? Nakikita mo ang lahat ng hirap ko, Suzie, para sa pamilyang ito. Kung totoo ‘yang mahal tayo ni nanay ay sana man lang ay inuwian niya tayo. Wala e, nakahanap na ng komportableng buhay kaya kahit tayong mga anak niya ay kaya niyang talikuran!” sambit pa ng panganay. 

Labis ang galit ni Roy sa kaniyang ina dahil sa pang-iiwang ginawa nito sa kanila. 

Tandang tanda pa ni Roy ang mga matatamis na ngitian ng kaniyang mga magulang habang sabay na nangangarap ng magandang buhay para sa kanilang pamilya. 

“Saglit lang na magtatrabaho ang nanay n’yo sa Amerika tapos ay susunod ako roon. Tapos ay isa-isa namin kayong kukuning magkakapatid nang sa gayon ay doon na tayo magsama-sama at maninirahan. Nararamdaman kong may magandang buhay na naghihintay sa atin sa Amerika,” saad ng amang si Raul. 

Ngunit wala pang isang taon ay bigla na lamang na hindi na mahagilap si Lumeng at ang huling balita nila ay mayroon na itong ibang pamilya. 

Dahil dito ay labis na nalugmok sa kalungkutan si Raul. Gumuho ang mundo nito at nawalan na ng gana sa buhay. Sapagkat nakikita ni Roy ang paghihirap ng kaniyang ama at mga kapatid dahil sa pangungulila sa ilaw ng tahanan ay unti-unting namuo ang poot sa kaniyang puso. 

Ilang araw ang nakalipas at dumating na nga ang araw ng pagtatapos ni Suzie. Sa lahat ng nagtapos ng pag-aaral ay bukod tangi ang dalaga na malungkot. Lalo tuloy nadagdagan ang sama ng loob ni Roy sa kaniyang ina. 

Nais ni Roy na makaharap na ang ina upang isumbat mismo sa mukha nito ang pang-iiwang ginawa nito sa kanila. Kaya naman ginawa niya ang lahat upang tuluyan nang makapunta sa Amerika. Umutang siya sa bangko upang maiayos ang kaniyang mga papeles. 

“Kung hindi natupad ang pangarap sa atin ni nanay na dalhin ang pamilya natin sa Amerika ay ako ang gagawa. Maghintay lang kayo, mga kapatid, at ako ang magbibigay sa inyo ng magandang buhay. Pati si tatay ay maipapagamot na rin natin para bumalik na siya sa dati,” saad ni Roy nang ihatid siya ng mga kapatid sa paliparan. 

Tuluyan na ngang lumipad patungong Amerika si Roy upang maging isang nars doon. Ngunit bago niya kaharapin ang kaniyang trabaho ay nais muna niyang gawin ang bagay na matagal na niyang gusto– ang hanapin ang kaniyang ina. 

Hindi naging mahirap para kay Roy na mahagilap ang ina dahil alam niyang nars ito sa isang sikat na ospital sa Amerika. Matiyaga niyang hinintay ang ina sa labas ng ospital. Inabot na siya ng gabi sa kakahintay hanggang sa tuluyan na niyang nakita ang ina. 

Hindi makapaniwala si Lumeng nang makita sa kaniyang harapan si Roy. 

“A-anak, a-anong ginagawa mo rito? M-masaya akong narito ka! May matitirahan ka na ba? Gusto mo ay manatili ka muna sa bahay? Kay tagal kong nangulila sa iyo, anak!” sunud-sunod na sambit ni Lumeng. 

Nais ni Lumeng na yakapin nang mahigpit ang anak ngunit marahas na umiwas si Roy. 

“Hindi ako pumunta rito para sa mga drama mo! Ang kapal ng mukha mo, ‘nay! Ang sabi mo sa amin ay magtatrabaho ka lang! Nangako ka sa amin na bubuuin natin ang pamilya natin dito sa Amerika pero ano’ng ginawa mo? Nakalasap ka lang ng ginhawa ay bigla mo na lang kaming binalewala! Si tatay! Alam mo ba kung ano ang nangyari kay tatay? Halos hindi na niya kami kilala. Hindi na siya makausap! Hindi na siya tulad ng dati dahil nabaliw na kakaisip sa iyo! Pero may pakialam ka ba? Kinalimutan mo na ang asawa mo pati mga anak mo! Anong klaseng tao ka?!” nanggagalaiting sambit ni Roy habang patuloy ang pagpatak ng kaniyang mga luha. 

“Magpapaliwanag ako, anak. Hayaan mo akong magpaliwanag! Magalit ka na sa akin kung gusto mo pero pakinggan mo naman ako! Nakikiusap ako sa iyo kahit sa huling pagkakataon lang. Matatanggap ko kung magagalit ka pero parang awa mo na, bigyan mo ako ng pagkakataong ipaliwanag ang sarili ko!” umiiyak na ring pagmamakaawa ng ina. 

Sa isang parke ay naupo ang dalawa upang mag-usap. 

