Pinagmalupitan ng Babae ang Kaniyang Pinsan dahil Isa Lang Itong Ampon; Magugulat Siya sa Malalaman Nilang Rebelasyon

Pinagmalupitan ng Babae ang Kaniyang Pinsan dahil Isa Lang Itong Ampon; Magugulat Siya sa Malalaman Nilang Rebelasyon

FamilyKarmaStories

Pumailanlang sa ere ang tunog ng malakas na paghalakhak ni Jackie matapos niyang patirin sa hagdan ang kaniyang pinsang si Pia—o mas tamang sabihing, ang ampon ng kaniyang Tita Carla. Ang kapatid ng kaniyang inang si Carmina, na ngayon ay sumakabilang buhay na.

Noon pa man ay malaki na ang disgusto niya rito dahil sa katotohanang alam niyang isa lamang itong ampon, ngunit animo ito tunay na kaanak kung ituring ng kaniyang tiya, mga lolo at lola, at mga magulang. Pakiramdam nga niya, minsan ay mas mahal pa nila ito kaysa sa kaniya na siyang tunay na anak ng kaniyang mommy at daddy! Dahil doon, habang lumalaki sila ay ginawa niya ang lahat upang maging mahirap ang buhay ng ampong si Pia sa kanilang puder. Sama-sama kasi silang nakatira sa mansyon ng kanilang mga lolo at lola sapagkat ayaw ng mga ito na mawalay sila sa kanila.

Pinahihirapan niya ang pinsan kapag sila ay nasa bahay, habang pinagmamalupitan niya ito kapag sila ay nasa eskuwelahan! Hindi kailan man naging maganda ang pakikitungo niya rito kahit pa wala naman itong ginagawang masama sa kaniya.

Dahil doon, madalas siyang mapagalitan ng kaniyang mga magulang. Palagi nilang kinakampihan si Pia, na lalo namang ikinainis ni Jackie! Ngunit hindi sapat ang kanilang mga sermon upang tigilan niya ang ginagawa niya sa kaniyang pinsan, kaya naman maging ang mga kaibigan niya sa eskuwelahan ay pinagmamalupitan na rin ito!

“Jackie, please tumigil ka na! Wala naman akong ginagawang masama sa ’yo!” minsan ay pakiusap sa kaniya ni Pia habang umiiyak matapos niya itong ikulong sa C.R. ng kanilang eskuwelahan. Kung hindi pa ito nakita ng janitor ay hindi ito makakauwi sa kanilang tahanan!

“Dapat lang sa ’yo ’yan, ampon!” tatawa-tawang singhal naman niya rito na ni hindi man lang kababakasan ng pagsisisi sa mukha. Siya namang paglapit ng kaniyang mga ama na hindi na napigilang pagbuhatan siya ng kamay!

“Hindi ko alam kung saan mo nakuha ang ugali mong ’yan, Jackie. Kahit kailan ay hindi namin itinuro ng mommy mo na maging ganiyan ang asal mo sa iba, lalong-lalo na sa pinsan mo!” hiyaw nito sa kaniya, ngunit matapang niya pa rin iyong sinagot.

“Hindi ko siya pinsan, daddy! Ampon lang siya ni Tita Carla, at ngayong wala na siya, dapat na ring lumayas ang babaeng ’yan dahil hindi natin siya kapamilya!” sagot niya sa ama at akmang tatakbo na upang pumanhik sa kanilang kwarto nang biglang may isang boses na nakapagpatigil sa kaniya.

“Nagkakamali ka, hija. Dahil si Pia ang tunay na anak ng kinalakhan mong mommy at daddy,” sabi nito na ikinagulat nilang lahat. Napag-alaman nilang ito pala ang dating katulong ng kanilang pamilya na nagsilbi sa kanila nang mahabang panahon.

“Ang totoo po, gustong gumanti ni Señorita Carla kay Señorita Carmina, dahil ito po ang pinakasalan n’yo, kaya naman naisipan niyang ipalit ang sanggol na inampon niya sa inyong anak. Nakita ko po ang buong pangyayari, ngunit nang akmang isisiwalat ko na ’yon ay pinagbantaan niya ang buhay ko!” pagsisiwalat pa ng dating katulong sa kaniyang amang ngayon ay gulat na gulat sa nalaman! “Ngayong nabalitaan kong wala na si Señorita Carla ay may lakas na ako ng loob na aminin sa inyo ang katotohanan.”

Dahil sa isiniwalat nito ay agad na nagsagawa ng isang DNA test ang ama ni Jackie na si Arnaldo, at doon ay lumabas na nga ang totoo… na siya ang tunay na ampon at si Pia ang totoong anak ng mga ito!

Hindi alam ni Jackie kung ano ang mararamdaman sa paglabas ng katotohanan. Ngayon ay bumabalik sa kaniyang balintataw ang lahat ng kalupitang ipinaranas niya sa pinsang si Pia sa pag-aakalang ito ang tunay na ampon. Nahiya siya sa kaniyang sarili dahil siya pala ang tunay na sampid sa pamilyang nagmahal at nagpalaki sa kaniya noon.

Dahil doon ay agad na inempake ni Jackie ang kaniyang mga gamit. Ngayon niya napagtantong siya pala at hindi si Pia ang dapat na lumayas. Ngunit nagulat siya nang biglang pumasok si Pia sa kaniyang kwarto.

Akala niya ay susumbatan at sasaktan din siya nito katulad ng ginagawa niya rito noon ngunit imbes ay niyakap lamang siya nito. “Pinatatawad na kita, Jackie. Huwag ka nang umalis, dahil masasaktan sina mommy at daddy. Hindi mo lang nakikita, pero mahal na mahal ka nila,” umiiyak na pakiusap sa kaniya ni Pia na ikinagulat niya! Lalo lang siyang nagsisi dahil sa kabila ng kalupitan niya ay napakabuti pa rin ng ipinapakita nito sa kaniya.

Dahil doon ay niyakap niya ito pabalik. Pagkatapos ay tapos-puso siyang humingi ng tawad dito at sa kanilang mga magulang. Ngayon ay natutunan na ni Jackie ang leksyong kailanman ay hinding-hindi niya malilimutan.

Kalaunan ay bumalik muli sa normal ang lahat, ngunit hindi ang pagmamalupit niya kay Pia, dahil ngayon ay sila na yata ang pinakamatalik na magkaibigan!

More Stories