“Galit na galit ako sa iyo dahil sa ginawa mo sa akin, kay tatay at sa mga kapatid ko! Alam mo ba kung ano ang hirap na kailangan kong kaharapin para lang itaguyod sila? Ayos lang naman sa akin, kakayanin ko kung kahit paano ay may magulang akong masasandalan! Pero wala ka, e!” lumuluhang wika ni Roy. 

“Alam kong hindi ka maniniwala pero walang oras na hindi ko kayo inisip na magkakapatid. Pero napipigilan akong kausapin kayo dahil natatakot ako sa tatay n’yo. Sabi niya sa akin na kapag kinausap ko kayo ay wawakasan niya ang kaniyang buhay at ayaw kong mawalan kayo ng ama. Hindi rin naging madali ang buhay ko rito, anak. Taliwas sa alam n’yo ay hindi ako ang nagdesisyon na pumunta dito sa Amerika. Ayaw ko kayong iwang magkakapatid. Pero pinagtulakan ako ng tatay n’yo! Ang sabi niya sa akin ay kaunting sakripisyo lang daw at gaganda rin ang buhay natin. Nang malaman niyang may gusto sa akin ang isang kasamahan ko sa trabaho ay pinagtulakan niya akong makipagkasundo rito para magpakasal,” mahabang paliwanag ng babae.

“Pagkatapos, kapag lehitimo na akong taga-Amerika ay kukunin ko siya kasunod kayo. Ngunit inabuso ako ng lalaking iyon! Sinabi ko iyon sa tatay mo pero sinabihan niya akong magtiis lang dahil sa kasunduan. Hirap na hirap ako, anak! Walang araw na hindi ako sinaktan ng lalaking iyon! Nagmamakaawa ako sa tatay n’yo na uuwi na lang ako para magkasama-sama tayo pero ayaw niya. Naniniwala siyang may magandang buhay na naghihintay para sa atin sa Amerika. Hanggang sa nakilala ko ang doktor na si David at siya ang nagligtas sa akin. Siya ang nagbigay ng pagkalinga at proteksyon na hindi ko nakuha sa tatay n’yo. Ilang beses akong nagtangkang kunin kayo o magbigay ng tulong pero laging hinaharang ng tatay n’yo at tinatakot niya ako,” dagdag pa ni Lumeng. 

Hindi makapaniwala si Roy sa ginawang paglalahad ng kaniyang ina. Hindi niya akalain na ang dahilan pala ng lahat ng ito ay ang matayog na pangarap at pagiging makasarili ng kaniyang ama. 

Labis na nahabag ang binata sa lahat ng pinagdaanan ng kaniyang ina. Ni sa hinagap ay hindi niya naisip na ganito pala ang pinagdadanan ng ina sa Amerika. 

“Maganda man ang buhay ko ngayon ay wala pa ring makakapuno ng puwang sa puso ko dahil sa pangungulila ko sa inyong mga anak ko! Kaya kung hahayaan mo ako’y nais kong magpakaina sa iyo. Gusto kong bumawi, Roy. Kay tagal kong hinintay na makita at mahagkan kayong muli,” patuloy sa pag-iyak ang ina. 

Napayakap na lang si Roy sa inang si Lumeng. Unti-unting natunaw ang galit sa puso ng binata at muli niyang naramdaman ang matagal nang tinatagong pangungulila sa ina. 

“Patawarin mo ako, ‘nay, kung hindi ko hinayaan noon na magpaliwanag ka sa amin. Kinain na ako ng galit ko sa iyo dahil ang akala ko ay basta mo na lang kami ipinagpalit. Patawad, ‘nay!” sambit naman ni Roy. 

Maging si Lumeng ay humingi ng kapatawaran sa lahat ng kaniyang pagkukulang. 

Ang planong paghihiganti ni Roy ay nauwi sa muling pagsasaayos ng relasyon nilang mag-ina. 

Nagdesisyon si Roy na pansamantalang tumuloy sa bahay ng ina upang makasama ito. Pilit na pinupunan naman ni Lumeng ang mga taong hindi sila magkasama. 

Nagtrabaho nang husto ni Roy upang madala niya sa ibang bansa ang kaniyang mga kapatid. Maging ang kaniyang ama ay dinala na rin niya sa Amerika upang ipagamot ito.

Nang unti-unti nang umayos ang kalagayan ng amang si Raul ay tuluyan na ring natanggap nito na wala na silang pag-asa pang magkabalikan ng dating asawang si Lumeng. Mas pinili na lang ng ginoo na bumalik ng Pilipinas upang doon manirahan at makalimot. 

Nang makasama ni Lumeng ang kaniyang mga anak ay wala siyang inaksayang sandali upang makabawi sa lahat ng kaniyang pagkukulang.

Natupad naman ang magandang buhay na inaasam ni Roy para sa kaniyang magulang at kapatid sa Amerika. Hindi man magkasama ang kaniyang ama at ina, para kay Roy ay mananatili pa rin sila na isang pamilya.

More Stories